lookupnovel logo lookupnovel
Ang Diary Ng Hindi Malandi (Slight Lang) Season 1

Chapter 31

Ch. 32 / 36 Apr 09, 2022

Madramang Entry #31

Dear Diary,

Nagising na lang ako, Diary, na nakaunan na ang ulo ko sa mga binti ni Josh. Kaya pala may something na matigas. Iyong bakal pala ng sinturon niya ang nadadaganan ng ulo ko. Akala ko naman kung ano. Ahihihi! Hindi tuloy ako makatingin nang maayos sa kanya dahil sa nangyaring kahihiyan kagabi. Sabi nga ni Swiper sa Dora, ang negrang lakwatsera: “Oh, men!”

“Good morning...” nakangiting bati sa akin ni Josh habang hinihimas pa ang matigas kong buhok. Ibang-iba ang mga ngiti niya ngayon. Totoong-totoo at halatang totoo, Diary. Mas guwapo talaga siya kapag nakangiti.

“Good morning—” Biglang naputol ang pagbati ko sa kanya kasi bigla naman niya akong hinalikan sa mga labi. Shutang inerns, Diary! “Whoa! Bakit mo `ko hinalikan? Hindi pa ako nagmumumog. Mabaho pa ang hininga ko.” Napatakip ako bigla ng bibig.

Ngumisi naman si Josh. “Wala akong pakialam kahit mabaho pa ang hininga mo. Hindi lang mabangong parte ng katawan mo ang mahal ko. Pati na rin ang mabahong parte mo.”

Pakiramdam ko, namula ako sa sinabi ni Josh, Diary. Ahihi! Na-miss ko ang mga banat niya sa akin. Mahal niya raw pati mabahong parte ng katawan ko. Pero bakit nahimatay siya kagabi? Tse! Paasa!

“Mahal mo pati mabahong parte ng katawan ko? Pero bakit ka nahimatay kagabi?” Inirapan ko nga siya.

“Ah, ano kasi... kasi antok na antok na `ko... Sorry na, Pipay.” Hinalikan niya ulit ako sa mga labi saka sa pisngi.

“Ayos lang.” Ngumiti rin ako.

Iba talaga ang feeling, Diary, kapag taong mahal mo ang bumabanggit sa pangalan mo. May kakaibang kasiyahang naidudulot sa puso mo.

Parehas kaming napatingin ni Josh nang tumunog ang pinto ng school gym. May nagbubukas na ng pinto. Malamang si Shunga-shungang guard na `yan. Pepektusan ko ang bumbunan niyan ngayon, eh.

“Ano’ng ginagawa ninyo diyan?” gulat na tanong niya sa amin nang nakita niya kami ni Josh. Agad kaming napatayo ni Josh saka lumapit kay Manong Guard.

“Nasaraduhan kami kagabi. Hindi ba kayo aware na may tao pa rito?” inis na tanong ni Josh sa kanya.

“Hindi, eh. Eh, di sana hindi ko pa isinara ang pinto,” nang-iinis na sagot naman niya.

“Paano mo makikitang may tao pa samantalang malinaw lang naman `yang mga mata mo sa mga babaeng maikli ang palda rito sa school. Manyakis na `to,” ganting sagot ko naman sa kanya. “Pigilan mo `ko, Josh. Pepektusan `ko ang ngalangala nito.” Agad naman akong pinigilan ni Josh.

“Hayaan mo na siya, Pipay. Tara na, umuwi na tayo at makapagbihis.” Kinuha na ni Josh ang bag at gitara niya saka niya ako hinila palabas ng school gym.

Dumaan din muna kami sa library para kunin ang gamit kong naiwan ko kahapon. Habang naglalakad kami palabas ng school, magkahawak kaming dalawa ng kamay. Parehas kaming nakangiti nang malapad, parehas masaya sa nangyayari ngayon. Maaaring may mga tao kaming nasasaktan kapag ipinagpatuloy namin `to pero puwede namang maging selfish kahit minsan, Diary, `di ba? Para sa ikasasaya namin. Para sa aming dalawa.

Mabuti na lang, masyado pang maaga kaya wala pang estudyante ang nakakakita sa amin, kundi paniguradong parehas kaming lagot kina Heleparot at Prince.

“Mamayang uwian, hihintayin kita sa plaza. Gusto kong mag-date tayo para i-celebrate natin ang pagbabalikan natin,” sabi ni Josh sa akin pagdating namin ng sakayan ng jeep. “Makikipaghiwalay na ako kay Helena. Kaya sana, makipaghiwalay ka na rin kay Prince.”

Napatango na lang ako sa sinabi ni Josh. Hinalikan niya ulit ako bago siya sumakay ng jeep pauwi sa kanila. Hindi ko mapigilang hindi mapangiti dahil sa mga nangyayari. Pero noong nawala na sa paningin ko ang jeep na sinasakyan ni Josh, agad nawala ang ngiti sa mga labi ko.

“Kaya sana makipaghiwalay ka na rin kay Prince.”

Parang sumikip ang dibdib ko sa ideyang sinabi ni Josh. Gusto kong maging formal ulit ang relasyon namin, Diary. Iyon tipong walang naaapakan at nasasaktan na tao para maging masaya kami nang tuluyan. Pero iyong sinabi ni Josh na hihiwalayan ko si Prince ay nagbigay agad sa akin ng paninikip ng dibdib. Parang hindi ko kaya. Shutang inerns! Ang gulo! Mahal ko si Josh pero ayokong masaktan si Prince.

Walang gana tuloy akong naglalakad pauwi sa bahay namin. Nasa may kanto pa lang ako, nakita ko na agad si Prince na matiyagang naghihintay sa akin. Nagulat ako pero siya, nakangiti lang.

“Good morning, PP. Saan ka galing? Tara na.”

Akala siguro ni Prince, kanina pa ako gising para pumasok. Hindi niya alam na kauuwi ko lang ngayon para maligo at magpalit ng uniform.

“Sandali lang. Magpapalit muna ako ng uniform,” sabi ko sa kanya na hindi man lang makatingin sa mga mata niya.

“Ha? Bakit? Ayos naman ang uniform mo, ah...” Napahinto siya. “Oo nga `no. Masyadong gusot-gusot. Hindi mo ba `yan pinlantsa?”

“Basta. Sandali lang talaga. Mabilis lang ako.” Patakbo na sana ako papasok ng bahay namin pero hinawakan niya ang kamay ko.

“Teka, may ibibigay ako sa `yo.”

May kinuha siya sa bulsa ng bag niya. Isang heart-shaped na lalagyan na may iba’t ibang kulay ng candy sa loob. “Nakita ko `yan kanina sa kanto kaya binili ko agad dahil naisip kita. Para kasi `yang puso ko. Na kapag ikaw ang may hawak, nakakaramdam ako ng iba’t ibang klase ng kasiyahan.” Napalunok ako sa sinabi ni Prince.

Tumango na lang ako at agad na tumalikod para pigilan ang luhang balak lumabas sa mga mata ko. Shutang inerns! Paano ko magagawang hiwalayan iyang taong `yan na walang ibang ginawa kundi iparamdam kung gaano ako kahalaga sa kanya? Pero paano naman si Josh? Shet naman, Diary! Ang hirap maging malandi—este, maganda.

Pagpasok ko sa loob ng bahay namin, dahan-dahan pa akong naglakad dahil baka magising si Inay. Panigurado, papagalitan ako n’on dahil hindi ako nagsabi kung saan ako nagpalipas ng gabi. Pero dahil sadyang malas ako, gising na si Inay at nagkakape na sa lamesa.

“Saan ka natulog, Pilar?” seryosong tanong niya sa akin.

“Sa... classmate ko, Inay,” kinakabahang sagot ko sa kanya.

“Ah, K.” Ibinaling niya na ulit ang mga mata niya sa panonood ng balita.

Okay. Iyon na `yon? Ine-expect ko na magagalit siya sa akin dahil hindi ako nagsabi kung saan ako nagpalipas ng gabi pero mukhang good mood si Inay kaya hindi niya na lang ako pinansin. Wala ba siyang care sa akin o talagang dedma lang siya nang bongga?

“Dumating na pala `yong gown mo para sa Miss January Girl 2014. Inilagay ko sa kuwarto mo,” pahabol niyang salita bago ako nakaakyat ng kuwarto.

Excited akong binuksan ang gown saka agad na isinukat. Pula ang gown at may magagandang design na nakaburda sa tela. Mukhang pang-Miss Universe ang lalabanan ko dahil dito. Kabog ko panigurado ang mga kalaban ko lalong-lalo na si Mimay.

Hahaha! Yari ka sa akin negrang pusit ka! Mararamdaman mo kung paano matalo ng isang Pilar “Pretty” Payoson.

“ANAK, ANO’NG GINAWA MO!?” Nagulat ako dahil sa sigaw ni Inay na biglang pumasok sa kuwarto ko. “MALAS `YAN! `WAG MONG SUSUKATIN ANG GOWN MO! HINDI NA MATUTULOY ANG MISS JANUARY GIRL 2014!!”

“Inay, `wag shunga. Matutuloy `yon sa ayaw o sa gusto ko. Kurakot kaya ang barangay natin kaya kailangan nila ng pera.”

“Ah, K,” sagot naman niya. “Ang ganda ng gown, anak. Sayang. Ang panget ng nagsusuot.”

“Wow, Inay! Salamat sa support. The best ka talaga.”

“I know, right?” Kumindat pa siya. “Ang ganda talaga ng gown, anak. Kaso matatalo ka naman, eh. Sayang.”

Utang-na-loob! Inay, lumabas ka na bago pa kita maihagis palabas ng bintana. Charot! Mahirap kalabanin si Inay. Boksingera `yan, eh.

Agad na akong naligo at nagbihis ng bagong uniform. Hindi na ako kumain dahil nakakahiya naman kay Prince na kanina pa naghihintay sa labas ng bahay namin. Sinalubong niya agad ako ng isang malapad na ngiti paglabas ko.

“Wow. Fresh si PP ko, ah,” pagbibiro niya sa akin.

“Tse!” Inirapan ko siya nang pabiro. “Sorry kung ang tagal ko.”

“Ayos lang `yon. Alam mo naman na willing akong hintayin ka kahit magpakailanman, eh.”

Prince, tama na. `Wag ka nang magsalita ng mga sweet na bagay. Mas lalo lang akong nagi-guilty, eh.

“Let’s go na,” pagyaya niya sa akin saka hinawakan ang aking kamay.

Pakiramdam ko, pinagpapawisan ang mga daliri ko habang hawak ang kamay ni Prince. Ganito talaga `ata kapag may ginagawang hindi nararapat—pinagpapawisan ang kamay. Hindi ako komportable. Pakiramdam ko, ginagago ko siya, niloloko at pinapaasa.

“PP, may sky lanterns na paliliparin mamaya sa plaza. Panoorin natin?” sabi niya sa akin habang nakasakay kami sa jeep.

Papayag na sana ako kaya lang bigla kong naisip ang date namin ni Josh mamaya. Gusto kong sumama kay Prince para naman makabawi ako pero gusto ko ring makasama si Josh mamaya kasi first date ulit namin iyon. Shet, ang hirap mag-decide! Sana kaya kong hatiin ang katawan ko. Tiktik lang?

“May gagawin ako mamaya, eh. Next time na lang,” pagtanggi ko sa kanya.

“Ah, gano’n ba? Sayang naman.”

Halatang disappointed siya dahil sa pagtanggi ko pero hindi nawawala ang ngiti sa mga labi ni Prince. Alam ko `yang mga ganyang ngiti. Para maitago ang pagiging disappointed.

Shet lang, Prince! Kung alam mo lang. Gusto kong sumama sa `yo pero nahihirapan akong mamili. Parang binibiyak ang ulo ko sa sobrang hirap mag-decide.

Hindi na ulit kami nag-usap ni Prince habang bumibiyahe patungong school. Naghiwalay naman agad kami sa harap ng school tulad ng laging ginagawa. Buong morning class namin, hindi nagsasalita si Prince. Tahimik lang siya at hindi nagsasalita. Kapag kinakausap siya ng mga classmate namin, tatango lang siya o kaya iiling naman. Kahit nga kinukulit siya ni Mimay, hindi niya pinapansin, eh.

Malungkot si Prince, alam ko. Sana kaya kong tanggalin ang kalungkutan na nararamdaman niya. Pero kasi kahit gusto ko, hindi puwede. Involved si Josh dito. Paano ko tatanggalin ang kalungkutan niya kung kasiyahan ko naman ang mawawala?

“Alam n’yo, girls, dumating na ang gown ko. I’m sure, maiinggit ang iba diyan at uuwi nang luhaan,” pagpaparinig sa akin ni Mimay saka humalakhak pa siya nang bongga. Kita ko tuloy ang itim niyang ngalangala.

“O, talaga, Mirasol? Ano’ng kulay?” tanong ng alipin ni Pusit.

“Kulay-puti. Elegante talaga ang dating.”

Puti ang gown ni Negra. Shet! Lakas magsuot ng mga bright color, akala mo naman bright ang skin. Hello? Puwede ka kayang gawing panggatong dahil sa sobrang kaitiman mo, Mimay! Napapaikot na lang ang mga mata ko sa kapal ng mukha ni Mimay, Diary.

Noong uwian na namin, Diary, gano’n pa rin si Prince. Hindi pa rin siya nagsasalita. Pero ngumingiti naman siya sa akin. Ang tahimik tuloy naming dalawa habang hinahatid niya ako pauwi ng bahay namin.

“May problema ka ba, Prince?” Nilakasan ko na ang loob ko para itanong kung may problema siya.

“Problema? Wala naman. Bakit mo naitanong?”

“Ang tahimik mo kasi simula kaninang umaga, eh. Galit ka ba sa akin dahil hindi ako pumayag sa pagyaya mo? Sorry—”

“Hala, PP, hindi, `no. May iba lang akong iniisip. Hindi ako galit sa `yo,” mabilis niyang sagot sa akin. “May gusto lang akong gawin para sa `yo. Basta, `wag mong iisiping galit ako, okay?” Ngumiti si Prince saka pinisil ang kamay ko.

Hinalikan ako ni Prince sa pisngi at sa noo saka nagpaalam na siyang uuwi na. He kissed my lips. I tasted your mouth. Chos! Lakas maka-Katy Perry.

Nabunutan na ako ng tinik dahil sa sinabi ni Prince. Akala ko, galit siya sa akin dahil sa pagtanggi ko pero hindi pala. Ang bait-bait ni Prince pero niloloko ko lang. Kinakain tuloy ako ng konsiyensiya ko ngayon.

Nakahiga lang ako sa aking kama, Diary, at nakatulala sa kawalan, iniisip ang mga bagay-bagay na nangyayari sa akin ngayon. Dati naman, wala akong iniisip na ganito. Walang nasasaktan na tao. At walang pinapaasa. Simple lang ako no’n, Diary, `di ba? Babaeng ang tanging gusto lang ay makuha si Prince na minahal ko nang ilang taon. Pero ngayon, nasa akin na nga siya, hindi ko naman mabigyan ng importansiya.

Nag-aayos na ako nang nakatanggap ako ng text mula kay Josh. Napangiti na lang ako sa text niya.

6 PM, plaza. Sobrang saya ko, Pipay, dahil finally akin ka na ulit. Mahal na mahal talaga kita.

Nag-reply ako na mahal na mahal ko rin siya. Umalis na ako ng bahay namin noong bandang alas-sais na.

Pagdating ko sa plaza, nakita ko agad si Josh na nakangiti nang malapad sa akin. Nakasuot siya ng white shirt at shorts lang pero ang lakas pa rin ng dating. Ang guwapo-guwapo talaga ng lalaking `to. Agad niya akong niyakap at hinalikan na naman sa mga labi. Ihhhh, `kainis si Josh! Ang dami kaya ngayong tao. Hindi man lang nahiya.

“Pipay, sampalin mo nga ako,” sabi ni Josh habang nakaupo kami sa plaza at kumakain ng footlong. Footlong na naman? Ahihi! Hotdog with cheeze and love.

“Bakit naman?” Kumagat ako sa hotdog.

“Kasi baka nananaginip lang ako. Baka panaginip lang `to na akin ka na ulit. Pero `wag mo na pala akong sampalin dahil ayokong magising kung panaginip lang `to,” seryoso niyang sagot sa akin habang nakatingin nang deresto sa mga mata ko.

“Ako rin. Ayoko nang magising. Dahil kung panaginip lang `to, ayos nang mabuhay ako rito para lang makasama ka habang-buhay.” Ngumiti rin ako sa kanya.

“Natatandaan mo ba `yong upuan na `yon?” Itinuro niya ang mahabang upuan na inuupuan ng dalawang magsyota ngayon. “Diyan ako nagmakaawa na balikan mo ako, `di ba?”

“Sorry no’ng mga panahon na `yon, Josh.”

“Ayos lang. At least ngayon, tayo na ulit. Papalitan natin ng masasayang alaala ang mga masasakit. This time, hindi na tayo maghihiwalay.”

“Tama. Hindi na tayo maghihiwalay,” sagot ko sa kanya.

Nag-ikot kami ni Josh sa buong plaza na magkahawak ang kamay. As usual, napapatingin na naman ang mga tao sa paligid namin lalo na ang mga babae. Ang guwapo ba naman ng kasama ko, eh. Mas lalo akong dumikit kay Josh para ipagmalaki sa buong mundo na akin siya. Kaya, mga `te, chupi! Ilayo n’yo ang mga mata n’yo sa kanya at baka dukutin ko `yan!

“May sky lanterns pala ngayon na paliliparin. Sakto, rito tayo ngayon pumunta.”

Nakita namin ni Josh ang tarpaulin about sa sky lanterns. Agad kong naisip si Prince dahil dito. Shet! Ito nga pala ang sinasabi niya, Diary. Nakaramdam agad ako ng kakaibang kaba at lalong lumakas ang kabog ng dibdib ko. Parang pakiramdam ko, makikita ko si Prince ngayon dito. Pero manonood ba siya kahit hindi ako kasama?

“Five, four, three...” Narinig namin ni Josh na nag-count down na ang emcee sa stage habang inihahanda ang mga sky lantern na papaliparin.

“Two, one...”

Dahan-dahang lumipad patungong langit ang mga sky lantern. Napuno tuloy ng maliliwanag na bagay ang langit. Ang ganda, Diary! Ngayon lang ako nakakita ng ganitong bagay. Halos lahat ng tao, nakatingala para masaksihan ang ganda ng kalangitan.

“Pipay...”

Para akong nanlamig dahil sa boses na tumawag sa pangalan ko. Dahan-dahan kong hinarap ang taong `yon.

Nagtama ang mga titig namin. Napatingin siya kay Josh at sa kamay nito. Nawalan ng reaction ang mukha ni Prince. Iyong gulat sa mukha niya kanina ay agad na nawala. Para siyang naging isang taong nawalan ng buhay, Diary.

“Nagkabalikan na pala kayo?” malamig na tanong ni Prince sa akin.

Nanuyo ang lalamunan ko dahil sa tanong niya. Humigpit ang hawak ni Josh sa kamay ko. Ramdam ko ang tensiyon na namamagitan sa aming tatlo.

“Oo. Binabawi ko na ang pag-aari ko,” maangas na sagot ni Josh.

“Gano’n ba?” walang-ganang sagot ni Prince sa kanya. Hindi man lang siya tiningnan ni Prince dahil sa akin lang nakatuon ang tingin niya. “Kaya pala hindi ka pumayag na pumunta rito dahil iba ang gusto mong kasama, PP.” Ngumiti si Prince nang mapakla. “Ay, sorry, natawag kitang PP. Siguro ngayon, kailangan na Pipay ulit ang itawag ko sa `yo, `no?”

Para akong pipi na hindi makapagsalita sa mga sinasabi ni Prince. Kahit gusto kong sumagot, wala namang lumalabas. Naramdaman ko na lang na tumulo ang mga luha ko.

“You have this habit of hurting the guy who truly loves you, Pipay,” sabi ni Prince. “Ito ang bagay na pinag-iisipan ko kanina kaya hindi ako nagsasalita. Since hindi ka makakasama sa akin dito, inisip ko kung paano makakakuha nito para sa `yo. Pero wala rin palang kuwenta.” Lumakad siya sa harap ko saka iniabot sa akin ang lantern na hawak niya.

“Kahit pala gaano mo paliguan ng pagmamahal ang isang tao, wala pa ring saysay.” Nakangiti siya sa akin pero kita ko na ang luha sa mga mata niya. “Alam ko naman na darating ang araw na `to, eh, `yong babawiin ka ni Josh sa akin. Pero iba pa rin pala `yong sakit. Tagos hanggang buto.”

Tumalikod na si Prince saka naglakad palayo sa amin ni Josh. Saka tuloy-tuloy na dumaloy ang luha sa mga pisngi ko.

Nasaktan ko si Prince, Diary.

Ang sama kong tao.

Hindi dapat ako maging masaya.

Wala akong kuwenta.

Gusto nang mamatay,

Pipay