lookupnovel logo lookupnovel
Ang Lihim sa Tore ng Sinagtala

Chapter 86

Ch. 85 / 85 Mar 03, 2022
Prev Next

MAGKAKAYAKAP PA RIN SILANG TATLO NANG bumaba mula sa kuwarto nito ang mama nina Jhustin at makita sila sa pintuan. Nakanganga itong lumakad palapit sa kanila, nagtataka at parang gusto na ring maiyak dahil sa madamdaming tagpong nasaksihan.

“Ano’ng nangyayari dito?” tanong ng kanyang ina.

Saka lang kumawala ang tatlo sa kanilang pagkakasugpong.

“`Ma,” sabi ni Jhustin. Yumakap siya sa ina at ganoon din ang ginawa ng kanyang kuya. “May sasabihin kami ni Kuya.”

Kumawala ang mama niya sa pagkakayakap nila at pinunasan ang luha sa mukha nilang magkapatid. “Ano ba `yon? Pinapakaba n’yo naman ako.”

“Kami din,” halos sabay na sabi ni Jhustin at ng kuya niya. Pilit ang tawa nila, pero nakatulong iyon para maibsan kahit papaano ang bigat na kanilang nararamdaman.

“Tara nga muna sa kusina at magtitimpla ako ng kape,” sabi ng kanyang mama. “Makho, samahan mo na kami. Mukhang marami ka ding sasabihin. Ninenerbiyos ako sa inyong tatlo.”

Naglakad papunta sa kusina ang ina ni Jhustin habang nagpupunas ng luha gamit ang suot na bestida. Agad namang sumunod ang kuya niya pagkatapos siyang tapikin sa balikat.

Susunod na rin sana si Makho sa kusina. Natigilan lang siya nang hawakan ni Jhustin ang kanyang balikat.

“Makho...” halos pabulong na sabi ni Jhustin.

Napatingin si Makho sa kaibigan. “Bakit?” May halong pag-aalala sa boses niya.

“Saglit lang.”

“May problema ba? `Wag mong sabihing ngayon ka pa magba-back out?”

“Hindi.” Napakamot sa ulo si Jhustin. “Ano kasi, `yong tungkol sa sinabi ko kanina sa tore.”

“Ano `yon?”

“`Yong ano... no’ng hinatak kita.”

Namula ang mukha ni Makho. Napayuko siya nang bahagya. Hindi niya makuhang tingnan nang deretso ang kasama.

“Ayos ka lang?” tanong ni Jhustin.

“Ayos lang.”

“Ano... kung ayaw mong pag-usapan...”

Biglang hinalikan ni Makho sa pisngi ang kaibigan. “Isa-isa lang,” bulong niya. “Mahina ang kalaban.”

Gumuhit ang matipid na ngiti sa mga labi ni Jhustin. Ngumiti rin si Makho. Nangusap saglit ang kanilang mga mata, sinasabi ang mga bagay na hindi pa nila kayang pag-usapan. Hindi muna ngayon. Sa tamang panahon. Sa tamang pagkakataon.

At sabay silang nagtungo sa kusina nang magkaakbay.

Wakas