HABANG naglalakad sila palabas ng restaurant na kinainan nila, bitbit ni Dark ang moon cake na ipina-take out nito para daw sa kaibigang si Volkzki.
“Thank you for coming, Mr. Montero. I hope you enjoyed our food,” paalam ni Mr. Wong na nasa pintuan ng restaurant.
“Yeah. We enjoyed it,” walang ngiti sa mga labing sabi ni Dark.
“It’s very delicious,” sabi naman ni Anniza pero siniguro niyang hindi siya nakangiti.
Natigilan siya bigla nang halikan siya ni Dark sa mga labi sa harap mismo ni Mr. Wong. Pagkatapos, nginitian siya nito. “Siyempre, sinubuan kita, eh, kaya masarap.”
Susuntukin sana niya si Dark sa braso nang maalala niya ang “one violent move, one kiss” na rule nito. Hindi na lang niya itinuloy ang suntok at ikinuyom na lang ang kamao.
Tumaas ang sulok ng mga labi ng binata at naghahamong tumingin sa kanya. “Dali. Suntukin mo na ako.”
Inirapan ito ni Anniza. Nauna na siyang naglakad papunta sa kotseng naghatid sa kanila kanina. Nakahabol naman agad sa kanya si Dark para pagbuksan siya ng pinto ng sasakyan.
“Hop in, agápi mou ,” nakangiti nitong sabi.
Nailing siya sa ginawang iyon ng binata, saka sumakay. Sumunod naman ito.
“Where to, Sir?” tanong ng driver.
“The Centrepoint.”
Mukhang tuloy ang pagsha-shopping nila. Nahihiya si Anniza na si Dark pa ang bibili pati mga damit niya. Pero okay rin dahil maraming magagandang plus-size n damit doon na puwede niyang pagpilian. Sa Pilipinas kasi, nakakahiyang bumili dahil minsan, wala ang size niya at kung makatingin pa ang saleslady, parang kasalanan ang pagiging plus-size. Medyo mahirap maghanap ng jeans na thirty-one ang waistline. Scratch that. Palagi nga pala siyang kumakain simula nang makilala niya si Dark kaya hindi na siya magtataka kung thirty-three na ang waistline niya!
Gusto niyang umiyak! Bakit kasi ang sarap kumain, eh! Pagkatapos si Dark, palagi pa siyang pinapakain ng kung ano-ano.
Nang makarating sila sa The Centrepoint, sabay silang bumaba ng sasakyan. Habang naglalakad sila papasok sa mall, pinagsalikop ng binata ang mga kamay nila. At mukhang hindi pa ito nakuntento, inakbayan siya nito, saka hinalikan sa mga labi.
Naiiling na inirapan niya si Dark. “You and those lips of yours.”
Kinindatan siya nito. “I like kissing you in public,” sabi nito na mas humigpit ang pagkakaakbay sa kanya. “Gusto kong malaman nilang lahat na akin ka.”
Nagbaba ng tingin si Anniza nang kumabog nang mabilis ang puso niya. Why was he saying things like that? Hindi ba nito alam ang epekto niyon sa puso niya? Lalo pang bumilis ang tibok ng puso niya nang maramdamang hinalikan siya ni Dark sa balikat. Nang bumaling siya sa binata, nagtama ang mga mata nila.
“Dark…”
Hinalikan uli siya nito, saka bumulong. “Hindi ba, akin ka naman?”
Naumid ang dila ni Anniza habang magkatitigan sila. Parang sasabog ang puso niya sa halo-halong emosyong nararamdaman niya nang mga oras na iyon.
“You’re mine, right?” tanong uli ni Dark habang hinahaplos ang pisngi niya. “Right?”
Wala sa sariling tumango siya. “Yes. I’m yours.”
Slowly, a wide smile curved his lips. “That’s my girl.”
Napakurap-kurap si Anniza na parang natauhan. Pero bago pa niya mabawi ang sinabi, iginiya na siya ng binata papunta sa kung saang bahagi ng mall.
After a couple of minutes, they were already busy buying clothes for her.
“Heto, bagay `to sa iyo,” sabi ni Dark, sabay abot sa kanya ng napili nitong damit. “And this, and this, and this and that.”
Naiiling habang natatawang pumasok siya sa fitting room at isinukat ang mga napiling damit ng binata. Ang una niyang sinukat ay iyong dark blue above the knee tube top dress na may belt sa bandang ibaba ng dibdib. Nakaramdam siya ng hiya na lumabas ng fitting room nang ganoon ang suot. Makikita ang malalaman niyang braso.
Speaking of fitting room…
Ilang boutiques na ba ang napasukan niya? Naaawa na siya sa driver ni Dark na kasama nila dahil ang dami na nitong bitbit na shopping bags. Ang iba nilang pinamili ay isinakay na ng driver sa kotse. Hindi na siya magtataka kung mapuno nila ang compartment ng sasakyan.
Napatigil si Anniza sa pag-iisip nang may kumatok sa pinto ng fitting room.
“Open up. Let me see it, ómorfos .”
Huminga muna siya nang malalim bago binuksan ang pinto at lumabas. “Bagay ba?” nakakagat-labing tanong niya.
Nang makita siya ni Dark, biglang nawala ang ngiti nito. Bigla siyang kinabahan. Oh, hell!
“Pangit ba? Hindi ba bagay sa akin?” She was hyperventilating. “S-sige, magbibihis na ako.”
His lips parted as he looked at her. “Damn, Anniza. You look beautiful.”
Namula ang mga pisngi niya. “Binobola mo yata ako, eh.”
Mabilis na umiling ang lalaki. “No. Ang ganda mo. Natatakot na tuloy ako.”
Kumunot ang noo niya. “Natatakot na?”
“Natatakot na dumami ang kaagaw ko sa iyo.”
Inirapan ni Anniza ang binata. “You have a very flowery tongue, Dark. I don’t believe you.”
He raked a hot and hungry stare on her body. “Maganda ka sa suot mong `yan, pero mas maganda ka kapag walang damit.” He wiggled his eyebrows at her.
She rolled her eyes and closed the door. “I’ll try the other one,” sabi niya habang nasa loob, saka hinubad ang dress at iba naman ang isinukat.
At iyon ang ginawa niya sa loob ng tatlong oras. Trying new clothes, designer shoes and accessories. Ayaw na niyang bumili dahil nakakahiya na pero hindi naman nagpapapigil si Dark.
“Dark, masakit na ang paa ko,” nakasimangot na reklamo niya. “Ayoko na. Umuwi na tayo.”
Nginitian siya ng binata. “One last store. Deal?”
Lalong humaba ang nguso niya. “Fine.”
Nakasimangot si Anniza habang papasok sa Reaveros Jewelry store. Ang alam niya, Filipino ang may-ari ng jewelry store na iyon. Si Ream Oliveros. Nalaman niya iyon dahil na-feature na ang binata sa Bachelor’s Magazine. Ream was a billionaire at the age of thirty. Wala itong girlfriend at puro flings lang.
Men and their animalistic attitude.
“Here. Bagay `to sa iyo,” sabi ni Dark na nagpabalik sa isip niya sa kasalukuyan.
Bumaba ang tingin niya sa kamay niyang hawak ni Dark. She saw a very beautiful watch. Halatang mamahalin ang design at talagang napakaganda niyon. May maliliit na brilyante sa gilid pati na sa loob. It had one and a half inch wide strap. At mukhang babagay nga iyon sa kanya.
Pero hindi niya iyon matatanggap. Napakarami nang naibigay sa kanya ng binata.
Umiling siya. “No, Dark. That’s too much.” Ibinalik niya rito ang wristwatch. “Ang dami mo nang binili para sa akin, eh. Sobra-sobra na `yon. Ayoko nang tanggapin `yan.”
He pursed his lips. “Ayaw mo sa bigay ko? Is that it?”
“No. Hindi sa gano’n,” depensa ni Anniza nang makitang dumilim ang mukha ng binata. “Kaya lang, sobra na, eh. Masyado nang malaki ang ginastos mo sa akin, Dark. May hiya naman ako. I don’t want to look like a gold digger.”
“It’s a gift.”
“Ayoko pa rin.”
Bumakas ang iritasyon sa mukha ni Dark. “Fine.” Ibinalik nito sa saleslady ang relo at kinuha ang mga shopping bags na dala niya. “Ilalagay ko lang `to sa sasakyan. Hintayin mo ako rito. Kakain tayo bago bumalik sa Pilipinas.”
Nakasunod ang mata niya sa binata na naglalakad palabas ng Reaveros Jewelry store. She felt bad while looking at his dark face. Pakiramdam niya, ang sama-sama niya dahil tinanggihan niya ito.
“Mukhang nasaktan n’yo ang boyfriend n’yo, Ma’am,” sabi ng saleslady na pinagbalikan ni Dark ng relo.
Gulat na binalingan ni Anniza ang saleslady. “Tagalog? Pilipino ka?”
Medyo may-edad na ang babae. “Yes po.” Ngumiti ito.
“Wow. Nice to meet you. And no, hindi ko siya boyfriend,” nakangiting sabi niya. Bumaba ang tingin niya sa mga jewelry na nasa loob ng salamin. “Magkano `to?” tanong niya habang nakaturo sa isang panlalaking kuwintas na sigurado niyang bagay kay Dark.
“Hindi po `yan kamahalan, Ma’am. Mura lang po ito.” Inilabas ng saleslady ang kuwintas at iniabot sa kanya.
“It’s a leather necklace for men with a dog tag pendant. Gawa po ang pendant sa genuine silver at kung gusto n’yong ipa-customize, free lang ho ang pagpa-engrave ng kahit na anong message na gusto n’yo.”
Hinawakan ni Anniza ang pendant. Napakagat-labi siya. Bibilhin ba niya? Pero wala siyang dalang pera. Mabigat sa dibdib na ibinalik niya ang necklace. “Wala akong dalang pera, eh.”
“Utangin mo na lang,” sabi ng baritonong boses sa likuran niya.
Mabilis siyang lumingon. Bahagyang umawang ang bibig niya nang makita ang isang guwapong lalaki. He had a deep set of brown eyes and he had a mixture of blond and black hair. She knew this guy. Ito ang lalaking nasa magazine. Ream Oliveros, the owner of Reaveros Jewelry store. Ang may-ari ng jewelry shop na iyon.
“Para ba kay Dark Montero `yang kuwintas?” tanong ng lalaki habang nakapamulsa.
Tumango siya. “Kilala mo si Dark?”
“He’s a good friend of mine.” Kinuha ni Ream ang kuwintas na ibinalik niya sa saleslady at ibinigay iyon sa kanya. “Here. Utangin mo na lang muna.”
Tinanggap niya ang kuwintas. “Paano ko `to babayaran?”
May ibinigay itong maliit na calling card. “Contact me through that and I’ll give you my bank account.”
Hindi pa nakakapagsalita si Anniza ay tinalikuran na siya ni Ream. Pero nakakadalawang hakbang pa lang ito nang biglang humarap uli. “By the way...” He smiled, making his lips looks so sexy. “You’re pretty. Bagay kayo ni Dark.”
Umawang ang mga labi niya sa sinabi ng lalaki. Bago pa siya makapag-react, nakalayo na sa kanya ang binata. Napakurap-kurap na lang siya at itinikom na ang bibig.
Mayamaya, humarap siya sa saleslady. “Puwedeng magpa-engrave?”
Tumango ito at binigyan siya ng ball pen at papel. “Isulat n’yo na lang po rito.”
Isinulat niya agad sa papel ang gusto niyang ipa-engrave. Hindi naman nagtagal ang pag-e-engrave. Nang ibigay sa kanya ng saleslady ang kuwintas pagkalipas ng ilang minuto, tamang-tama naman na nakita niyang papasok na uli si Dark sa Reaveros Jewelry store.
Mabilis niyang itinago ang kuwintas sa bulsa ng kanyang pantalon, saka humarap sa binata na hindi maipinta ang mukha sa iritasyon.
HINDI kinibo ni Dark si Anniza simula nang makalabas sila sa Reaveros Jewelry Store. Naiinis siya. Naiirita siya. Ano ba ang mali sa pagbili ng mga gamit na gusto niyang bilhin kay Anniza?
At ang ikinagagalit pa niya, ang relo pa talaga ang tinanggihan nito. In the Stavros Household, mas importante ang relo kaysa sa singsing. If a Stavros gave you a watch, it meant that he or she wanted to be with you in every second of his or her life. But she fucking declined.
Hanggang sa nasa himpapawid na sila pauwi sa Pilipinas, hindi niya kinibo si Anniza. Ayaw niyang magpanggap na hindi siya naiirita para lang pasayahin ang dalaga. He was annoyed and he would show her.
“Dark?”
Hindi siya sumagot o umimik.
“Galit ka?” Her voice sounded soft but he hardened his heart.
He was annoyed and dammit to hell, she would see how he acted when he was annoyed and irritated.
Naramdaman niyang hinawakan ni Anniza ang kamay niya at binuksan ang kanyang palad. Pagkatapos, may inilagay ito sa palad niya. “Para sa iyo `yan,” sabi nito sa malambing na boses. “Sana magustuhan mo.”
He got curious. Bumaba ang tingin niya sa kanyang palad. And what he saw melted his anger in an instant. Napakurap-kurap siya at hindi makapaniwalang pinakatitigan ang nasa palad niya. It was a leather necklace with a dog tag. At mayroong naka-engrave sa pendant.
Thank you.
May nakasulat pa sa likod ng pendant.
Anniza.
Napatingin si Dark sa dalaga na tahimik lang sa tabi niya. “Para sa akin talaga `to?”
Tumango ito. “Pasensiya na, tinanggihan ko ang relo na ibinibigay mo sa akin kanina.” Kinuha nito ang kuwintas sa palad niya, saka iyon isinuot sa kanya. “Sorry na. Huwag ka nang magalit. Sobra-sobra na kasi ang ibinigay mo sa akin, eh. Hindi lang materyal na bagay ang naibigay mo sa akin. Higit pa ro’n, Dark. You gave me my confidence back, helped me move on, the food and especially, you accepted me for who I am. Plus-size and all that.” Nginitian siya ng dalaga. “See? Marami ka nang nagawa para sa akin. At pasasalamat ko sa iyo `tong kuwintas na ito. Sana tanggapin mo. Mura lang `yan, eh.” Binuntutan nito ng tawa ang huling sinabi.
Napatingin si Dark sa kuwintas na nakasabit na ngayon sa leeg niya. The fact that Anniza gave it to him was overwhelming. It made his heart beat so darn fast. He was nervous. Shit! Hindi niya alam kung ano ang sasabihin. Should he say thank you or what? Ano ba ang sasabihin niya?
“I honestly don’t know what to say,” he confessed.
She smiled. “Kibuin at kausapin mo na ako. Okay na sa akin `yon.”
A smile crept into his lips. “Ano’ng gusto mong pag-usapan natin? PG o SPG?”
Mahinang natawa si Anniza, saka napailing. “Ikaw na talaga, Dark. Ikaw na,” natatawang sabi nito, saka inihilig ang ulo sa balikat niya. “PG topic is good—”
“But SPG is much much more amazing. Don’t you think so?”
She chuckled. “Manyak ka talaga kahit kailan, Dark.”
Pinagsalikop ni Dark ang mga kamay nila. Nakahilig pa rin ang dalaga sa balikat niya. “Date uli tayo bukas,” nakangiting sabi niya.
“Okay lang sa akin. Basta ba hindi mo na ako dadalhin sa ibang bansa para lang kumain at mag-shopping.”
Napangiti siya. “Hmm… Ayaw mo sa ibang bansa? Sige, date na lang tayo sa bahay ko.”
That would be amazing. They could make love on the sofa, on his bed, in the kitchen, and hell, they could make love on the floor and—
“SPG na naman ang nasa utak mo.”
Tumawa siya nang malakas. “Paano mo naman nalaman?”
“Ewan ko sa iyo. Kung SPG date ang gusto mo, I’ll pass.”
He rolled his eyes. “Fine. PG date then.”
“Good.”
“Whatever.”
She chuckled. “Good boy.”
Nawala ang ngiti sa mga labi ni Dark. He was not a good boy. At siguradong malalaman iyon ni Anniza. At kapag nangyari iyon, hindi niya alam kung ano ang gagawin niya.
He just hoped that she would never find out about it.
Never.