lookupnovel logo lookupnovel
Hasta La Proxima Vez (Kristine Series 16)

Chapter 26

Ch. 26 / 31 Feb 15, 2022

Chapter Twenty-six

K ANINA pa pinagmamasdan nang lihim ni Esmeralda ang lalaking natagpuan nilang walang-malay sa tabi ng dagat halos apat na linggo na ang nakararaan. Naroroon ito sa tabing-dagat at nakatanaw sa malawak na karagatan.

Wala pa rin itong maalala sa sarili. Bagaman natitiyak niyang Leon Fortalejo ang pangalan ng lalaki. Iyon ang nakasulat sa identification card na nakuha niya sa portamoneda ng lalaki mula sa bulsa ng pantalon nito.

Nag-aaral ito sa Colegio de San Juan de Letran sa Maynila. Alam niyang baril ang sanhi ng sugat nito sa balikat. Ang sugat sa noo nito’y hindi sanhi ng bala kundi ng kung anong matulis na bagay na tumama sa ulo nito.

May hinala si Nana Miling na baka magnanakaw si Leon at nabaril ito sa pagtakas. Iyon ay dahil sa isang malaking jewelry box na nakatali sa baywang ng lalaki.

“Napakalaking kayamanan nito, Esmeralda!” bulalas ng matandang babae. “Hindi lang mga alahas kundi may mga batong brilyante pa! Tiyak na magnanakaw ang inaalagaan at inaaruga natin!” nag-aalalang sabi ng matandang babae.

“Huwag ho natin siyang husgahan, Nana,” mahinahon niyang sabi. “Hintayin nating magbalik ang isip niya.”

“Paano kung masama siyang tao? Pawang babae tayo rito, ineng. Ikaw ang inaalala ko. Ang pinakamalapit nating kapitbahay ay sa kabilang dulo pa ng isla. Isang araw na lakad bago natin iyon marating...”

Subalit sa kaibuturan ng puso ni Esmeralda ay hindi niya pinaniniwalaang masamang tao si Leon. Ibinubulong ng puso niyang nagkakamali ng hinala si Nana Miling. Itinago nila ang mga bato at alahas at hindi ipinaaalam sa lalaki. Isasauli nila iyon sa sandaling magbalik ang memorya nito.

Ang tanging ibinigay niya rito’y ang portamoneda. Subalit kahit nang makita at mabasa ni Leon ang sariling pangalan ay wala itong maalala.

LUMINGON si Leon nang maramdamang hindi siya nag-iisa. Nakita niyang nakatayo sa tabi ng punong-niyog si Esmeralda. Isang tipid na ngiti ang ibinigay niya rito na ginantihan naman ng dalaga ng tipid na ngiti.

Humakbang ang dalaga palapit.

“Nakapaikot ang dagat sa islang ito, Leon,” ani Esmeralda at umupo sa isang troso na nakahapay sa buhanginan. “Bakit ang bahaging ito ang malimit mong pasyalan?”

Huminga nang malalim ang binata. “Hindi ko maipaliwanag.” Nilinga nito ang lampas-tao at malaking batong nasa harap. “Natitiyak kong nakarating na akong minsan sa islang ito. Pamilyar sa akin ang malaking batong ito at ang kapaligiran.” Niligid nito ng tingin ang baybayin. “Gaano na kayo katagal na naninirahan sa islang ito?”

“May isang taong mahigit na,” sagot ng dalaga na nagyuko ng ulo.

“Saan kayo nanggaling? Ang mga magulang mo?”

Nagkalambong ang mga mata ng dalaga. “T-taga-Mindoro ang aking ina, Leon. Matagal na siyang wala.” A little sob came out of her. “Ang Papa’y hindi na muling nagbalik mula nang umalis sa islang ito may walong buwan na ngayon.” Hindi na mapigilan ng dalaga ang mapaiyak.

Nilapitan ng binata ang dalaga at umupo sa tabi nito. Kinabig patungo sa dibdib. “Huwag kang umiyak. Hindi ko gustong nakakakita ng babaeng umiiyak,” banayad nitong sabi. Hinahaplos ang mahabang buhok sa likod. “Ano ang nangyari sa papa mo?”

Marahil dahil sa loob ng mahabang panahon ay tanging si Impong Sela ang kasa-kasama niya sa islang iyon kaya hindi naawat ni Esmeralda ang sariling maghayag ng buhay niya sa estranghero.

“Isang Amerikano ang aking ama,” pagsisimula niya at kumawala mula sa mga braso nito. “Magtatapos na siya sa pagiging doktor nang magpatala bilang sundalo. Kasama siya ng mga Amerikanong dumaong sa Pilipinas. Sa pasasalamat niya’y nakasama siya sa lupon ng mga medics at hindi sa mga nakikipagdigma. Nagkakilala sila ni Mama at nagkapangasawahan. Nang huminto ang unang digmaang pandaigdig ay nanirahan sila sa Mindoro... sa bayan ni Mama. Doon ako ipinanganak. Nag-aral ng high school subalit hindi nakatapos...

“Pangarap ng Papa na maging isang lisensiyadong doktor. Subalit hindi na niya magawang ipagpatuloy iyon. Ano ba ang maaari niyang maging hanapbuhay sa Mindoro upang maipagpatuloy ang pagdodoktor? Mahirap din lang ang pamilya ng aking ina. Ang ama ng Papa’y namatay sa atake sa puso maliit pa akong bata. At ang anumang salaping nanggagaling sa pensiyon ng Papa’y nauuwi sa aking pag-aaral...

“Dahil totoong may nalalaman na sa pagdodoktor ay nagsimulang magpayo ang Papa sa ilang mga kaibigan at kakilala kung ano ang gagawin sa ganito at ganoong sakit. Nagbabala kaming mag-ina na baka hindi mabuti ang ginagawa niya. Subalit hindi nakinig ang Papa lalo at karamihan sa mga napayuhan niya’y totoong gumaling.” Huminto siya sa pagsasalita sa bahaging iyon. Tila nagsisikip ang dibdib niya.

“So people came and asked for prescriptions,” ani Leon na nahihinuha na ang sumunod na pangyayari. “Ano ang nangyari?”

Lumunok muna ang dalaga. “Isa sa mga naging pasyente ng Papa ay anak ng isang makapangyarihang tao sa aming bayan. Dumating siya at humingi ng tulong sa Papa na gawan ng paraan na mawala ang... ang dinadala niya. Hindi... alam ng mga magulang niya ang pagdadalang-tao niya...”

Leon grimaced.

“M-malaking halaga ang inaalok ng babae at... natukso si Papa.”

“Binigyan niya ng gamot ang babae?”

Nagyuko ng ulo si Esmeralda kasabay ng pag-iling. “L-lakas-loob na g-ginawa niya ang aborsiyon sa mismong silid ng bahay namin...”

Napaungol si Leon sa narinig. At bago siya may masabi’y nagpatuloy si Esmeralda.

“H-hindi huminto sa pagdurugo ang babae. Nag-panic ang Papa at hindi malaman ang gagawin. Mabilis siyang tumawag ng kalesa at ipinahatid ang babae sa kanila.”

“Ano ang nangyari?”

“Namatay ang babae bago pa man nadala ng mga magulang nito sa klinika sa kabilang bayan...”

Mahabang katahimikan ang namagitan sa kanilang dalawa. Si Leon ay itinuon ang mga mata sa karagatan. Si Esmeralda ay marahang humihikbi. Makalipas ang mahabang sandali’y muling nagpatuloy.

“Isang hapon habang nasa escuelahan ako’y sinundo ako ng isang kaibigan ng Papa. Dinala ako sa kanila at dinatnan ko roon ang Papa. Umiiyak. Tila wala sa sarili. P-pinag... pinagsamantalahan at p-pinatay ang aking ina...” Nabasag ang tinig nito sa bahaging iyon.

Hindi kumibo si Leon. Tumiim ang mga bagang. Humigit-kumulang ay nahuhulaan niya kung sino ang nagsamantala at pumatay sa ina ni Esmeralda.

Muling nagpatuloy ang dalaga. “T-tinulungan kami ng... ng kaibigan ni Papa na makaalis sa bayang iyon hindi sa pamamagitan ng alinmang sasakyang panlupa kundi sa dagat. Papatayin din kami sa sandaling makita nila. Ang sabi sa ami’y lumuwas muna kami sa Maynila...”

“Paano kayong napunta rito?”

“D-dito ako dinala ni Papa...” Isang malalim na paghinga ang pinakawalan ng dalaga. Pinunasan ng likod ng palad ang luhang nagbabadyang bumagsak.

“Ang... matandang babae? Si Impong Sela...”

“Malayong kamag-anak ng aking ina,” sagot ni Esmeralda kasabay ng pagsinghot. “Lihim siyang dinala ng Papa rito upang may makasama ako.” Isang mapait na ngiti ang sumilay sa mga labi ng dalaga. Malungkot na tinanaw ang karagatan. “Isang umaga’y umalis ang Papa para kumuha ng mga supply namin dito. Pagkain, damit, at kung ano-ano pa... hindi na siya nakabalik.” Muli’y nabasag ang tinig ni Esmeralda. Tumingala upang pigilin ang pag-iyak. “N-ni hindi ko matiyak kung... kung buhay pa siya...”

Nilingon ni Leon ang dalaga. Nililipad ng hangin ang mahabang buhok. Ang mga mata’y tila laging gustong umiyak. Ang mga labi’y nag-aanyayang hagkan. At hindi nito maisip kung ano ang magiging buhay ng dalaga sa islang ito kasama ng isang matandang babae.

And something inside him stirred everytime he looked at her. Subalit may bahagi rin ng katauhan niya ang tila nagsasabing isang pagtataksil ang ginagawa nitong pag-ukol ng paghanga kay Esmeralda.

Nagbuntong-hininga ito at ibinalik sa sarili ang usapan. “Natitiyak kong nakarating na ako sa lugar na ito. I remembered this rock...” Tinanaw nito ang isa pang malaking isla na halos hindi makita dahil sa fogs. “Alam mo ba kung anong isla iyon?”

“Ang sabi ng Papa’y Palawan.”

“Palawan...” Mariing napapikit si Leon. Pamilyar ang lugar, natatandaan niya.

“Huwag mong piliting makaalala at baka makasama sa iyo. Babalik ding kusa ang memorya mo...” banayad na wika ni Esmeralda.

Butil-butil na pawis ang lumabas sa noo ni Leon sa pagsisikap na alalahanin ang lahat tungkol sa kanya.

Palawan... Palawan...

Bato... baybayin....

Isabel!

“KUMAIN ka muna,” anyaya ni Esmeralda sa binatang nasa ibabaw ng ginagawang bahay. Nagbububong ito ng pawid.

Ngumiti si Leon at nangunyapit sa mga tahilan at patalong bumaba. Inabot ang kamisetang nakasabit sa kahoy at pinunasan ang pawis sa mukha. Ipinagamit sa kanya ni Esmeralda ang mga damit ng ama.

“Hmm... mabango. Ano ba ang niluto ni Impong Sela?”

“Ako ang nagluto nito,” kiming sabi ng dalaga. “Ginataang gabi...”

“Di lalong mas masarap iyan,” nakangiting sabi nito, watching Esmeralda blushed.

Agad na nagyuko ng ulo ang dalaga. Hindi maintindihan kung bakit ngiti lang at kapirasong papuri ay nagpapakislot na sa puso niya.

Inabot ni Leon mula sa dalaga ang basket at inilabas ang mga laman niyon. “Saluhan mo ako,” anyaya nito.

“Kumain na ako, Leon, bago ako nagtungo rito. Panonoorin na lang kita...” aniya.

Umupo ang dalaga sa isang nakahalang na kahoy. Pinagmamasdan ang pagsubo ng binata. Matagal na niyang napunang hindi ito sanay magkamay. Tuwina’y may nalalaglag na pagkain sa tuwing susubo ito. At ganoon na lamang ang pag-asam niyang sana’y may mga kubyertos sila. Ang sandok nga nila’y yari sa bao ng niyog na ginawa ni Impong Sela. At tin can ang ginagamit nilang baso na alam niyang gamit ng mga Amerikano noong panahon ng digmaan.

“Parati ka sa lugar na ito na malapit sa malaking batong iyon,” wika ng dalaga makalipas ang ilang sandali. Tinanaw ang malaking batong nasa dalampasigan bago muling ibinalik sa binata ang mga mata. “At dito mo rin itinatayo ang bahay mo? Napakalayo nito mula sa kubo namin? Bakit hindi ka roon nagtayo ng bahay?”

Nahinto sa akmang pagsubo ang binata at tinitigan ang dalaga. Matagal nang nanauli ang memorya niya at naisauli na ni Esmeralda sa kanya ang mga alahas. Naikuwento na niya rito ang tungkol sa kanya at kung paano siya napadpad sa isla maliban kay Isabelita.

Pinuno ni Leon ng hangin ang dibdib. Inabot ang tin can at uminom ng tubig. Pagkatapos ay tinanaw rin ang malaking bato sa may dalampasigan at ang buong baybayin. Minabuting ipagtapat ang totoo sa dalaga.

“May... may isang babae akong pinangakuang dadalhin sa islang ito, Esmeralda. Pinangarap na dito magsimulang magpamilya...” he said with pain and bitterness in his voice.

Nagyuko ng ulo si Esmeralda. Hindi niya kayang tingnan ang kalungkutan at kapaitang nasa mga mata ng binata. Hindi rin niya gustong makita ni Leon ang nasa mga mata niya. Halos dalawang buwan nang mahigit ang binata sa isla at natitiyak niya sa sariling nahuhulog ang loob niya rito. At ang pagbanggit nito tungkol sa ibang babae’y nagdudulot ng di-maipaliwanag na sakit sa dibdib niya.

“Si... Isabelita. Ang aking unang pag-ibig...”

“N-nasaan na siya?” h indi niya mapigilan ang magtanong subalit nanatiling nakayuko sa damuhan.

His lips twisted in a bitter smile. “Marahil sa sandaling ito’y may asawa na siya...”

Nilingon ng binata si Esmeralda na nag-angat ng ulo at tumitig sa kanya. Sinabi niya ang buong pangyayari tungkol sa kanila ni Isabelita.

“Nararamdaman ko pa ang sakit, Esmeralda... kailan lang iyon. Bago ako nabaril ng kinikilala kong ama’y binalak kong magtungo sa Maynila upang makipagkita sa kanya sa huling pagkakataon. Upang tiyaking maligaya siya sa piling ni Eman. Hindi mahirap para sa kanyang mahalin din ito. Magkababata sila.”

Isang marahang tango ang ginawa ng dalaga. Tumayo. “B-babalik na ako sa kubo...” Hindi niya gustong marinig ang iba pang mga bagay tungkol sa babaeng iniibig ni Leon. Tila pinipiga niyon ang puso niya.

Nakakailang hakbang na ang dalaga nang tawagin siya ng binata. Lumingon siya.

“Huwag mo akong tulungang kalimutan si Isabel, Esmeralda. Ayokong piliting kalimutan siya dahil nariyan ka. It wouldn’t be fair—” h indi nito naituloy ang sinasabi dahil sa nakitang biglang paniningkit ng mga mata ni Esmeralda.

Bahagyang napasinghap ang dalaga. At sa naniningkit na mga mata’y, “Hindi ko alam na may itinatago kang kahambugan sa iyong sarili, Leon. Hindi ko inilalapit ang sarili ko sa iyo! At hindi ko sinabi sa iyong kalimutan mo siya sa pamamagitan ko!” she hissed. “Tayo lang dalawa ang tao sa islang ito maliban kay Impong Sela, natural lang na magkausap tayong parati! At huwag kang mag-aalala, ito na ang huling pakikipag-usap ko sa iyo!” Pagkasabi niyo’y nagmamadaling tumalikod ang dalaga.

Isang marahang tawa ang pinakawalan ni Leon habang sinusundan ng tingin ang dalaga. Kristine Esmeralda was beautiful beyond words.

And maybe... just maybe, he would fall in love again. Pero titiyakin niyang sa sandaling mangyari iyon ay tuluyan nang naglaho sa dibdib niya ang mga alaala ni Isabel...