lookupnovel logo lookupnovel
Kadenang Bahaghari

Chapter 10

Ch. 10 / 27 Feb 09, 2022

Natuloy pumasok ng kolehiyo si Renan sa Sacred Heart College. Wala siyang nagawa. Utos ng ama. Pero mayroon siyang inilihim dito. Hindi siya nag-enrol sa Political Science. Ibang major ang kanyang pinili—Communication Arts. Napag-isip-isip niya na wala siyang planong maging abogado at sumunod sa yapak ng kanyang ama na habang tumatagal ay lalo niyang kinamumuhian. Matagal na niyang plano na umalis sa poder nito. Pero alam din niyang walang mangyayaring maganda sa kanya kung lalayas siya ngayon. Sayang naman ang pagkakataong makapag-aral siya kahit alam niyang hindi na nagbabayad ang kanyang ama ng kanyang pag-aaral dahil iskolar siya. Inisip na lang niya na apat na taon lamang ang bubunuin niya at makakaalpas na siya sa impiyernong bahay na `yon. Hindi rin niya maatim na iwan ang kanyang ina na habambuhay na bilanggo ng kanyang ama, kahit hindi sila gaanong malapit sa isa’t isa. Hindi pa malaki ang aking mga pakpak , isip niya sa sarili. Hindi ko pa kayang lumipad nang matayog. Kapag kaya ko na, lalayasan ko rin ang buktot na lugar na ito .

Nang malaman ng kanyang ama ang kursong kinuha, umaatikabong sagutan ang nangyari sa dalawa.

“Ba’t Comm Arts ang kinuha mo? `Di ba malinaw na sinabi ko sa `yo na Political Science ang kunin mo?” nanggigigil na tanong ni Attorney Ballesteros.

“Dad, `di ko naman gustong maging abogado. Hayaan mo na lang ako sa gusto ko,” katwiran ni Renan. Pakiramdam niya, nagkakaroon na siya ng lakas na mangatuwiran sa kanyang ama.

“At ano naman ang mahihita mo sa kursong Comm Arts?”

“`Di ko pa alam, Dad. Pero ang alam ko, `di ko nakikita ang sarili ko na isang abogado.”

“Pambabaeng kurso ang Comm Arts. ` y an ba talaga ang gusto mo, ang maging babae?”

“Dad, maraming lalaki ang kumukuha ng Comm Arts. Sa section namin, halos kalahati, lalaki. Gusto ko sana Journalism pero wala namang school na nag-o-offer dito sa Angeles.”

“Ipamumukha mo na naman sa `kin ang `di ko pagpayag na mag-aral ka sa Maynila?” nanlilisik na sagot ng ama.

“`Di naman sa gano’n, Dad. Maraming puwedeng gawin `pag graduate ng Comm Arts. Puwedeng magsulat. Puwede sa mga kompanya. Puwede sa medya. Dito na muna ako habang hinahanap ko pa ang interes ko.”

“Kinakalaban mo ba ako?”

“`Di po, Dad,” nararamdaman ni Renan na kaunti na lang, mapupuno na siya. Pero inisip niya na hindi pa ito ang tamang panahon.

“`Yaan mo na si Renan, Daddy,” sabad ng ina. “Tutal pareho namang AB `yan. Eh, di `pag `di nagustuhan ni Renan, puwede naman siyang mag-shift sa Political Science.”

“Naku, maniwala ka d’yan! `Ayan nga, tatlong buwan na niyang tinago sa ‘tin na iba pala ang kinuha,” pagmamaktol ng ama. “Alam na ba ng presidente ng Sacred Heart na hindi Political Science ang kinuha mo?”

“Kelangan ba n’yang malaman, Dad?” pabulong na tanong ni Renan.

“Ano’ng sabi mo? Hoy, Renan. Kaibigang matalik ko si Gerry Nepomuceno. Nabanggit ko sa kanya na abogasiya ang kukunin mo `pag natapos ka sa Pre-Law.”

“Dad, pupuntahan ko siya para sabihan,” ubos-pasensiyang tugon ni Renan.

“Iniinsulto mo ba ako?”

“`Di po.”

“Alam kong nagmamalaki ka na iskolar ka at walang binabayarang matrikula maski anong kurso’ng kunin mo kaya malakas ang loob mong kunin `yang lintik na Comm Arts na `yan! Pero tandaan mo, nakatira ka pa rin sa pamamahay ko. Kumakain ka pa rin ng pagkain ko. Natutulog ka pa rin sa kama ko!”

“Dad, please…”

“Ano’ng mahihita mo sa punyetang kurso’ng `yan? Gusto mo ba talagang magladlad? Gusto mo talagang pag-usapan at pagtawanan ng mga tao? ` y on ba ang gusto mo?”

Hindi kumibo si Renan.

“SAGOT!”

“Dad, please? Pumayag ka na.” Mabilis na nakaisip ng magandang rason si Renan. “S-si Chris, Dad, i-ito rin ang course na kinukuha.”

“Nagkita na kayo?”

“Nakita ko s’yang nakapila sa Dean’s Office no’ng enrolment.”

“Bakla na rin ba si Chris?”

Umakyat ang dugo sa sentido ni Renan. Akmang tatayo na sana ito para salubungin ang ama pero mabilis na humarang si Medy.

“`Yon naman pala, Daddy. Magkasama pa rin pala sina Renan at Chris. Wala tayong dahilan para mag-worry.”

“Naku, isa pa `yang kaibigan mong `yan. Inimbitahan ko dito pagkatapos ng graduation, `di na nagpakita. Me mga toyo talaga kayong mga kabataan ngayon!”

Nagkatinginan na lang ang mag-ina. Sinenyasan ni Medy ang anak na huwag nang sumagot at hahaba lang ang diskusyon. Nang pumasok na ang ama sa kuwarto, nakahinga nang maluwag si Renan. Pakiramdam niya, ito na ang hudyat na maiintindihan na ng kanyang ama ang desisyon niyang magpalit ng kurso. Hindi na niya sinalungat pa ang mga sinabi at sasabihin pa nito.

Sa pagdaan ng mga araw, ibinuhos ni Renan ang kanyang tuon sa pag-aaral. Napahanga niya ang kanyang mga guro sa iba’t ibang asignatura. Nagkaroon siya ng mangilan-ngilang kaibigan kahit iba pa rin ang pagiging malapit niya kay Chris noon sa high school. Naging officer siya ng kanyang klase at sumali sa iba’t ibang gawain at kapisanan sa loob at labas ng eskuwelahan. Kaya pala niyang makipagsabayan sa lahat nang mag-isa. Nakatulong ang sinabi sa kanya noon ni Chris na kailangan niyang maging matatag para harapin ang mga balakid na susuungin sa hinaharap.

Paminsan-minsan ay nakikita niya si Chris sa campus pero hindi na sila nagkalapit uli. Naging abala silang dalawa sa kani-kanilang mundo. Dala marahil sa hiya, o sa hindi maipaliwanag na dahilan, hindi na sila nagkaroon ng pagkakataong maibalik ang dati nilang pagkakaibigan. Pero nang pumasok ang huling semestre ng kanilang pangatlong taon sa kolehiyo, nagkaroon ng malawakang recruitment ang CASoc, ang pinakamalaking lehitimong organisasyon sa Comm Arts para sa nagme-major na mga mag-aaral. Dito nagkita at nagkasama uli sina Renan at Chris. Dahil sila ay nasa third year na, lumiit ang bilang ng mga nagme-major sa Comm Arts. Ang iba ay nag-shift na ng ibang course. Ang iba naman ay na-debar na dahil hindi umabot ang mga grado sa kaukulang minimum average na kailangan para manatili sa programa. Ang iba naman ay basta hindi na lang nag-enrol. Pero ito pa rin ang pinakamalaki at may pinakamaraming bilang ng estudyante sa isang kurso sa Sacred Heart College. Nagkaroon ng ilang asignatura sa kurso kung saan magkaklase sina Renan at Chris. Dito rin sila nagkaroon ng pagkakataong mapag-usapan ang mga nangyari sa kanila noong high school.

“`Musta ka na, Renan,” paanyayang tanong ni Chris nang minsang maagang nag-dismiss ang kanilang teacher sa Corporate Communications.

“`Eto, mabuti,” pahayag naman ni Renan, habang inaayos ang mga gamit.

“`Laki nang pinagbago mo, ah.”

“Ipinagbago? Ano `yon?”

“Ibang-iba ka na. `Di ka na tulad ng dati.”

“Dating ano? Maging ispesipiko ka nga. Hanggang ngayon, ang labo mo pa rin.”

“Ispesi…ano `yon? `Kaw ang malabo. Hanggang ngayon, gamit ka pa rin nang gamit ng words na ikaw lang ang nakakaintindi.”

Natawa si Renan. Hinintay niya munang makalabas ang lahat ng mga kaklase nila bago niya sinagot ang komento ng kausap. “Masaya lang ako, nagkita tayo uli, Chris. Sana, `wag na tayong magkahiwalay uli.”

Natameme sa pagsasalita si Chris. Luminga-linga din ito. Naghanap ng nakarinig sa sinabi ni Renan. Hindi niya ito sinagot.

“Naku, `wag kang mag-alala. Hindi na ako in love sa `yo. Feeling naman neto!”

“Gano’n?”

“Kaya tigilan mo na ang pagpapa-cute sa `kin dahil `di na uubra `yan. Pero, seryoso, tanggap ko nang hanggang friends lang talaga tayo. No’ng `di na tayo nag-uusap, naisip ko kung ano ba talaga’ng importante sa `kin. Piliting mahalin mo `ko at mawala ka o tanggapin ang friendship natin? Mas gusto ko na magkaibigan pa rin tayo. Wala naman akong naging friend na tulad mo.”

“Wow, ang bigat mo, p’re! Haba ng sinabi mo. Ngayon lang kita narinig na nagsalita nang ga-nobela.”

“Gago, seryoso `ko.”

“Seryoso din ako. Salamat, p’re.”

“Pero bakla pa rin ako. Kaya `wag mo akong tatawaging p’re.”

“Gano’n?”

“Let’s make a deal, Chris. I will accept na hanggang friends lang tayo at `di ko na gagawin ang ginawa ko sa `yo noong high school. Pero, kelangang i-accept mo rin kung sino talaga `ko. `yon lang ang wish ko.”

“Talaga? Sigurado ka?”

“`Kaw ang tinatanong ko.”

“`Di mo na gagawin ang ginawa mo sa `kin no’ng high school?”

“Promise.”

“Sayang naman, tsk, tsk! Ngayon pa na gumanda lalo ang katawan ko? Naggi-gym ako ngayon. Baka magsisi ka.”

“Tarantado!”

“Palamura ka na pala ngayon. Ang laki talaga nang ipinagbago mo.”

“Ano ba, Chris? Seryoso `ko. Sasagutin mo ba ako o hindi?”

“Okay, okay. Parang nililigawan mo na ako nito, ah. Hinihintay ang matamis kong oo. Sige, seryoso na. Oo, agree na ako. Na-miss din kita, friend. Wala rin akong naging friend gaya mo.”

Nakaramdam ng luwag sa dibdib si Renan. Para siyang nabunutan ng tinik. Alam niyang simula noon, hindi na sila magkakahiwalay ni Chris. Nagkaroon siya ng lakas ng loob na tanungin ang kanina pa niya gustong malaman sa kausap.

“`Di ko na yata nakikitang kasama mo siya.”

“Sino’ng siya?”

“Si Ella.”

“`La na `yon.”

“Ano’ng nangyari?”

“Nagkahiwalay kami agad hindi pa man nakakatuntong ng college.”

“Bakit?”

“Nakahanap ng iba.”

“Nakahanap ka ng iba?”

“Hindi, `no ka ba? Siya!”

“Meron talaga akong hindi magandang feeling sa babaeng `yon.”

“`Di mo lang siya gusto.”

“Lahat ng mananakit sa `yo, hindi ko magugustuhan.”

“Heavy mo naman. `Kaw, nakahanap na rin?”

“Wala pa rin.”

“Ows? Talaga?”

“Talaga. `Pag nakahanap ako, puwede ko bang sabihin sa `yo? Friends uli tayo, `di ba?”

“Oo naman.”

“Bakla ako. Sigurado, lalaki ang hahanapin ko. Okay lang ba na ikuwento ko sa `yo?”

Nagkaroon ng alinlangan si Chris. Pakiramdam niya, napasubo siya sa rapidong mga tanong ni Renan.

“Okay lang, ha?”

“Oo naman. Basta `wag mo lang ikukuwento sa akin `yong mga gagawin n’yo.”

“Uy, interesado rin s’yang malaman.”

“Renan, tanggap ko na bading ka. `Wag mo nang ipangalandakan ang pagiging bading mo sa akin, okay?”

“Okay, fair enough. Wala pa naman. Pero, pakiramdam ko, malapit ko na s’yang makita.”

“Gutom lang `yan. `Eto, ubusin mo `tong spaghetti’ng dala ko. Kelangan na nating pumunta sa Social Hall para sa CASoc meeting. Mag-uumpisa na ang election of officers.”

Binuksan ni Renan ang supot na dala ni Chris at nilantakan ang baong pagkain.

Gaya ng inaasahan, nahirang na presidente ng CASoc si Renan. Bise presidente si Chris. Tuwang-tuwa si Chris sa tagumpay nilang dalawa. Pero mas natuwa si Renan dahil nagkaayos na silang magkaibigan. Parang walang nangyari noong nakaraan. Alam ni Renan na kahit hindi siya kayang mahalin ni Chris katulad ng kanyang inaasahan, ang pagiging kaibigan nito ang pinakamagandang magiging relasyon niya. Bago pa man siya nahulog dito ay naging matalik muna silang magkaibigan. At ito ang kailangan niyang isaisip at isapuso. Kung sadyang mahal mo ang tao, gagawin mo ang lahat para hindi siya mawala sa iyo. Iyon ang mahalagang leksiyong natutunan ni Renan.

Natapos ang semestre na iyon nang walang kaabog-abog. Muling sumigla ang pagkakaibigan nina Renan at Chris. Naging tambay na naman uli si Chris sa bahay nina Renan gaya nang dati. Kitang-kita ng mga magulang ni Renan na bumalik ang sigla ng kanilang anak pero wala silang sinabi o ipinahayag tungkol dito. Napansin din ni Renan na lumuwag ang mahigpit na hawak sa kanya ng ama nang bumalik si Chris. Minsan ding naisip ni Renan na marahil si Chris ang larawan ng gustong maging anak ng kanyang ama, hindi siya. Madalas nakikita niyang nakikipaglaro ng chess ang kanyang kaibigan sa kanyang ama. Habang tinitingnan niya ang dalawa, namamangha siya kay Chris dahil sa kung paano niya nakakasundo ang kanyang ama. Hindi niya matandaan kung kailan sila nagkaroon ng bonding ng kanyang ama na katulad nilang dalawa ni Chris. Marahil, hinahanap din ni Chris ang kanyang ama kay Atty. Ballesteros. Hindi nagkuwento sa kanya si Chris tungkol dito.

Sa pagbukas ng panibagong academic year, naging abala ang dalawa sa pag-iisip ng mga magagandang proyekto ng CASoc. Nag-resign si Mrs. Guiao, ang kanilang adviser, sa Sacred Heart College dahil mangingibang bansa daw ito. Dahil nangyari ito sa kalagitnaan ng kanilang huling taon, ang una nilang napagdesisyonang gawin ay maghanap ng panibagong adviser na papalit kay Mrs. Guiao. Tumanggi si Ms. Grace Gundran dahil tatlong organisasyon na ang kasalukuyang hinahawakan nito. Hindi na nito kaya ang humawak ng isa pa.

“Maraming mga bagong faculty ang puwede n`yong kausapin para dito,” dagdag nito.

Kaya sa unang araw ng klase, maaga pa ay nasa eskuwelahan na si Renan. Pinaghandaan niya ang araw na ito dahil ngayon niya makikilala ang mga bagong magtuturo ng kanilang mga asignatura sa kanilang huling semestre sa kolehiyo. Nakaupo na siya sa dulong kaliwa ng klase. Humahangos na pumasok si Chris at tumabi sa kanya.

“Akala ko late na `ko. `Buti na lang, wala pa ang teacher natin,” sambit ni Chris habang habol-habol ang hininga.

“Palagi ka namang late,” tanging sambit ni Renan.

Hindi pa maayos na nailalapag ni Chris ang kanyang bag nang bumukas ang pinto ng kuwarto. Sumilip ang isang hindi kilalang lalaki at nagtanong kay Fely, ang kaklase nilang palaging gustong umupo sa tabi ng pinto.

“Is this the 4CA1 class?”

Tumahimik ang buong klase. Mabilis na isinara ni Renan ang kanyang binabasang libro at pinagmasdan ang lalaking iniluwa ng pinto.

“Yes, s ir,” nanginginig na sagot ni Fely.

Tumambad kay Renan ang kabuuang anyo ng lalaking magiging guro nila sa isang asignatura.

Malakas ang kanyang boses. Malakas din ang kanyang dating. “Okay, I just want to make sure that I am in the right room.” Naglakad ito sa gitna ng platform at nagpakilala. “I am Mr. Wilfredo Sta. Cruz and your subject today is l iterature.” Sabay na nagkatinginan sina Renan at Chris. Sa hinuha ni Renan ay parehong nakita na nila ang magiging adviser ng kanilang organisasyon. Pero iba ang pakiramdam niya sa bagong gurong ito. Tiningnan niya si Chris. Sa buong mukha nito nakasulat ang matinding paghanga sa nagsasalita. Narinig niya ang unang tanong nito.

“Now, class, tell me. You are now graduating c ommunication a rts major. I don’t know why this subject is offered in your last semester when you are just about to embark on your new life. Why is there a need to study literature?”