CHAPTER THIRTEEN
P AKIRAMDAM ko sasabog na ang puso ko dahil sa sobrang lakas ng tibok niyon. Pinagpapawisan din ang buong katawan ko. Namamawis na rin ang mga kamay ko at nanginginig sa sobrang kaba. Ayoko talagang nakikita na ganoon kaseryoso si Kuya Joseph. Kahit kasi maloko siyang tao, kapag nagseryoso sa isang sitwasyon, nakakatakot.
The way na tumingin siya sa damuhong jejemon na katabi ko, parang iniisip niya na kung saang ospital niya ipapadala.
“Kailan pa nagsimula `to?” seryosong tanong ni Kuya Joseph.
Nasa sala kami ngayon at magkakaharap. Si Kuya Joseph, nasa tapat namin ni Ross nakaupo. Si Ross naman, katabi ko at chill na chill lang. Halatang hindi nakakaramdam ng kaba. Walanghiyang jejemon. Bakit kalmado pa rin siya samantalang ako halos matae na sa sobrang kaba?
“Nagsimula ang alin?” kalmadong balik-tanong ni Ross.
Binalingan siya ni Kuya Joseph. “Kailan nagsimula `tong relasyon n’yo?”
Nagkatinginan kami ni Ross. “Anong relasyon?” sabay naming tanong.
“Relasyon ng kapitbahay namin. Kailan nagsimula ang relasyon namin?” sarkastikong sabi ni Kuya Joseph. “Malamang ang tinutukoy ko, ang relasyon n’yo. Hoy, pare. Ilang taon ka na?”
“Nineteen, `tol. Bakit?” sabi ni Ross.
“Nineteen ka pa lang `tapos `tong kapatid ko eighteen lang. Handa ka na bang buhayin `tong utol ko?”
`Pinagsasasabi nitong si Kuya Joseph? Anong buhay-buhayin?
“Patay na ba siya?” Tumingin sa akin si Ross. “Kailan ka pa namatay? Ba’t kailangan kitang buhayin?”
“Mapapatay kita mamaya. Makikita mo,” sagot ko. “Kuya Joseph, naman. Misunderstanding lang lahat ng `to. `Wag kang masyadong malisyoso, okay?”
“Misunderstading, bunso? Maloko akong tao pero hindi ako tanga. Anong misunderstanding ka diyan? Umalis ako ng bahay, `tapos pagdating ko, may kasama ka nang lalaki na walang pang-itaas at pawisan pa? Ano’ng ginawa n’yo? Nagpitik-bulag, gano’n?”
“Nagbahay-bahayan. Ako ang father at `tong si MJ naman ang mother,” natatawang sabi ni Ross.
“Ang funny mong jejemon ka,” sabi ko. “Kuya naman, makinig ka ngang mabuti.”
“Bakit, hindi ba ako nakikinig mabuti? Bunso, gusto ko lang malaman ang nangyari. Kaisa-isa kang kapatid naming babae ni John kaya ayaw kong napapahamak ka. Tiyak kung si John pa nakaabot sa inyo, bukas na bukas din ipapasakal kayo n’on.”
“Ipakasal? Wala naman kaming ginagawang masama,” pagdadahilan ni Ross.
“Sigurado ka, wala pa? `Tol, lalaki rin ako. Alam ko `yong mga ganyang palusot. Saka magsuot ka nga ng T-shirt. Naiinggit ako sa katawan mo—este, naaalibadbaran ako!” yamot na sabi ni Kuya Joseph.
Tumayo si Ross, saka pumunta sa kusina para kunin ang T-shirt niya. At habang naglalakad siya pabalik, isinusuot niya iyon.
Pagkaupo ni Ross, muling nagsalita si Kuya Joseph.
“Aamin na ba kayo sa relasyon n’yo? Akala ko ba, bunso, tomboy ka? Siguro sinabi mo lang sa `min na tomboy ka para hindi namin paghinalaan na may boyfriend ka, `no?”
Natampal ko ang noo ko. “Puwede ba, Kuya? Wala nga kaming relasyon. Tomboy nga ako at ilang beses ko bang sasabihin sa `yo na hindi ko `to boyfriend? Ang jejemon na `to, boyfriend ko? Eeww lang!”
“Grabe ka naman, tombs. Diring-diri sa `kin? `Guwapo ko naman, ha.”
“Oo nga, bunso. Bakit ba diring-diri ka sa kanya, gwapings naman `to? Ganito rin ako kaguwapo noong teenager pa ako, eh. Okay na okay nga siya sa `kin.”
“Naks! Compliment ba `yan, `tol? Salamat!” tuwang-tuwang sabi ni Ross. Nag-apir pa sila.
Iyong totoo? Akala ko ba galit si Kuya? Eh, bakit ngayon may paapir-apir pa sila sa isa’t isa?
“Sumasakit ulo ko sa inyong dalawa. Ross, puwede bang magseryoso ka nga?” Tumingin naman ako kay Kuya Joseph. “Ikaw naman, Kuya Joseph, makinig ka. Una, tomboy ako. Ako `yong tomboy na hindi nagkakagusto sa lalaki kasi nga tomboy ako. Pangalawa, pumunta lang si Ross dito sa bahay dahil may ipinapagawa ako sa kanya. Siya ang ipinag-general cleaning ko. Pangatlo, hindi ako ang gusto ng lalaking `to. Hindi `yan bading. Mukha lang. Jejemon lang siya. Si Donna ang gusto niya.”
Nang sabihan kong si Donna ang gusto ni Ross ay bigla na namang kumirot ang puso ko sa hindi ko malamang dahilan. Lintik naman. Lately talaga hindi ko na maintindihan ang sarili ko.
“Si Donna? Si Donna na best friend mo?”
Tumango ako sa tanong ni Kuya Joseph.
“Kung si Donna ang gusto niya, bakit itong bahay natin ang nililinis niya? Dapat bahay nila Donna, `di ba? Hindi naman siya sa `yo nanliligaw, eh. Ang gulo ng kabataan ngayon.”
“Nagpapatulong kasi ako kay Donna. Ang sabi niya, kapag ginawa ko ang tatlong ipinapagawa niya, ilalakad niya ako kay Donna,” nakangiting sagot ni Ross. “Impossibleng magkagusto ako dito kay tombs. Brotherhood kaming dalawa. `Di ba, tombs?”
“Brotherhood mo mukha mo.” Inirapan ko siya. Para kasing lalo akong nabuwisit nang sabihin niyang imposible siyang magkagusto sa akin. Hindi naman sa gusto kong magkagusto si Ross sa akin pero kasi— Hay, ewan. Potek talaga.
“Wala ka talagang gusto sa kapatid ko?” pagkumpirma ni Kuya Joseph.
Tumingin sa akin si Ross, saka ngumiti bago niya binalingan si Kuya Joseph. Umiling siya pagkatapos. “Wala, brad. Tropa lang kami ni MJ. Si Donna talaga ang gusto ko.”
Pasimple akong napahawak sa dibdib ko nang maramdamang parang piniga ang puso ko. Ang sakit. Parang paulit-ulit na tinutusok ng matutulis na bagay. Bakit ako nasaktan? Sa anong kadahilanan?
“Mabuti naman na nagkakaliwanagan na tayo. Ano nga uli ang pangalan mo?”
“Ross Eliseo Valentin,” magalang na sagot ni Ross.
Biglang nagulat si Kuya Joseph. “Ross Eliseo Valentin? As in `yong Ross na taga-Della Rama University na pinag-aaralan nitong utol ko? `Yong ace player ng White Capricorn? As in Ross na number twenty-nine?”
Napatingin si Ross sa akin, pagkatapos kay Kuya Joseph uli. “Oo, `tol.”
“Potek ka, brad! Bakit ngayon mo lang sinabi? Kaya pala parang pamilyar `yang mukha mo, eh. Ikaw pala ang idol ko sa team n’yo. Idol na idol kita kapag nakaka-three points ka. Walang mintis sa ring. Swak na swak, eh. `Bangis mo. Idol talaga,” sabi ni Kuya Joseph na nagpa-fanboy kay Ross.
“Nanonood ka pala? Naku, salamat, brad. Hayaan mo, next time `bigyan kitang free pass kapag may game kami. Doon kita papaupuin sa harap,” nahihiyang sabi ni Ross.
“Sabi mo `yan, ha. Aasahan ko `yan, `tol. Taena. `Di ko inakalang tropa pala kayo nitong utol ko. Eh, di sana pala hindi kita agad pinauwi kagabi. Nakakahiya naman sa idol ko.”
“Eh, kasi nga, Kuya, hindi ka marunong makinig sa sinasabi ko,” singhal ko.
“Puwedeng humingi ng tawad, bunso?”
“Hindi. Wala naman kasi akong itinitinda. Bakit ka hihingi ng tawad?” naaasar kong sabi.
“Ang astig n’yong magkapatid.”
“He! Huwag kang tumawa. Damuhong jejemon na `to,” Inismiran ko si Ross.
Tumigil naman siya sa pagtawa at napakamot na lang ng ulo.
Tumayo ako at naglakad na. Napatigil na lang ako nang tanungin ako ni Kuya Joseph.
“Saan ang punta mo, bunso?”
“Sa kuwarto ko. Matutulog. Napagod akong maglinis—este, mag-utos, eh. `Ge. Diyan na kayo.”
May sinasabi pa si Ross pero hindi ko na naintindihan dahil dali-dali na akong pumasok sa kuwarto ko.
Ewan ko ba pero parang bigla akong nawalan ng gana. Parang bigla akong naasar ngayon. Naba-bad trip na naman ako. Biglang nangati ang kamay ko at parang gusto kong sapakin ang pagmumukha ni Ross.
Teka, bakit ba ako naiinis? Bakit ako biglang napikon kay Ross? Wala namang ginagawa ang jejemon na iyon sa akin, ha. Naglinis at nagluto na nga siya. Siya na ang gumawa ng mga bagay na ako dapat ang gagawa. Dapat nga pasalamatan ko siya, hindi ba? Pero bakit mas nangingibabaw ang pagkayamot ko?
Humiga ako at nag-isip-isip. Habang nakatulala sa kawalan, biglang bumalik sa isip ko ang sinabi ni Ross kay Kuya Joseph kanina.
“Impossibleng magkagusto ako dito kay tombs. Brotherhood kaming dalawa. `Di ba, tombs?”
Dinampot ko ang isang unan at itinakip sa mukha ko.
“Ugh!” Napasigaw na lang ako sa sobrang inis. “Nakaka-bad trip talaga. Lintik!”
Naiinis talaga ako. Naba-bad trip. Pero mas naaasar ako kung bakit hindi ko alam ang dahilan ng biglaan kong pagkainis. Baka naman magkaroon na ako kaya ganito na ako mag-react? Ito talaga ang mahirap sa pagkakaroon ng katawang babae, eh. Bigla-bigla na lang nagiging moody.
Itinulog ko na lang ang inis ko. Nagising na lang ako nang bandang lunch time na. Napansin kong tahimik na ang bahay. Wala na ang ingay at tawanan nina Kuya Joseph at Ross kanina bago ako matulog. Mukhang umalis na si Ross. Buwisit na iyon, hindi man lang nagpaalam.
Lumabas ako ng kuwarto ko at naabutan ko si Kuya Joseph na nagsasandok ng kakainin niya. Wala na nga si Ross dahil hindi na maamoy ng ilong ko ang pabango niya. Ay, aso lang, MJ? Kailan ka pa naging aso? Asong tomboy ka na?
“Bunso, kain na. Bunso, grabe `tong niluto mong ulam. Ang sarap-sarap. Mala-mamahaling restaurant ang pagkakaluto. Pangatlong kain ko na `to.”
“Hindi ako nagluto niyan,” walang gana kong sagot.
Dumeretso ako sa fridge para kumuha ng tubig.
“Eh, sino pala?”
“Si Ross.”
“Hindi nga, bunso? Si Ross talaga ang nagluto nito? Ang astig naman ng taong `yon. Ang galing na sa basketball. Ang galing na maglinis. Pati ba naman sa pagluluto magaling? `Daming talent. Imba. ”
Bilib na bilib na naman si Kuya Joseph kay Ross. Fanboy lang?
“Oo nga. Alam mo namang wala akong future sa pagluluto. Saka paanong hindi gagaling magluto `yon, eh, pag-aari pala nila `yong Valentin Restaurant sa bayan.”
Nagulat si Kuya Joseph. “Kanila rin `yon? Tiba-tiba ka pala talaga kay Ross, bunso. Naku, `wag mo nang pakawalan `yon. Buhay-reyna ka doon kapag nagkataon.”
“`Pinagsasasabi mo, Kuya? Hindi kami talo, okay? Si Donna trip n’on.” Bigla na naman akong naasar.
Pagtingin ko kay Kuya Joseph ay nakangisi siya. “O bakit ka nakangisi diyan, aber?”
“Halata kasing naiinis ka nang sabihin mong kay Donna siya may gusto.”
“Natural lang na mainis ako. Gusto ko si Donna, `di ba? Sino namang hunghang ang matutuwa kapag may ibang nagkakagusto sa taong gusto niya?”
Natawa siya. “Sana nga gano’n na lang. Pero iba kasi nakikita ko, bunso. Ang tingin ko, mas naiinis ka dahil si Donna ang gusto ni Ross at hindi ikaw.”
“Ha?” Nagulat ako. “Kuya, nakakadiri ka. Hindi ko trip si Ross. Tomboy nga ako, ano ba? Matagal ko nang tinalikuran ang pagiging babae ko. Wala na akong puso para sa lalaki. Pambabae na lang `tong puso ko.”
“Naku, bunso. Puwede mo akong paniwalain sa isang bagay na ayaw mong tanggapin. Pero `yang sarili mo? Hinding-hindi ka makakapagsinungaling sa kanya. In denial ka lang. Hindi mo lang matanggap sa sarili mo na nagkakagusto ka na sa kanya kasi nga itinatak mo na sa utak mo na tomboy ka.”
Naging seryoso ang boses ni Kuya Joseph habang nagsasalita. “Nang sabihin ni Ross kanina na impossible siyang magkagusto sa `yo dahil brotherhood kayo? Iba naging reaction mo. Hindi ko lang pinuna pero nakita kong nasaktan ka.”
“`Wag kang gumawa ng kuwento. Bakit naman ako masasaktan, aber?”
“Bakit ka masasaktan? Simple lang. Hindi kasi matanggap ng puso mo na gano’n lang ang tingin ni Ross sa `yo. Bunso, kahit naman sinasabi mo sa sarili mo na tomboy ka at hindi ka magkakagusto sa lalaki, hindi mo mapipigilan ang puso mo. Walang pinipiling kasarian ang puso ng tao kapag nagkakagusto `yan. `Yong taong kinaiinisan mo noon, puwedeng magustuhan mo na ngayon. At kapag nagsisimula mo na siyang magustuhan nang hindi mo alam sa sarili mo, unti-unti ka nang masasaktan sa hindi mo alam na dahilan.”
Bawat salita. Bawat letra. At bawat tuldok na sinabi ni Kuya Joseph ay tumatak sa isip ko. Para iyong bala ng baril na kahit anong iwas ang gawin mo, hindi ka pa rin makakailag. Natahimik ako sa sinabi niya. Minsan talaga may sense ang mga sinasabi niya.
Tumayo si Kuya Joseph at dumeretso sa lababo. “Isang advice lang, bunso. Kung ayaw mo `yang nararamdaman mo para sa kanya, layuan mo siya. Lumayo ka na hangga’t hindi pa lulong `yang puso mo sa kanya. Kapag kasi nalunod na `yang puso mo, mahihirapan na `yang makaahon. Mahirap magkagusto sa isang taong may ibang namang nagugustuhan. Pero mas mahirap na masaktan ka ng dahil lang sa isang taong hindi naman ikaw ang kailangan.”
Nagkulong lang ako sa kuwarto nang gabing iyon. Hindi ako sumabay kina Kuya John at Kuya Joseph kumain dahil sinabi kong wala akong gana at masama ang pakiramdam ko.
Narinig ko pa ngang nagbiro si Kuya Joseph na sumama ang pakiramdam ko dahil sa pagge-general cleaning ko ng buong bahay. Mabuti na lang at hindi niya ako isinumbong kay Kuya John tungkol kay Ross. Alam ko kasing ayaw niya sa jejemon na iyon. Kaya tiyak kapag nalaman niyang pinapunta ko iyon dito, magbi-beast mode iyon. Bihira magalit si Kuya John. Pero kapag nagalit iyon, magtago ka na. Kahit kasi si Kuya Joseph,napapatakbo sa labas kapag sumigaw na si Kuya John. Ganoon siya katinding magalit.
Hatinggabi na pero as usual, hindi pa rin ako makatulog. Nag-open na lang ako ng Facebook at nag-stalk uli kay Donna. As usual, may status na naman siya na Bible verse.
Do everything in love. 1 Corinthians 16:14
And as usual din, may comment na naman si Ross. May mangilan-ngilan din silang conversation.
Ross: Amen again. Haha. See you tomorrow, Donna. :)
Donna: See you, Eli :)
Ross: Excited na ko. Baka hindi ako makatulog nito.
Donna: Haha. Sira. Teka, may sasabihin pala ako.
Ross: Sige. PM mo ko :D
One hour ago pa ang usapan nila sa comment box. Mukhang excited na excited nga si Ross sa date nila ni Donna kinabukasan. Gusto kong maging masaya para sa kanya pero hindi ko magawa. Ang down masyado ng pakiramdam ko. Para akong nanlulumo. Hindi ko maintindihan ang sarili ko. Hindi ko na talaga maintindihan ang sarili ko.
Habang nakatitig sa Facebook, biglang may nag-pop na message. Parang lumundag ang puso ko nang mabasa ang pangalan niya.
Ross Eliseo Valentin.
Pinag-iisipan ko pang mabuti kung babasahin ko ang message niya o huwag na lang. Nagtatalo na ang puso at isip ko. Nag-aaway na silang dalawa. Pero dahil sadyang makulit ang puso ng isang tao kahit wala iyong utak, iyon ang sinunod ko. Sinunod ko ang sinasabi ng puso ko na agad ko namang pinagsisihan nang mabasa ang message.
Ross: Tombs, excited talaga ako bukas. Anong gagawin ko? Di ako makatulog. Damn. Gustong-gusto ko talaga si Donna. Haha. Shit, korni ko. Pero, seryoso. Gusto ko talaga siya.
Hindi agad ako nag-reply sa message ni Ross sa akin. Paulit-ulit ko lang binasa ang message niya. Paulit-ulit din akong nakaramdam ng kirot sa dibdib.
Ross: Tommbs? Online ka ba?
Ross: Oy! :(
Ross: Reply naman. Yuhoooo.
Ross: Seenzoned, e. Moody mo, no?
Ross: Anyway, tombs. Next next week pala may game kami. Bigyan ko kamo si Kuya Joseph ng free pass.
Ross: Sige, goodnight tombs. Taena. Excited talaga ko bukas. Haha.
Ross: :*
Nag-offline na si Ross.
Nakatitig lang ako sa mga message niya nang biglang bumalik sa isip ko ang sinabi ni Kuya Joseph.
“Lumayo ka na hangga’t hindi pa lulong `yang puso mo sa kanya. Kapag kasi nalunod na `yang puso mo, mahihirapan na `yang makaahon. Mahirap magkagusto sa isang taong may ibang namang nagugustuhan. Pero mas mahirap na masaktan ka nang dahil lang sa isang taong hindi naman ikaw ang kailangan.”
Tama nga ang sinabi ni Kuya Joseph kanina. `Tingin ko kasi sa sarili ko ngayon, unti-unti nang nalulunod ang puso ko. At oo, nararamdaman ko na rin na unti-unti na akong nasasaktan kahit hindi naman dapat.
Ano ba itong pinagsasabi ko?!