lookupnovel logo lookupnovel
Moymoy Lulumboy: Ang Batang Aswang (Book 1)

Chapter 39

Ch. 39 / 41 Feb 09, 2022

Kabanata 39

S A ITAAS ng Kawa ni Wayan ay naroon sina Moymoy at Alangkaw—nagniningning ang kanilang mga dibdib habang ang mapa na nakaukit sa bato ay unti-unting umangat sa likido ng Kawa. Tuwang-tuwa si Buhawan, kasama nito sina Pontoho, Abakay, at Manarang.

Nang tuluyang umangat ang mapa ay nanlaki ang mga mata ni Buhawan. Buong pananabik niyang dinakma iyon. Lumabas ang maitim na pakpak sa kanyang likod dala ng labis niyang katuwaan. Sinenyasan niya sina Manarang, Abakay at Pontoho. Kagaya ni Buhawan, lumabas ang itim na pakpak sa likod ni Manarang. Patuloy naman ang kampay ng maiitim na pakpak ni Abakay.

Isang napakalakas at nakakakilabot na halakhak ang pinakawalan ni Buhawan habang hawak-hawak at nakatingin sa mapa.

“Sa wakas! Ako na ang pinakamakapangyarihan sa lahat ng nilalang!”

Kasabay niyon ay biglang lumipad palabas si Buhawan, kasunod sina Manarang, Abakay at Pontoho na pawang nakangisi. Habang papalayo ay tinapunan pa ng tingin ni Abakay si Wayan. “Sorry ka na lang, babaeng walang mukha!”

“Tumigil ka diyan, manananggal na ulikba. Halika na!” tungayaw ni Manarang.

Samantala, marahang bumaba sina Moymoy at Alangkaw. Sa mga sandaling iyon, ang mga tibaro sa tore ni Wayan ay walang nakapagsalita—katahimikan ang naghari, ang lahat ay tila pinitpit na luya.

Pero natigilan ang lahat sa tore nang maramdaman ang kakaibang dampi ng hangin sa kanilang mga mukha. Sa labas ng tore ay nakita nila ang liwanag sa kalangitan. Nakita nila ang isang mukha na umaalon-alon doon. Mukha na sumasabay sa pag-alon din ng mga ulap. Unti-unting lumitaw sa kalangitan ang malaking mukha na sinasakop ang buong Gabun!

“Ang Amang Bathala!” bulalas ni Montar.

Sa himpapawid ay napahinto sina Buhawan, Abakay, at Manarang sa kanilang nasasaksihan. Nabuo ang mukha sa ulap at pagkatapos ay naglaho rin. Nagpatuloy sa paghangin—unti-unting lumalakas. Ang tubig sa dagat ay nagsimulang umalon na parang nagngangalit dahil sa mga nagaganap. Ang liwanag ay tumindi nang tumindi at sumilaw sa lahat ng nakatanaw. Ang mga halaman sa gubat ay nakisabay sa hanging papalakas nang papalakas. Ang mga hayop doon ay nagpulasan at nagliparan.

SA MGA sandaling iyon, nangaipon sa tore ng Sibol ang mga Apo—nakataas ang kanilang mga kamay at ginagamit ang kapangyarihan. Si Marino ay sa tubig. Si Ilawi ay sa liwanag. Si Amihan ay sa hangin. Si Liliw ay sa kagubatan.

Nasaksihan ng lahat ang mga nagaganap sa buong kapiligiran. Ang liwanag, tubig, hangin, at kagubatan ay nagsama-sama upang puksain ang kasamaan ni Buhawan. Umugong ang malabagyong hangin, umaalimpuyong hinabol at pinaikutan si Buhawan at ang kanyang mga kampon, na nangagtumbalelong at nagpapasirko-sirko sa kalawakan.

“Nakialam na si Amang Bathala…” bulong ni Montar.

Biglang kumidlat at tinamaan ang mapa na hawak ni Buhawan. Nabitawan niya iyon at tinudla naman ng kasunod na kidlat hanggang ito’y magbaga, masunog at tuluyang sumabog na parang batong dinurog. Patuloy ang hangin, ang liwanag, ang tubig, at ang kagubatan na waring nagsama-sama upang ipaalala ang kasamaang ginawa ni Buhawan at ng kanyang pangkat.

Umiikot na parang turumpo sa himpapawid, nakanganga, lawit ang dila at nanlalaki ang mga mata, habol-habol nina Buhawan, Abakay, at Manarang ang kanilang hininga hanggang bigla silang higuping pabulusok sa lupa at bumagsak kasabay ng malakas na lagapak. Lasog-lasog ang kanilang mga buto at sumambulat ang kanilang mga utak…

Biglang naghari ang katahimikan. Katahimikang mistulang walang katapusan. Katahimikan sa buong Gabun na noon lamang naranasan at naramdaman ng mga tibaro. Katahimikang dulot ng kabutihan, pagkatapos ng napakahaba at malagim na unos dahil sa kasakiman…