lookupnovel logo lookupnovel
Moymoy Lulumboy: Ang Batang Aswang (Book 1)

Chapter 5

Ch. 5 / 41 Feb 09, 2022

B ANAYAD ang paghakbang ni Moymoy habang hawak siya ni Montar. Nang lumapit at dumikit si Montar sa puno ay bigla silang hinigop ng katawan ng balete. Ang sumunod na pangyayari ay ang paglalakbay nilang dalawa sa loob ng malaking puno. Hindi sinunod ni Moymoy si Montar na ipikit ang mga mata. Hindi niya sinayang ang mga sandaling iyon habang naglalakbay sila paibaba sa lupa. Madilim, pero nararamdaman niyang nahuhulog siya. May hanging malamig siyang nararamdaman sa kanyang buong katawan. Ganito pala ang loob ng puno? Madilim pero may miminsang kislap ng liwanag doon na noon lamang niya nakita. Ang liwanag ay nagmumula sa mistulang mga tala na nakikita niya sa langit tuwing gabi na ang kaibahan lamang ay kulay-luntian ang mga ito at mistulang lumalangoy sa tubig. Nagugustuhan ni Moymoy ang nakikita kaya napapangiti siya at naliligayahan sa paglalakbay kasama si Montar. Pagkatapos, naramdaman niyang sumisikip nang sumisikip ang kanilang daan habang nahuhulog sila sa loob ng punong iyon. Pakiramdam niya ay nahuhulog sila sa pinakailalim ng puno, sa pinakaugat nito.

Pero bigla silang lumabas sa katawan ng isang malaking puno. Napakunot-noo siya dahil nakita niya na parang hindi naman sila naglakbay dahil ang punong balete na kanilang pinaglagusan ay kapareho ng kanilang pinanggalingang puno sa sementeryo. Pero nang tingnan niya ang paligid, tumambad sa kanya ang kakaibang mundo—ang mundo ng tibaro. Una niyang natanaw ang isang malawak na dagat, pagkatapos ay ang malaking bolang mistulang araw na nagbibigay-liwanag. Sa isang isla ay prominente ang napakalaki at mataas na bulkan na umuusok.

“Kung sa iisang araw nanggagaling ang inyong liwanag, sa amin ay ganoon din. Tulad sa Amalao, kami ay may gabi rin. Mayroon ding buwan dito tuwing gabi.”

“Nasaan tayo? Ano’ng pangalan ng lugar na ito?” tanong ni Moymoy habang napapangangang pinagmamasdan ang paligid.

“Gabun ang tawag sa lugar na ito,” sagot ni Montar. “Tatlong malalaking isla ang naririto. Isa sa mga ito ay ang kinatatayuan natin, ang Malasimbo. Halika.”

Naglakad sina Moymoy at Montar. Napapanganga si Moymoy sa kanyang nakikita. Kung tutusin ay walang pinagkaiba ang mundo ng mga tibaro sa mga tao, maliban sa ilang mga hayop na kanyang nakikita sa paligid. May nakita siyang tatlong pusang kulay-pula pero nang makita silang dumadaan ay lumipad ang mga ito kahit walang mga pakpak. Nagtungo sila sa dagat at sumisid. Ang ilang mga ibon na kanilang nadadaanan ay kakaiba dahil makukulay ang mga iyon. Pero ang higit na kakaiba, ang karamihan sa mga ito ay hindi lumilipad. Sa tabing-dagat naman ay nakita niya ang tatlong hayop na animo’y pawikan pero kasinlaki ng kalabaw, may pinag-aawayanng isda na kanilang kinakain.

Dinaanan nila ang isang landas na parang semento pero napansin niyang ito ay isang napakahaba at malaking bato. Nakahilera sa tabi ng daan ang mga bahay na yari din sa bato. May sampung metro kuwadrado lamang ang lawak ng mga bahay at kulay-itim na talahib ang bubong ng mga ito. Pero ang higit na kapansin-pansin ay ang mga bintana na napakaliit, hindi kasya ang isang tibaro na makapasok at makalabas doon.

“Dito sa Gabun nakatira ang lahat ng mga tibaro,” panimula ni Montar. “Sa Amalao na nilakhan mo, ang tawag nila sa mga tibaro ay lamang-lupa.

“Gaya nga ng nasabi ko sa `yo, mayroong tatlong malalaking isla dito sa Gabun,” pagpapatuloy ni Montar, “ang Malasimbo, ang Sibol Encantada, at ang isla ng Dalumdum sa dako pa roon.”

May itinuro si Montar sa malayo. Napatingin si Moymoy sa kanyang likuran upang tanawin ang sinasabi ni Montar pero sa layo nito ay hindi naman iyon nakita. “Dalumdum?”

“Malayo ang Dalumdum at hindi kayang abutin ng iyong paningin.”

“Ikaw, Montar, saan ka nakatira?”

“Diyan, diyan lamang…” Itinuro ni Montar sa may di-kalayuan ang isang napakalaking palasyo na prominenteng nakikita sa buong Gabun. Nagniningning ang buong palasyo. At nang tingnang mabuti ni Moymoy ang palasyo, ito ay sadyang napakalaki at napakagara. Higit pang napakalaki at napakaganda kung ikukumpara sa mga nakikita niya sa mga libro ng kuwentong-ada at pantasya.

“Sa isang palasyo ka nakatira?” Nanlalaki ang mga mata ni Moymoy habang nagtatanong.

“Oo, dati ang lahat ng mga tibaro na nakatira dito sa Malasimbo ay diyan din nakatira. Diyan sa isla ng Sibol Encantada,” malumanay na sagot ni Montar habang nakatanaw sa Sibol Encantada.

“Paano nangyari `yon? Ikaw doon ka nakatira pero ang ibang mga tibaro, dito sa Malasimbo?”

“Malalaman mo rin ang sagot sa iyong tanong pagdating ng tamang panahon.” Huminto si Montar kaya huminto na rin si Moymoy at humarap sa kanya. Tumingin nang diretso si Montar kay Moymoy. “Malaki ang respeto ko sa mga Apo at hindi dapat manggaling sa akin at sabihin sa `yo ang lahat-lahat.”

“Apo?”

“Ang mga Apo ay ang nangangasiwa sa lahat—dito sa Gabun.” Ipinagpatuloy ni Montar ang paglalakad at itinuloy ang pagsasalita. “Ang mga Apo ay ang mga diyos na nakatira sa Sibol Encantada. Sila ang nagbibigay-kasiyahan, lungkot, karamdaman sa lahat ng mga nilalang na nakikita mo—mga hayop man o mga tibarong kagaya ko.”

Nakita ni Moymoy ang ibang tibaro na naglalakad sa malapad na batong dinaraanan. Mukhang tao rin ang mga ito. Pero kapansin-pansin ang kanilang mga damit na pare-pareho. Kulay-abo ang kanilang mga damit. Ang pang-itaas ng mga lalaki ay mahahaba na abot hanggang mga tuhod na binabagayan ng pantalon. Ang mga babae naman ay mahahaba ang mga damit, lampas-tuhod din. May mga kuwintas, pulseras at kung ano-anong palamuti sa kanilang katawan. Lahat sila ay may tattoo.

Lahat ng mga tibaro ay napapatingin kay Montar pero animo may takot ang mga ito sa kanya.

Isang mayabang na lalaking tibaro ang lumapit sa kanila. Si Burarong. Humarap siya kay Montar. “Montar, naparito ka. Kumusta na ang mga Apo sa Sibol?”

“Mabuti naman ang mga Apo.”

Hindi umalis si Burarong sa dinaraanan nina Montar at Moymoy.

“Umalis ka riyan sa harap namin,” utos ni Montar. “Hindi mo pag-aari ang daang ito.”

“Ito namang si Montar, kahit kailan suplado,” sagot ni Burarong.

“Montar!” sigaw ng isang babaeng tibaro na kanina pa nakamasid sa kanila.

Napatigil si Moymoy nang makita ang babaeng tibaro. Dumampot ito sa isang platito ng mga insektong gumagalaw-galaw, ibinalot sa dahon, isinubo at nginuya. Nagkukumawag ang mga paa at kamay ng mga insekto sa bibig ng babae habang nginunguya ang dahon at mga insekto na parang nganga. Gulat na gulat si Moymoy sa nakikita.

“Kaya suplado si Montar, kasi hanggang ngayon hindi pa nag-aasawa!” Patuloy ang pagnguya ng babaeng tibaro sabay tawa kaya lumabas ang gilagid nito na walang ngipin.

Nagtawanan din ang mga tibaro sa paligid. Hindi kumibo si Montar.

“Ikaw Montar, porke malakas ka sa mga Apo at may ipinagkaloob sa iyong diwani kaya suplado ka,” sagot ni Burarong.

“Ipinagkaloob sa akin ang diwani dahil nananatili akong tapat sa kanila,” sagot ni Montar.

“Huwag mong iparis ang mga tibaro dito sa Malasimbo sa mga taga-Dalumdum,” sagot ni Burarong.

“Taga-Dalumdum ka ba?” Inilapit ni Burarong ang kanyang mukha kay Moymoy.

Hindi sumagot si Moymoy.

“Isa ka rin bang tibaro?”

Hindi pa rin sumagot si Moymoy.

“Pipi ka ba? Tagasaan ka ba?”

“Sa Quezon City po. Malapit sa UP.”

Napakunot-noo ni Burarong. “Saan?” Biglang nagbago ang anyo ni Burarong. Naging aso ang mukha nito na may tatlong malalaking ulo.

Akmang gagamitin ni Montar ang kanyang diwani kay Burarong nang kaagad namang bumalik ito sa tunay na anyo.

“Huwag, Montar!” may takot sa tinig ni Burarong.

“Gagawin sana kitang estatwa para matigil `yang kayabangan mo, Burarong,” matigas na sagot ni Montar.

“Nagbibiro lang.” At kasabay niyon ay itinaas ni Burarong ang kanyang kamay at yumuko upang bigyan-daan sina Moymoy at Montar.

“Sino ba `yang kasama mo?” pahabol na tanong ni Burarong.

“Isa rin siyang tibaro. At lalong hindi siya taga-Dalumdum. Isa siya sa atin,” malumanay na sabi ni Montar.

“May diwani?” Lakas-loob na nagtanong ang isang babaeng tibaro.

Napatingin si Montar kay Moymoy. Iniwasan niya ang tingin ng babaeng nagtanong, hindi ito sinagot ni Montar.

Nagtinginan ang mga tibaro at nagbulungan.

Sa kanilang paglalakad, may isang batang babae na sa tingin ni Moymoy ay kasing-edad niya na nakatawag sa kanyang pansin. Nasa may balon ito, kasama ang ilang batang tibaro na umiigib.

“Si Hasmin.” Binanggit ni Montar ang pangalan ng batang babae.

Akmang dadaan si Hasmin sa kanilang harap nang mapahinto ito pagkakita kay Montar.

“Hasmin,” banayad na tawag ni Montar.

Hindi kumibo si Hasmin, ibinaling nito ang tingin kay Moymoy.

“Siya nga pala si Moymoy. Moymoy, si Hasmin. Mabait na bata si Hasmin, Moymoy, magkakasundo kayo. Makakalaro mo siya dito sa Malasimbo.”

Ngumiti lang si Hasmin at iyon ay sinuklian naman ni Moymoy.

“Tulungan na kita,” sabi ni Moymoy na akmang kukunin ang timba nito. “Mukhang mabigat `yan.”

“Wala ito, kayang-kaya. Salamat na lang,” malumanay na sagot ni Hasmin.

Pumikit saglit si Hasmin at huminga nang malalim, dahan-dahan ay nagsimulang mahati ang kanyang katawan, kasabay niyon ay lumabas ang mga kulay-itim na pakpak sa kanyang likod. Napaurong si Moymoy nang makita niya ang gumagalaw-galaw na bituka sa naiwang kalahating katawan ni Hasmin.

Lumipad si Hasmin patungo sa kanyang bahay at nang mailapag doon ang dalang balde ng tubig ay binalikan ang kalahati ng katawan upang idikit ang itaas na kalahati. Pagkatapos ay tumiklop ang kanyang dalawang pakpak at tuluyan nang pumasok sa kanyang balat at naglaho sa kanyang likuran.

Napangiti si Montar sa nagulat na si Moymoy. “Masanay ka rito, lahat dito sa Gabun ay may kakayahan na hindi nagagawa ng isang buntawi. Mga manananggal at mga aswang ang nakararami rito sa Malasimbo.”

Tinapunan ng tingin ni Montar si Hasmin na kasalukuyan nang nakapasok sa bahay nito. Lumingon ito saglit sa kanya at muling tipid na ngumiti na sinuklian din naman ng ngiti ni Moymoy. Pagkatapos ay tuluyan nang isinara ni Hasmin ang pinto.

“Wala nang mga magulang si Hasmin. Noong isang buwan lamang siya naulila,” sabi ni Montar.

“Moymoy,” naging seryoso ang tinig ni Montar. “Kailangan mo munang makausap si Wayan.”

“Sino si Wayan?”

Tumingin si Montar sa paligid. “Dito sa Malasimbo, sa kanya lamang nakikinig ang mga tibaro. Siya ang kanilang pinuno. Ako ay napag-utusan lamang na sunduin ka sa Amalao. Ako ang mensahero ng mga Apo sa Sibol.”

Bumakas ang maraming tanong sa mukha ni Moymoy.

“Ang tangi ko lamang masasabi sa ngayon ay dito sa Gabun ka ipinanganak at hindi sa Amalao.”

Dahan-dahan ay tumambad kay Moymoy ang isang kamangha-manghang tanawin. Kung kanina ay naging abala siya sa mga tibaro at sa paligid ng Malasimbo, ngayon ay natuon ang kanyang pansin sa pinupuntahan nila ni Montar. Sa isang malaking bundok ay nakaukit ang harapan ng malaking kastilyo. May magagandang disenyo ang harapan nito na kagaya rin ng malalaking gusaling kanyang nakikita sa mga libro, kulay-kayumanggi ito kaya lamang ay may mga lumot na nakadikit. Mula sa harapan, kaagad napansin ni Moymoy na ang mismong loob ng kastilyo ay malaking bundok. Prominente sa harapan nito ang malaking pinto na walang lumot at ang tore na sa tingin niya ay ang pinakamataas na parte ng Malasimbo.

Natuon ang tingin ni Moymoy sa tore.

“Ang tawag diyan ay ang tore ni Wayan,” malumanay na sabi ni Montar.

Sa harapan ng pinto ng kastilyo ay may dalawang tiyanak na nagbabantay. Ang dalawang tiyanak ay isa at kalahating talampakan lamang ang taas. Mataba ang tiyan ng mga ito, maamo ang mga mukha na ang tanging saplot lamang ay animo lampin na kulay-itim na bumabalot sa kanilang pang-ibaba. Kapansin-pansin ang kanilang mga tainga na matutulis.

“Hinihintay kami ni Wayan,” sabi ni Montar sa mga tiyanak.

“Alam ko,” seryosong sagot sa maliit na boses ng isa sa mga tiyanak.

Lumapit ang isa pang tiyanak kay Moymoy at sinimulan siyang amoy-amuyin. Sa isip ni Moymoy ay pangkaraniwan na lamang ang kanyang nakikita dahil kung ikukumpara sa mga nakita niya kanina sa iba pang mga tibaro ay hindi na ordinaryo ang ganito. Pero nagulat siya nang mapansing nanlisik ang mga mata ng tiyanak. Hinawakan ng tiyanak ang kamay ni Moymoy, binuksan ang palad at pinagmasdan. “Hmm, tibaro ka nga. Ikaw si Moymoy? Hinihintay ka ni Wayan,” sagot ng tiyanak sa maliit na boses.

“Isa ka ngang tibaro gaya namin kasi tingnan mo—wala ka ring guhit sa palad. Tingnan mo’ng sa amin,” dugtong pa ng isang tiyanak; ipinakita ang dalawang palad.

Tiningnan ni Moymoy ang kanyang mga palad at noon lang niya napansin na wala nga siyang guhit doon. Lahat ng tibaro, walang guhit sa palad? Bakit hindi ko alam?

“Palatandaan `yan. Iyan ang kaibahan nating mga tibaro sa mga buntawi. Walang guhit ang ating mga palad. Marahil ay hindi ipinaalam ng nagpalaking buntawi sa `yo na isa kang tibaro,” sagot ni Montar na para bang nabasa nito sa isip ni Moymoy ang kanyang tanong habang ipinapakita ang mga palad na wala ring mga guhit.

Pero nang makita ng tiyanak ang kanang kamay ni Moymoy na may kulay-pulang balat, nagulat ito at napatakip sa kanyang bibig.

“Bakit?” tanong ni Moymoy.

Pumikit ang dalawang duwende at lumuhod.

“Bakit?” muling tanong ni Moymoy.

“Isa kang ipinagpalang tibaro,” sabi ng isang tiyanak.

“Bakit mo nasabi `yon?” muli pang tanong ni Moymoy.

“Ang mabuti pa’y pumasok na tayo sa loob,” sabat ni Montar.

Tumayo ang dalawang tiyanak at paglapit nila sa malaking pinto ay lumundag ang isang tiyanak sa may tarangkahan. Lumambitin ang tiyanak sa tarangkahan upang tumikwas ito para mabuksan ang pinto. Pero bumabalik na muli ito kaya nagsarang muli ang pinto. Umiling ang isang tiyanak kaya lumundag na rin ito upang tulungan ang kasama. Lumambitin ito habang hawak ang isang paa ng kasamang tiyanak upang bumigat para mabuksan ang tarangkahan kaya nanatili itong nakatikwas hanggang bumukas ang pinto. Tuluyan nang pumasok si Montar kasama si Moymoy.

“Tatanga-tanga ka kasi. Alam mo namang hindi mo kayang buksan mag-isa `yan,” sabi ng tumulong na tiyanak sabay bitiw sa paa ng kasamang tiyanak upang makababa sa lupa.

“`Di sana tumulong ka kaagad, sinamahan mo `ko dito!” sagot ng isang tiyanak; kasabay niyon ay lumundag na rin pababa patungo sa lupa.

Uminit ang ulo ng tumulong na tiyanak. “Aba, ako pa ang may utang-na-loob? Ako na nga ang tumulong, pangit na `to,” sabay sapok sa kasamang tiyanak.

Gumanti ang isang tiyanak. Nagsapukan sila.

Hindi pinansin ni Montar ang pag-aaway ng dalawang tiyanak.

“Nag-aaway sila, Montar,” nag-aalalang sabi ni Moymoy.

“Heto ang bagay sa kanila.” Inangat ni Montar ang kamay, ginamit ang kanyang diwani—umangat ang katawan ng dalawang tiyanak at ibinuhol ni Montar ang kanilang buhok. Sabay rin na isinabit ang mga ito sa tarangkahan ng nagsarang pinto. Nanatiling nakasabit at nakadikit ang dalawang tiyanak sa pinto. Nagkukumawag ang mga ito.

“Montar, ibaba mo kami rito!” Sabay na hinabol ng sigaw ng mga tiyanak ang papalayong si Montar kasama si Moymoy.

Hindi pinansin ni Montar ang dalawang tiyanak—parang walang naririnig na tuluyang pumasok sa loob ng kastilyo.

NAGULAT si Moymoy sa kanyang nakikita sa loob ng kastilyo na nasa loob ng bundok. Kakaiba ito sa kanyang inaasahan. Maaliwalas ito, may mga muwebles na kakaiba, may mga posteng malalaki na may magagandang disenyong nakaukit. Ang ilaw ng bulwagan ng kastilyo ay nagmumula sa mga nakapatong na malalaking banga sa matataas na pedestal na pawang may apoy na nagbibigay-liwanag sa malawak na bulwagan. Napatigil si Moymoy sa isang tinig na dumadagundong at umaalingawngaw.

“Kanina pa kita hinihintay, Montar.”

Sa isang bahagi ng bulwagan, may isang malaking upuan na nasa itaas ng entablado. Doon ay nakaupo ang isang babae. Si Wayan.

“Siya ba? Siya ba ang anak ni Ronado?” tanong ni Wayan kay Montar sabay tayo, pinagmamasdang mabuti si Moymoy.

Nagulat si Moymoy pagkakita kay Wayan. Wala itong mukha! Kapag nagsasalita, doon lamang lumilitaw ang bibig nito at ang mga mata ay lumilitaw lamang kapag ang mga ito ay bumubukas o pumipikit.

“Moymoy… Moymoy Lulumboy ang pangalang ibinigay sa kanya ng isang buntawi sa Amalao,” sagot ni Montar.

Marahang nilapitan ni Wayan si Moymoy, pinagmasdan siyang mabuti. Pagkatapos ay natuon ang tingin nito sa kanyang dibdib at itinaas ang kanyang kamiseta. Nakita nito ang kanyang balat sa dibdib. Lalo pang nagulat si Moymoy nang makitang napanganga si Wayan—nasiyahan pagkakita sa kanyang balat.

“Siya nga! Siya nga!” Halos isinigaw iyon ni Wayan pagkakita sa balat ni Moymoy. Dumagundong at umalingawngaw na muli ang boses nito sa buong bulwagan.

Tiningnan nang diretso ni Wayan si Moymoy, lumuhod ito upang magpantay ang kanilang mga mukha. “Nasa`yo ang mapa.”

“Anong mapa?” nagtatakang tanong ni Moymoy. “Balat po ito, hindi mapa.”

“Iyan ang mapang hinahanap naming mga tibaro. Hindi ka dapat bumalik sa Amalao,” sagot ni Wayan.

“Bakit po?”

“Dahil sa mapang `yan na tinatawag mong balat ay manganganib ang iyong buhay,” babala ni Wayan.

Napakunot-noo si Moymoy sa narinig.

“Halika,” aya ni Wayan kay Moymoy.

Humakbang si Wayan patungo sa isang malaking hagdanan, inakbayan si Moymoy. Sumunod si Montar sa kanila. Umakyat sila sa pangalawang palapag ng kastilyo. Sa pangalawang palapag ay tatlong tikbalang ang naroroon, naghihintay at hawak ang mahabang tali.

“Tikbalang?” bulong ni Moymoy.

“Oo,” sagot ni Montar. “Iba’t ibang klaseng tibaro ang mga tagasilbi ni Wayan sa kastilyo.”

Sumakay sina Wayan, Montar, at Moymoy sa isang malaking basket. Hinila ng tatlong tikbalang ang mahabang lubid upang makaakyat ang basket paitaas sa tore.

Nang makarating ang malaking basket sa pinakamataas na palapag ng tore ay umibis sina Wayan, Montar, at Moymoy. Nanatili ang malaking basket sa palapag ng tore.

Sa pinakamataas na palapag ng tore ay may mataas na kisame at ang prominente rito ay ang malalaking bintana na nakapalibot sa buong dingding.

Sa gitna ng sahig ng tore, dinala ni Wayan si Moymoy. Naroon ang malaking Kawa na may likidong kumukulo at pinagmumulan ng makapal na usok. Kinuha ni Wayan ang mahabang sandok at hinalo-halo ang kumukulong likido.

Bumaling si Wayan sa nakatingalang si Moymoy. “Dito sa Kawa nanggagaling ang aking diwani.”

Nagpatuloy sa paghalo si Wayan sa malaking Kawa. “Kawa, kailangan ko ang tulong mo,” kinausap ni Wayan ang Kawa. Gumalaw ang napakagandang mukha ng isang babae na nakadikit sa gilid ng Kawa na kanina ay walang buhay.

“Ano ang kailangan mo sa akin, Wayan?” tanong ng mukha sa Kawa.

“Narito si Moymoy, ang tibarong laking Amalao—ang may hawak ng mapa. Gusto kong mabasa ang mapa sa kanyang dibdib.”

Tuluyan nang hinubad ni Wayan ang kamiseta ni Moymoy. Pagkatapos ay biglang umangat ang katawan ni Moymoy. Nagulat siya kaya naggagalaw siya paitaas sa hangin, nagkukumawag na naghahanap ng balanse. Sa itaas ng Kawa ay padapang nakaharap si Moymoy sa kumukulo at umuusok na likido. Pagkaraan ng ilang saglit ay nagningning ang balat sa kanyang dibdib. Ang pagningning nito ay lalo pang lumiwanag at ang liwanag ay nagtungo naman sa Kawa. Unti-unting tumigil ang pagkulo ng likido at naglaho ang usok nito. Sa likido ay gumuhit ang mapa.

“Ang mapa! Nasa iyo nga ang mapa ng pinto ng Panalturan!” masayang napasigaw si Wayan pagkakita sa nakaguhit na mapa.

Hindi mawala-wala ang pagkagulat ni Moymoy habang pinagmamasdan ang hindi niya maintindihang nakaguhit sa likido ng Kawa.

At naisip ni Moymoy na hindi nga pangkaraniwan ang kanyang balat sa dibdib…