“O H, PLEASE don’t tell me,” pakiusap ni Miles habang pinagmamasdan ang kahabaan ng kalsadang iyon. Sa magkabilang panig niyon ay malalawak na palayan na. “Please don’t tell me we’re lost again.”
“Okay,” sagot ni Rath. Pinatay na nito ang makina ng sasakyan. “I won’t tell you.”
Naitakip na lang niya sa mukha ang mga kamay. “Ang tanga-tanga ko talaga!”
Sixteen years old pa lang siya nang umalis ng kanilang baryo at hindi na muling nakabalik pa dahil sa Maynila na sila nanirahan ng kanyang buong pamilya. Bakit ba hindi niya naisip na marami nang nagbago sa lugar na iyon pagkatapos ng labindalawang taon niyang pagkawala?
“Huwag mo nang masyadong sisihin ang sarili mo,” sabi ni Rath. “Anyway, kailangan na rin naman nating magpahinga. Nangangalay na ang mga binti ko.”
Lalong nadagdagan ang pang-uusig ng konsiyensiya ni Miles. Mabilis ang naging biyahe nila dahil na rin sa dala nilang sasakyan. A Dodge Viper could run up to two hundred kilometers per hour. Ang special road gadget na nakalagay sa sasakyang iyon ay naka-program lang sa mga lugar at kalye ng Maynila. Kaya kahit sandali lang ay nasa probinsiya na sila ng Tarlac, palpak naman ang sense of direction nilang dalawa ni Rath.
“Don’t worry about it.”
“Don’t worry?” Parang gusto na tuloy niyang maghisterikal hindi dahil sa nangyayari kundi dahil sa pagiging kalmado ni Rath. “We’re in the middle of nowhere, without a cell phone signal, no food, and an almost empty fuel tank. Now, you’re telling me not to worry about it?”
“Kung inaalala mo ang mga masasamang loob na aatake sa atin, I have a handgun in the secret compartment.” That still didn’t ease her fear. “All right then. Worry about it.” May dinukot ito sa bulsa ng pantalon. “Candies?”
Miles really couldn’t believe this guy. Kendi lang ang solusyon sa sitwasyon nila nang mga sandaling iyon. Pero gustuhin man niyang magalit, wala rin naman iyong magagawa. Kaya dumampot na lang siya ng dalawang kendi sa palad nito at nanahimik sa kinauupuan habang sinisimsim iyon.
“Dito na muna tayo pansamantala,” sabi nito. “Kapag okay na uli ang binti ko, saka tayo maghahanap ng matutuluyan.”
“Sa ganitong lugar?”
“This is the rural, Miles. Kahit sino, tinutulungan ng mga tao dito. And you should know that since you’re the one who grew up here.”
“Yeah,” tinatamad niyang sagot. “Tell me about it.”
Pero tama si Rath. Napabuntong-hininga na lang si Miles. Masyado na nga yata siyang naburo sa magulo at mabilis na buhay sa Maynila at nakalimutan na niya ang tahimik nilang pamumuhay noon sa San Jose.
“Alas-otso na, hindi ba?” tanong niya.
“Oo. Apat na oras na mula nang huling beses tayong nakakain.”
Impit lang siyang natawa. “Ibinabase mo ba lagi ang oras mo sa pagkain?”
“Minsan.”
“Sa tingin ko nga.”
Hindi gaanong madilim ang paligid dahil sa liwanag ng buwan. It was full moon and it was just now that she realized how beautiful the whole place was. Tuluyan nang naglaho ang ano mang pag-aalala niya. Binuksan niya ang bintana ng kotse at sinamyo ang sariwang simoy ng hangin.
“Ngayon ko na lang uli nakita ang ganitong tanawin sa gabi. Ganito rin kasi ang hitsura ng San Jose kung saan kami lumaki ni Avon. Sa gabi, kapag maliwanag ang buwan, nagtatapakan kami ng anino bilang pastime.”
“Wala pa bang TV noong kapanahunan ninyo?”
Eksaherado niyang sinimangutan ang binata. “Ano naman ang palagay mo sa akin? Era pa ni Kopong-Kopong ipinanganak?”
“Malay mo.”
“Ewan ko sa `yo. Baka ikaw `yon.” Muling ibinaling ni Miles sa magandang tanawin ang pansin. “Kaya pala kahit abalang-abala sina Daddy at Mommy sa negosyo ng pamilya namin sa Maynila, bumabalik pa rin sila dito.”
“So, babalik-balik ka na rin dito nang lagay na `yan?”
When she turned her attention back to him, doon lang niya na-realize na kanina pa siya nito pinagtitripan.
“At least hindi ako parang bata na laging may baong kendi sa bulsa.”
Rath reached inside his pocket once again and pulled out another set of candies. “Gusto mo pa?”
He looked so seriously cute and handsome at the same time that seeing him holding out candies for her just made her laugh. Ngayon lang siya nakatagpo ng ganoong klase ng lalaki. Napakaseryoso pero nagagawa pa rin siyang patawanin.
Natigil lang si Miles sa pagtawa nang dumulas sa lalamunan niya ang sinisimsim pang kendi kanina. Nabilaukan tuloy siya nang wala sa oras. Akala niya ay lalayasan na lang siya ni Rath nang bumaba ito ng sasakyan. Pero nagpunta lang pala ito sa side niya at mabilis siyang inilabas. Pagkatapos ay pumuwesto si Rath sa likuran niya, saka inipit ng mga braso nito ang kanyang katawan. He clamped his fists on her stomach and pressed on it suddenly, pushing air out of her lungs. Nakita pa niyang tumalsik ang bumarang kendi sa kanyang lalamunan.
“Oh, God,” sambit na lang ni Miles nang maging normal uli ang kanyang paghinga. Sumandal siya sa katawan ng sasakyan dahil parang nawalan na siya ng lakas sa nangyari. “Akala ko katapusan ko na.”
“Okay ka na, Miles?”
“Oo…” Natigilan siya dahil napakalapit sa kanya ni Rath.
And his other hand was pressed against the car while his face was just a few inches away from hers. At kitang-kita niya sa mga mata nito ang kakaibang emosyon na iyon na nakakapagpabilis sa tibok ng kanyang puso. At bakit ganoon na lang ang tingin ni Rath sa kanya? And why did he look so good under the pale moonlight?
Napalunok si Miles. Parang nakikini-kinita niya ang estado ng sariling emosyon nang mga sandaling iyon na parang mga atom particles na hindi mapakali. Or something like that.
“Ahm…” Malakas siyang tumikhim para maputol ang nakakailang na sitwasyong iyon. “M-may paparating. Baka puwede na tayong humingi ng tulong sa kanila.”
Bago pa man makasagot si Rath ay nauna na siyang umalis sa harap nito at sinalubong ang mga paparating na tao. Her heart was pounding inside her chest like never before. What was going on with her? And what was it that Rath had been making her feel?
Malugod nga silang tinanggap ng mga taong dumating dahil mula sa bahay ng mga ito ay nakita nila ang kanilang sasakyan. Magiliw ang pamilya nina Mang Kadyo at Aling Inday. Malaking tulong kay Miles ang madadaldal na apo ng mga ito para kahit paano ay mawaglit na sa kanyang isip ang mga nangyari kanina sa kotse.
“May-kalayuan ang maaari ninyong pagbilhan ng gasolina dito sa aming lugar,” wika ni Mang Kadyo habang nasa hapag-kainan sila. Ipinagluto pa sila ng asawa nito ng makakain. “Pero hayaan mo at maagang-maaga pa lang bukas, pupunta na ako sa poblacion para makabili ng gasolina.”
“Salamat ho,” sabi ni Rath. “Pakigising na lang ho siguro ako bukas para masamahan ko kayo.”
“Naku, huwag na,” kontra ni Aling Inday. “Magpahinga na lang kayo nang husto. Hayaan mo na’ng si Kadyo ang gumawa n’on.”
“Oo nga naman. Malayo rin ang ibiniyahe ninyong magkasintahan kaya alam kong pagod na pagod kayo.”
Napaangat si Miles ng tingin mula sa kanyang pagkain. Pagkatapos ay napadako ang mga mata niya kay Rath na halatang hindi rin alam kung paano ipapaliwanag ang sitwasyon nila. Kaya siya na ang sumingit.
“Ah, hindi ho… hindi ho kami magkasintahan.”
“Gano’n ba? Naku! Pasensiya na sa kadaldalan nitong si Kadyo ko. Masyado talagang pakialamero iyan pagdating sa mga magkakasintahan.”
“Hindi nga sila magkasintahan, eh,” pagtatama ng asawa nito.
Nagtawanan lang ang tatlong bata.
“Daldal kasi nina Lola.”
Nakitawa na rin si Miles sa kabila ng pananahimik lang ni Rath. Kung nahalata man iyon ng mag-asawa ay hindi na lang nagsalita pa ang mga ito. Sa pagtulog ay naki-share na lang siya sa kuwarto ng mga babaeng apo ng mag-asawa. Si Rath naman ay ang kawayang sofa sa sala ang naging tulugan. Siya na ang nagprisintang maghatid ng extra na kumot at unan na ibibigay sana ni Aling Inday.
Gusto lang niyang malaman ang kalagayan ni Rath dahil ang alam niya, sanay ito sa karangyaan. Pero nang makita ang lalaki na nakapuwesto na sa sofa, naramdaman na naman niya ang kakaibang tibok na iyon sa kanyang puso.
There was really something wrong with her and she knew they should talk about it. That is, kung kakausapin siya nito. Well, it was worth trying.
“Okay ka lang ba dito?” tanong ni Miles nang lapitan si Rath. He wasn’t moving nor opening his eyes. Pero alam niyang gising pa ito. “Ipinapadala ito ni Aling Inday. Kulang pa ba `to?”
“No, it’s fine,” sagot nitong hindi pa rin nagmumulat ng mga mata. “Pakilagay na lang diyan sa mesita.”
Sinunod niya ang lalaki. Pero hindi naman niya ngayon masabi ang mga gustong sabihin. May kung anong puwersang pumipigil sa kanya na magsalita tungkol sa tensiyonadong sitwasyon nila noong mga nakaraang oras.
“May kailangan ka ba, Miles?”
“H-ha?” Upon hearing his tired voice, ipinasya niyang kalimutan na lang ang plano. “Wala. Sige, matulog ka na. Goodnight, Rath.”
“Goodnight, Miles.”
Bumalik na siya sa kuwarto ng magkapatid na Aurea at Benilda. Habang nakahiga sa may-katigasang kama ay isa-isa niyang binalikan ang mga nangyari sa kanila ni Rath noong nakaraang isang buong araw. And she had come to the conclusion na wala naman talagang halaga ang mga kakaibang nararamdaman niya para sa lalaki.
Nasasanay na lang kasi siya kay Rath. Gaya ng pagkasanay niya sa buhay sa Maynila ang nagiging pagkasanay niya sa presensiya nito. Kaya parang na-associate ni Miles ang mga kakatwang nararamdaman para kay Rath at mga napapansing ipinapakita nito sa mga nararamdaman niya kay Rex. Pareho lang iyon ng naramdaman niya nang makita ang tanawin sa probinsiyang iyon. Nasanay siya sa Maynila at pansamantalang nakalimutan ang kinalakhang lugar.
And just like some metaphors, sigurado rin si Miles na oras na makitang muli si Rex ay magbabalik na rin sa normal ang lahat sa kanya. Makakalimutan din niya ang kung ano mang panggulong damdaming nararamdaman kay Rath.
“REX, WHERE the hell are you?”
Iyon ang narinig ni Miles nang hanapin niya si Rath kinabukasan sa may bakuran. Medyo tinanghali na siya ng gising dahil napasarap ang kanyang tulog. Ang sabi ni Aling Inday na naabutan niya sa kusina na naghahanda ng pagkain ay maagang nagising si Rath. Gaya ng sabi nito nang nagdaang gabi, sinamahan pa rin ni Rath si Mang Kadyo na bumili ng gasolina sa poblacion.
“Kasama mo ba ang kidnapper mo?” Lalo pa siyang na-curious na makinig sa usapan ni Rath at ng kakambal nito. “How did I know that you’ve been kidnapped? I just heard someone planning it. Are you okay? Where are you?”
Sa kabila ng pagiging tuod ni Rath, based on the way he talked to his brother, she easily noticed that he cared for Rex more than anything else.
Mahina itong napamura. “Saka na ako magkukuwento. Sunduin mo na lang ako dito.” Inilibot ni Rath ang tingin sa paligid. “Darn it! I don’t know where the hell we are… None of your business. Magpatulong ka sa AFP at ipasuyod ninyo ang buong Tarlac. Ikaw na ang bahala sa iba mo pang puwedeng gawin. Hurry up.”
Katatapos lang nitong patayin ang cell phone nang lapitan niya. Hindi na nagulat si Rath nang makita siya.
“Mabuti’t may signal na ang cell phone dito,” sabi niya.
“Oo. Ang sabi ni Mang Kadyo, may mga parte ng lugar dito na nakukuhanan ng signal. Kung may tatawagan ka, tumayo ka lang sa spot na ito at itapat sa direksiyong iyon ang cell phone mo.”
“Hindi na. Ngayong natawagan mo na si Rex, siguradong makakauwi na tayo.” Mataman niya itong pinagmasdan. “That was Rex, wasn’t it?”
Tumango lang si Rath.
“Okay lang ba siya?”
“He wasn’t kidnapped.”
“What?”
“He wasn’t kidnapped,” ulit nito. “Ang sabi niya, nasa Maynila raw siya ngayon.”
Nagpakawala si Miles ng malalim na paghinga. Hindi lang dahil sa ligtas naman si Rex kundi dahil napatunayan niya na tama siya tungkol kay Avon.
“Ah, see? See?” Excited pa niyang nilapitan si Rath at tinapik sa balikat. “I told you hindi magagawa ng kaibigan ko ang ibinibintang mo. And besides, siguradong hindi rin naman papayag si Rex na basta madukot nang gano’n-gano’n lang dahil—”
“Oo na.”
“At!” Itinaas pa niya ang hintuturo para i-emphasize ang magiging susunod na punto. “Ngayong napatunayan na nating tama ako, dapat ka nang maghanda dahil maniningil na ako.”
“For what?”
“We had a deal, remember? Ipapakulong mo ako kung sakaling na-kidnap nga ng kaibigan ko si Rex. Since your twin’s all right and Avon’s out of the question, which means… I won. At ngayon, tutulungan mo akong mapalapit kay Rex.”
“Sinabi ko `yon?”
“Oo.” Napakunot na ang noo ni Miles. “Huwag mong sabihing nag-uumpisa ka na namang mang-asar ngayon, Rath. Dahil hindi ako natutuwa.”
“Wala naman akong sinabing nang-aasar ako.”
“Kung gano’n, tuparin mo ang napagkasunduan natin.”
“Okay.”
Diskumpiyado pa rin siya. If there was one thing she could be sure about this guy was his unpredictability. Hindi niya alam kung ang sinasabi nito ay siya ring iniisip.
“You don’t trust me,” sabi nito.
“Hindi naman. I just don’t believe you.”
“Even after I gave you my candies? That’s so ungrateful of you, Miles.”
Tinalikuran na siya ni Rath. Naiwan naman siyang napatanga na lang habang sinusundan ito ng tingin.
“Rath, ano ba ang gagawin ko sa iyong lalaki ka?”
Habang hinihintay nila ang pagdating ng kanilang sundo ay napansin ni Miles na hindi na lumalapit pa sa kanya ang binata at hindi na rin ito gaanong nakikipag-usap sa kanya. Si Mang Kadyo at ang labing-isang taong gulang na apo nitong si Lito ang parang naging instant buddies nito. Kakuwentuhan ni Rath at kasa-kasama sa mga gawaing-bahay ang maglolo habang siya ay nakontento na lang sa paghahanap ng tiyempo na makausap uli ito. Gusto pa kasi niyang linawin nila ang kasunduan para maayos ang lahat. Pero talagang mailap si Rath.
Two hours later, dumating na ang sundo nila. Isang helicopter na lumapag sa isang bahagi ng malawak na palayan na iyon kung saan tapos nang anihin ang mga tanim na mani. Nakita niyang naunang bumaba ang tatlong unipormadong sundalo at sumunod si Rex.
At isa pang babae. Napakunot ang kanyang noo.
“Bakit may kasamang babae si Rex?”
“I’ll ask,” sabi ni Rath.
Naiwan si Miles na pinanood na lang ito nang lapitan ang mga bagong dating. Sandaling nag-usap ang mga ito at pagkatapos ay nilapitan na siya ni Rex. Kakaibang tuwa ang naramdaman niya nang makita itong papalapit pero agad ding napawi iyon dahil sa malungkot na ekspresyon sa mukha nito.
“Miles,” bati ni Rex. Even his smile didn’t reach his eyes. “Ikaw pala ang kasama ni Rath.”
“Kami kasi ng kaibigan ko ang narinig niyang nagbabalak sa pag-kidnap sa `yo. Of course hindi iyon totoo. Biru-biruan lang naman namin iyon ni Avon.”
“Knowing my brother, he tends to exaggerate things most of the time.”
“Huwag ka namang magsalita nang ganyan, Rex. Nag-alala nang husto sa `yo si Rath.”
“Well, I wish he didn’t have to. Masaya naman na ako.” Nilingon nito ang kinaroroonan ng kakambal nito at ng babae. “Masaya naman na kami.”
“Ha?”
“Nothing.” Napabuntong-hininga na lang si Rex nang muling bumaling sa kanya. “Sino ba ang may-ari ng bahay na ito? Puwede kaya akong makigamit ng CR sa kanila?”
“Ahm…” Ipinakilala ni Miles si Rex sa mag-asawang nakamasid lang sa kanila kanina pa. “Kakambal ho siya ni Rath.”
“Kaya pala magkamukhang-magkamukha sila.”
“Eh, makikigamit daw ho siya ng banyo.”
“Medyo malayo sa bahay ang banyo namin dito, hijo,” paalala ni Aling Inday.
“Okay lang ho iyon. Nasaan ho ba?”
“Doon sa may likod-bahay.”
Nang makaalis si Rex ay muling tinanaw ni Miles ang kinaroroonan nina Rath at ng babae. Bakit ang tagal mag-usap ng dalawa? Hindi niya type ang babaeng iyon kahit sa malayuan.
“Huwag kang mag-alala, hija,” nakangiting wika ni Mang Kadyo na tumatanaw-tanaw rin sa direksiyong tinitingnan niya. “Mukha namang hindi si Rath ang gusto ng dalagang iyon kundi itong binatang kaaalis lang.”
Nilingon niya ang mag-asawa. Pero imbes na magpaliwanag sa sinabi ay nakangiti na lang siyang iniwan doon para siguro asikasuhin ang nilulutong pagkain. Muli, naiwan na naman siyang hindi alam kung ano ang iisipin.
Ang mga tao talaga. Bakit ba napakahilig gumamit ng mga matalinghagang salita? Napakasimple lang naman ng buhay, ayaw pang deretsuhin. Ngayon tuloy ay nalilito siya at naiirita sa sarili dahil hindi rin niya kayang ipaliwanag ang mga nangyayari.
Kung bakit naiinis siyang makitang hanggang ngayon ay nag-uusap pa rin si Rath at ang babaeng iyon.