lookupnovel logo lookupnovel
The Governor's Wife

Chapter 7

Ch. 8 / 37 Nov 28, 2025

ISANG puting damit na Dolce and Gabbana ang isusuot ni Pepper sa kasal. Simple lang ang tabas niyon, stretched-silk midi dress na lampas-tuhod. C hristian L ouboutin naman ang kulay kremang wedding shoes na napili niya. Binili nila ni Jaidon ang mga iyon kasama na ang kanilang platinum wedding bands nang lumuwas sila sa Maynila. Nakaplano na ang lakad nila sa araw na iyon, mga contact ni Jaidon ang high-end boutique at jewelry store na pinuntahan nila. Na-pick up na rin nila ang dark gray na barong Tagalog na susuotin nito sa kasal galing sa isang sikat na fashion designer sa bansa.

“You didn’t have to hurry, you know?” sabi sa kanya ni Jaidon nang nasa kotse na sila at papunta sa restaurant kung saan sila manananghalian.

“Hindi naman ako nagmamadali, nagandahan ako sa unang nakita kong dress at kasya naman sa akin. Sa singsing naman, hindi ako mahilig sa alahas so wala ako idea kung ano ang maganda talaga kaya ikaw na lang pinapili ko,” dahilan niya naman.

Sinulyapan siya ng lalaki saka nakangiti itong ibinalik ang tingin sa harap ng kotseng minamaneho. “Akala ko nahihiya ka lang sa akin.”

“Walanghiya kaya ako!” Natawa tuloy si Pepper. “Pero ang totoo, medyo nahihiya rin ako sa iyo, Jaidon. Nakakamatay ang presyo ng mga pinamili natin. Que grabedad! Hindi mo naman kailangang gumastos nang ganoon sa simpleng civil wedding lang.”

“Don’t worry, personal kong pera ang ipinambili ko, hindi galing sa kaban ng bayan,” biro naman nito.

“Loko. Alam ko naman `yon!”

Gustong-gusto niyang nagbibiro si Jaidon kahit dry ang sense of humor nito, mas nakakapag-relax siya kasama nito at napapanatag ang loob niya. Nababawasan ang nararamdaman niyang kaba sa papasukin niyang isang malaking pagbabago sa kanyang buhay.

“I just want you to wear the best, Pepper.”

She warmly smiled at him. Gusto rin niya ang mabuting pagtrato sa kanya ng gobernador. Kaya siguro malakas ang kanyang loob na ituloy ang mabilisang pagpapakasal, wala siyang maramdamang hindi maganda galing sa mapapangasawa.

“Thank you, Jaidon.”

“Pagkatapos na ng kasal natin aasikasuhin ang pag-joint accounts natin. In the meantime, I will give you one of my credit cards, bumili ka lang ng kahit anong gusto mo.”

Namilog ang mga mata ni Pepper. “Kahit ano talaga?!”

“Well, just don’t max it out, of course. Baka mapilitan akong mangurakot.”

Hinampas niya ito sa balikat.

Nakilala ni Pepper ang ilang malalapit na kamag-anak ni Jaidon na dumalo sa pinahandang salo-salo ng ama nito sa mansion ng mga Silvanus sa Quezon City. So far, okay naman ang pagtanggap ng mga ito sa kanya, may mga nagbigay pa ng mga regalo.

Naramdaman naman ni Pepper ang medyo malamig na pakikitungo sa kanya ni Senat or Emmanuel Silvanus. Pormal kung kausapin siya nito, matitipid ang mga salita, matabang; ni walang kangiti-ngiti. Pero siguro ay mas maigi na iyon kaysa pakitaan siya nito ng hindi totoo. Ayaw niya ng mga plastic na tao. Saka inaasahan na niya iyon, nagpapasalamat na lang siya at hindi ito nagpapakita ng galit o inis sa kanya. Iginalang nito kahit paano ang desisyon ni Jaidon na pakasalan siya.

Natuwa pa nga siya dahil pinasundo sila nito gamit ang helicopter sa Sinagtala. She couldn’t really blame the senator. Malaking kahihiyan sa malinis na record ng pamilya nito ang nangyaring eskandalo. Dagdag pa na ibinalita rin ang paninigaw at pagmumura niya sa mga reporter sa labas ng kanilang bahay, lalo na ang panununtok niya sa isa sa mga iyon. Sabi ni Jaidon ay inareglo daw nito si Raffy Romero para hindi magdemanda.

Nang oras na nang pagtulog ay hindi mapakali si Pepper at nahalata naman iyon ni Jaidon.

“What’s wrong?” usisa nito nang nanatili siyang nakaupo sa gilid ng kama sa loob ng lumang kuwarto nito sa mansion.

“H-hindi ako sanay na may katabi sa pagtulog.” Lalo pa kung lalaki!

Ngumisi ito saka tumabi sa kanya. “Natulog tayo noon sa beach cottage.”

“U-umidlip lang naman tayo. Iba ang ginawa natin magdamag.”

“Right.” Mahina itong tumawa. “Would you be more comfortable `pag iba ang gagawin natin ngayon?”

Hinampas niya ito sa hita. “Ayokong mag-anuhan tayo dito, Jaidon. I mean parang awkward lang. Your dad lives here. `Buti sana kung mag-asawa na tayo.”

“I know what you mean. Don’t worry, matutulog lang tayo.”

“Talaga?”

Tumango ito. “Hindi kasi soundproof itong kuwarto ko. Eskandalosa ka pa naman.”

Pinagkukurot niya ito. Tumatawang hinuli naman nito ang kanyang mga kamay at saka hinalikan ang mga iyon.

“You’re tired, Pepper. It’s been a long day, you need to rest,” mabining sabi nito sa kanya kahit nakikita niya sa mukha nito na parang gusto siyang makatalik ngayong gabi.

She was marrying a very considerate man and she appreciated that so much. Nakakaloka iyong mga naririnig niyang kwento ng ibang mga babae na dapat ay maging always ready kapag gustong makipag-sex ang mga partner ng mga ito. Ano iyon, parang ginawang obligasyon na? Hindi pupuwede ang ganoon sa kanya. Hindi siya mag-aasawa para maging alipin lang ng isang lalaki!

May isang oras na sigurong nakahiga si Pepper sa kama at hindi pa rin siya madalaw-dalaw ng antok. Gaano kaya katagal siyang mag-a-adjust sa pagtulog na may lalaking katabi? Sorry naman, sa hindi siya prepared na makasal agad, ni hindi nga siya nagkaroon ng boyfriend, ano?

Maingat siyang gumalaw para tumagilid pero nagising yata niya ang katabi dahil naramdaman niyang gumalaw din ito.

Umusod si Jaidon palapit sa kanya, halos idikit ang katawan nito sa kanyang likod. “Having trouble sleeping?” he murmured against her nape.

Mahina siyang sumagot. “O-oo. Sorry, nagising kita.”

“Will it help if I hold you?”

Ewan niya pero parang kinilig yata siya sa narinig. “Maybe? Y-you can try,” medyo nahihiya pa niyang sabi.

He moved closer and carefully wrapped his arm around her, resting his hand on her tummy. Napangiti naman si Pepper.

“Better?” he whispered.

She yawned and then she closed her eyes. Somehow, may parang mapayapang hatid ang paraan ng paghawak ni Jaidon sa kanya. She felt protected, at peace. Pakiramdam niya, kahit magkarebolusyon siguro sa labas ay wala na siyang pakialam dahil dinadapuan na siya ng antok.

“Yes, thank you.”

SHE COULD get used to this, Pepper thought when she opened her eyes in the morning. Napapangiti siyang nakatitig sa mukha ni Jaidon na tulog pa. Ganito siguro ang pakiramdam ng may guwapong lalaking katabi sa pagtulog. Imagine, magigisnan niya ang mukhang iyon kada-umaga? Nakaka-good vibes!

Hanggang sa magising ang lalaki at muntik pa siyang matawa nang bahagya itong nagulat pagkakita sa kanya. Disoriented yata.

“Good morning, Gov,” nakangiting bati rito ni Pepper.

“`Morning,” groggy nitong sagot saka nagkusot ng mga mata.

“Nagulat ka na may babae kang nagisnan sa tabi mo, `no?” kantiyaw niya.

“Yeah, it feels a little weird.” He let out a short, lazy laugh. “Magiging misis na pala kita,” biro rin nito.

Mataman niya itong tiningnan sa mga mata saka siya nagbiro rin. “May chance ka pang umurong sa kasal. Hindi ako magagalit.”

Nahimigan yata nito ang kasamang kaseryosohan ng biro niya kaya hindi ito nakapagsalita agad. “Bakit, gusto mo bang umurong ako?” kapagkuwan ay tanong nito.

Nagkibit-balikat siya. “Just saying. Ayoko namang mapasubo ka kung sakali, Jaidon.”

“My decision is final, walang makakabago n’on,” matigas naman nitong paninindigan. “Unless ikaw ang umurong.”

Umiling si Pepper. “Papanindigan ko talaga ito.”

“Good.” Ngumiti na uli ang lalaki. “How was your sleep, Pepper?”

“Nakatulog ako nang mahimbing.”

“Was it because I held you?”

“Baka inaantok na rin ako nang mga sandaling iyon,” palusot niya naman.

Nagustuhan man niya ang ginawa ni Jaidon ay ayaw niya namang obligahin itong gawin parati iyon. Sa tingin niya,m parang hindi ito malambing na klase ng lalaki, baka napilitan lang itong yakapin siya kagabi para makatulog na siya at hindi na rin ito maistorbo.

Pagkatapos ng almusal ay nag-usap ang mag-ama sa library ng mansiyon at bumaba naman sa unang palapag si Pepper at gumala doon. Natigil siya sa harap ng malaking larawan ni Alyanna Silvanus, ang namatay na esposa ng senador. Ang mga ninuno nito ang tubong Sinagtala, galing sa angkan ng mga Espanyol na nagmamay-ari ng malalawak na lupain.

The beautiful portrait was painted in oil. Litaw na litaw ang tingkad ng kulay pulang gown nito, pati ang mainit na ngiti, lalo na ang mga matang tila nag-aapoy sa puno ng buhay. Sayang nga lang at maaga itong pumanaw; namatay ito sa panganganak kay Radley.

“Ang ganda ng Mommy mo,” buong paghangang sabi niya nang lumapit sa kanya si Jaidon, hindi pa rin inaalis sa painting ang kanyang paningin. “Sa palagay mo, matutuwa kaya siya sa pagpapakasal natin kung buhay pa siya ngayon?” mayamaya ay naisipan niyang itanong.

“Why not? I don’t remember her being strict on me. Importante sa aking ina ang kahalagahan ng malayang pagpapasya. She would have honored my decision and not even questioned it.”

Bumuntong-hininga si Pepper. “Sana tulad siya ng Daddy mo. Mukhang mahihirapan yata akong pakisamahan siya, Jaidon.”

“ Don ’t mind him. Ako ang pakakasalan mo, sa akin ka lang makikisama.”

Nakaramdam siya ng lungkot. “A-ayaw ba niya sa akin?”

“Madaming tao ang ayaw ni Daddy, don’t worry about it.”

“Salamat pala sa mga sinabi mo sa press. At least hindi ako nagmukhang cheap.”

Ang kuwento ni Jaidon sa mga nag-interview dito ay tatlong buwan na silang palihim na mag-on ni Pepper. Na matagal na sila nitong magkakilala at kaibigan siya ng kapatid nito. Inianunsiyo rin nitong may plano na silang pakasal pero hindi nito sinabi ang eksaktong petsa. Gugulatin na lang daw uli nila ang media, hahayaang kusang kumalat ang balita.

“You think having sex with me on a whim that night is cheap?” parang dismayadong tanong ng gobernador.

“H-hindi naman sa ganoon. Pero alam mo naman ang ibang tao, hindi ba? Napaka-judgmental nila, kala mo naman hindi sila nakikipag-sex. Saan ba sila galing, paano sila nabuo? Parang galing lang sa pinagbiyak na kawayan kung makapagsalita, eh.”

Tumawa ito, marahan siyang pinaharap. “You’re really something, you know that?” sabi nito at gigil na pinisil ang kanyang baba. “I’m free all day. Saan mo gustong magpunta?”

“Ahm, sa mall? Maybe we can watch a movie. Saka gusto ko rin sanang dalawin ang kaibigan ko sa Makati. Matagal na kaming hindi nagkikita.”

“ Okay. Sa labas na rin tayo mag-dinner. ”

“`Tapos mag-hotel tayo,” pilya ang ngiting suhestiyon niya.

“ Hotel? ”

Inilapit niya ang bibig sa tainga nito. “ Para mag-sex. ”

Ang lakas ng tawa ni Jaidon. “Bright idea.”

KASAMA nilang nag-dinner sa labas si Linny nang gabing iyon. Nagpapasalamat naman sa loob-loob si Pepper at hindi kasama ng kanyang kaibigan ang asawa nito, may overtime daw sa trabaho. Ayaw niya talaga kay Ted at kailanman ay hindi niya ito makakasundo.

Seryoso si Linny sa harap ng mesa, sinasabayan yata ang pagkaseryoso rin ni Jaidon. Maya’t maya naman ay nagtatanong ito sa gobernador, saan daw sila titira pagkatapos ng kasal, anong balak nito kay Pepper, kailan daw sila magkakaanak…

Palihim namang iniirapan ni Pepper si Linny, paano ay nasabi na niya rito lahat ng mga usapan nila ni Jaidon tungkol sa magiging set-up nila at heto’t wala yatang tiwala sa mga sagot niya at ang mismong magiging asawa niya ang tinatanong.

“Huwag mo sanang mamasamain ang mga tanong ko, Gov, ha?” apologetic namang sabi ni Linny sa lalaki.

“Ayos lang `yon. Alam ko namang nag-aalala ka lang sa kaibigan mo,” sabi naman ni Jaidon.

Hindi sigurado si Pepper kung napipilitan lang makisama si Jaidon dahil politiko ito o sadya talagang mapagpasensiya ang lalaki. Hindi niya ito nakitaan ng anumang bakas na nakukulitan ito sa kanyang kaibigan. O baka marunong lang magtago ng totoong nararamdaman?

“Actually, sa iyo ako mas nag-aalala,” sabi pa ni Linny kay Jaidon. “Baka puro sakit lang sa ulo ang ibigay sa iyo ng baliw kong kaibigan. Baka pumangit ka bigla sa kunsumisyon, Gov!” Seryosong-seryoso pa rin ang loka!

“Linita!” angil dito ni Pepper. Pinigil niya ang sarili na iumang dito ang hawak na tinidor. Nasa isang mamahaling restaurant sila, for God’s sake!

Hindi naman siya pinansin ni Linny, tuloy pa rin ito sa pakikipag-usap sa kanyang mapapangasawa. “Ikaw na ang bahala sa kanya, Jaidon, ha? Kahit naman pasaway at lukaret ay mabait talaga `yan.”

Sa gigil ni Pepper ay sinipa niya sa binti ang kaibigan. Malakas tuloy itong napaaray.

“What’s wrong?” nag-aalalang tanong naman dito ni Jaidon.

“Sinipa ako ni Pipay sa ilalim ng mesa!” ngawa ni Linny.

Natapik ni Pepper ang sariling noo. Hinawakan naman ng lalaki ang kamay niya, natatawa.

“Ibinibilin ka lang niya sa akin, huwag ka nang mainis sa kaibigan mo,” nakangiting sabi nito sa kanya saka binalingan uli si Linny. “She’ll be fine with me, Linny. Don’t worry about her.”

Tumayo siya. “Samahan mo ako sa rest room, Linny,” yaya niya sa kaibigan at nang nakitaan niya ng protesta ang mukha nito ay pinanlakihan niya ito ng mga mata.

Isang mariing kurot sa braso ang ibinigay niya rito nang naglalakad sila palayo sa kanilang mesa.

“ Buset kang bruha ka! Kung anu-ano ang sinabi mo kay Jaidon, nakakahiya!” asik niya rito.

“Concern lang naman ako sa iyo, ano?” angal naman nito.

“Sa akin? Dinig na dinig ko kaya na kay Gov ka mas concern. Traidor!”

Huminto sila sa hallway na daan papunta sa restroom.

Doon na hindi nagpigil si Linny. “Pero, Pipay! My gosh! Hindi ko akalain na ganoon na pala kaguwapo si Jaidon sa malapitan! Tagal ko na ring hindi siya nakita nang personal, ha? Nasa stage pa siya noong last ko siyang masilayan,” kilig na kilig na sabi nito. “Ang swerte mo’t pakakasalan ka niya! Grabeee!”

“Gaga ka talaga. Kailan lang ay halos mag-rally ka nang mag-isa sa EDSA para pigilan akong magpakasal sa kanya, `tapos ngayon halos maihi ka na sa kilig?”

“Eh, kasi naman! Napaka-dreamy niya pala! `Yong eyes niya, mysterious pero parang nangungusap, saka `yong smile niya, nakakatulala pala!” Halos mag-walling na ito sa sobrang kilig. “Anyare doon? Parang lalong lumakas ang dating noong lumampas na ng thirty ang edad?! Parang `pag tinititigan mo siya nang matagal ay lalo siyang nagiging yummy sa paningin mo. Omigosh talagaaa!”

Tinapik niya ito sa braso. “Umayos ka nga! Para kang sinasapian.”

“In all fairness, bagay pala kayo ni Gov. Ang ganda n’yong tingnan together, promise. Lalo na ngayon, bihis na bihis ka. Mukha ka nang kagalang-galang, Pipay, hindi ka na mukhang batang hamog!”

“Pepper sabi!” Inirapan ni Pepper ang kaibigan. “Siyempre kailangan ko rin mag-ayos, hindi simpleng tao ang mapapangasawa ko, `no?” sabi niya na sinipat ang suot na dark gray wrap dress na above the knee ang haba at may three-fourth sleeves. “Pero nahihirapan pa rin akong maglakad gamit ang high heels!” nakasimangot niyang sabi sabay tingin sa kanyang suede platform pumps na kulay tan at may tatlong pulgada na takong.

“Pero seryoso, Pepper, ang ganda-ganda mo pala `pag nag-aayos ka nang bongga. Bagay na bagay talaga kayo ni Gov, may chemisty ba. Naku, buti na lang hindi si Radley ang nakaulayaw mo sa gabing iyon.”

“Pinaalala pa! Hinaan mo nga `yang boses mo, baka may ibang taong makarinig sa atin,” mahinang angil niya saka tumingin sa paligid. “Kita mong nakilala ng ibang customers dito si Jaidon, ano?”

Hininaan naman ni Linny ang boses. “Kasi nga, iniisip ko rin na baka kung kayo ni Radley ang nakunan ng video noon at kahit siya ang tinakot ng Papa mo ay hindi ka pa rin niya papakasalan. Hindi mapirmi sa iisang lugar iyon, eh. Saka wala talaga sa ugali niya ang pagpapatali sa ganoong edad. Buti na lang at kay Jaidon na mabait at responsable ka nauwi. Kundi, nganga ka sana ngayon.”

“Anong nganga? Kahit wala namang kasalan ay okay lang sa akin. Hindi pag-aasawa ang balak ko noong gabing iyon, ano?”

“Pero hindi ka nakatanggi kay Gov. Hindi naman kita masisi, kahit ako ay hindi tatanggi sa kanya kung dalaga lang ako ngayon.” Humagikgik ang kanyang kaibigan.

Bumuntong-hininga naman si Pepper at dahil doon ay sumeryoso si Linny. Hinawakan siya nito sa magkabilang-balikat.

“Pepper… alam kong desidido ka na talaga dito. Kilala kita, pasaway at tamad kang tao pero `pag may ginusto kang gawin ay pinapanindigan mo talaga iyon. Pero huwag mo pilitin `pag ayaw talaga, ha? Okay lang naman sumubok at manindigan, pero kung hindi ka na masaya ay mag-isip-isip ka rin.”

“Alam ko naman `yan, Linny,” aniya. “Ako pa ba? Alam mo namang may limit ang pagpilit ko sa sarili ko, ano? Alam ko ring bumitaw.”

“Hindi pa rin ako makapaniwalang mag-aasawa ka na.” Niyakap ni Linny si Pepper, mahigpit. “Magbabago na ang buhay mo, mag-iiba ka na,” parang maiiyak pang sabi nito.

“Mag-aasawa lang ako, ano ka ba? Ako pa rin naman si Pipay mo, hindi na iyon magbabago kahit kailan.” Siya ang unang kumalas sa mahigpit nilang yakapan. “Tara na ngang magbanyo. Ayokong mag-iyakan tayo rito, masira pa ang pinaghirapan kong makeup.”