“KAILAN ba namin makakausap si Mr. Wolkzbin?” tanong ng isang investor habang nasa conference room sila. Ilang beses na ring umasa ang mga ito na makita si Train Wolkzbin pero alam ni Krisz na umaasa lang ang mga ito sa wala.
Hindi kasama sa usapan nila na makikipagkita ang lalaki sa mga investor.
Pasimple siyang tumingin sa gawi ni Boggy. Hindi niya alam kung ano ang isasagot. Hiniram lang niya ang pangalan ni Train Wolkzbin. At hinding-hindi pupunta ang binata para magpakita sa mga investor.
“Miss Romero,” anang isang investor na halata ang iritasyon sa mukha. “Nag-invest kami sa kompanyang ito sa kaalamang isa si Mr. Wolkzbin sa mamahala. Pero magtatatlong buwan na, hindi pa rin namin siya nakikita.”
“Talaga bang may share siya rito? Ilang percent ba ang share niya?” tanong pa ng isa.
“No offense meant, Miss Romero, but we only invested because of Mr. Wolkzbin. If not for him, we will not waste our money in your company.” anang isa pa.
“Yes, Miss Romero,” sang-ayon ng isa pang investor. “Alam namin na kumikita ang kompanya mo, pero kapag hindi nagpakita si Mr. Wolkzbin, wala kaming choice kundi i-withdraw ang investment namin—”
Biglang bumukas ang pinto ng conference room. Then the high and mighty Train Wolkzbin strode towards the seat next to her.
“Sorry, I’m late,” sabi ni Train at umupo sa katabi niyang silya. “Nice to meet you all.”
Parang mga hantik ang mga investors na lumapit sa binata na para bang isa itong matamis na pagkain. The investors shook hands with Train, samantalang si Krisz ay nakaawang ang mga labi at nakatitig lang sa binata. Hindi siya makapaniwalang makikita ito ngayon.
Bumaling sa kanya si Train. His eyes held irritation. Bakit naman ito naiirita sa kanya? Bakit ito nandito? Maniningil na ba ang binata sa paggamit niya sa pangalan nito?
Tumibok nang mabilis ang kanyang puso.
Nginitian ni Train ang mga investor at nakipagkamay sa mga ito. “How’s business, everyone? I hope my absence didn’t affect anything.”
“Of course not, Mr. Wolkzbin,” sagot ng isang investor na kanina lang ay nagsabing iwi-withdraw ang investment. “Everything is fine.”
Mas lumapad pa ang ngiti ng binata. “Great! Meeting adjourned then.”
Nakangiti lang ang lahat ng investors habang isa-isang naglalabasan sa conference room. Halatang masaya ang mga ito na nakita si Train Wolkzbin. Sino nga naman ang hindi gugustuhing makadaupang-palad ang isang Wolkzbin, lalo na at si Train iyon?
Businessmen around the world knew who Train Wolkzbin was. He already made a name for himself. Napakarami nitong negosyo sa iba’t ibang panig ng mundo. Kilala rin ang pamilyang pinagmulan nito sa Russia.
“Boss, nandito ka pala sa Pilipinas?” anang boses ni Boggy na ikinatigil ni Krisz sa pag-iisip.
“Kaninang umaga lang ako dumating,” sagot ni Train na may ngiti sa nakakaakit nitong mga labi. “Anyway, Boggy, puwede mo bang iwan mo muna kami ni Miss Romero kahit ilang minuto lang? May pag-uusapan lang kami.”
“Yes, boss.” Umalis si Boggy na may nanunuksong ngiti sa mga labi.
I don’t like that kind of smile.
Nang sila na lang dalawa ang nasa conference room, nawala ang magiliw na ngiti sa mga labi ng binata at napalitan ng iritasyon ang mukha nito.
“Dad is in the hospital again,” anito na para bang kasalanan niya iyon. Puno ng frustation na sinuklay ni Train ng mga daliri ang buhok. “Hindi ko na alam ang gagawin ko. Siguro nga I’m just delaying the inevitable.”
“Train, hindi mamamatay ang daddy mo—”
“No, that’s not what I meant.” Nagpakawala ang binata ng malalim na buntong-hininga at inisang hakbang lang ang pagitan ng kanilang mga katawan. “Maniningil na ako.” Kinuha nito ang kamay niya at may isinuot na singsing sa kanyang daliri. “Magpakasal tayo.”
Sa sobrang gulat sa sinabi ni Train, nakanganga lang si Krisz at hindi kumukurap na nakatitig lang sa guwapo nitong mukha. Nag-sink in na sa isip niya ang sinabi ng binata pero hindi siya makapaniwala na narinig iyon mula sa bibig ni Train.
Eight years ago, siya ang naghahabol sa lalaki para pilitin itong ikasal sila. Pero hindi ito pumayag. Train eluded her proposal of marriage. Hindi naman niya ipipilit ang sarili kung walang go signal sa kanyang mga magulang at sa magulang ng binata. Pero hindi pumayag si Train at pinagsalitaan pa siya ng hindi maganda, causing her to retreat and forget her marriage proposal.
Naaalala pa ni Krisz ang masasakit na salitang sinabi nito walong taon na ang nakararaan. Hindi iyon nawala sa isip niya dahil iyon ang naging rason kung bakit umatras ang kanyang mga magulang sa kasal.
Ngayon, ang binata na ang nag-aayang magpakasal sila? Ano’ng nangyari? Ano’ng nakain nito?
“A-ano’ng sabi mo?” Sa wakas ay may lumabas ding salita sa bibig ni Krisz.
“Let’s get married,” ani Train na wala man lang emosyon ang boses. “Na-heart attack si Daddy at kasalanan ko `yon kasi gago ako at sinigawan ko siya. And for him to forgive me and for me to make peace with my conscience, kailangan kitang pakasalan. Hindi lang naman ako ang magbe-benefit sa pagpapakasal natin.
“Hindi lingid sa kaalaman ko na hinahanap na ako ng mga investors at balak nilang i-withdraw ang investment nila kapag hindi ako nagpakita. Sooner or later, malalaman nila na hindi naman talaga ako ang may-ari ng kalahati ng Romero’s chain of hospitals. Bago pa nila malaman, magpakasal na tayo. Through that, mananatili ang investors sa kompanya n’yo at mapapatawad ako ni Daddy.” Malakas itong bumuntong-hininga. “So what do you say? Will you marry me?”
Sa kabila ng gulat na nararamdaman, nakuha niyang tumawa nang mapakla. “Are you proposing marriage to me?”
“Yes.”
“No, you’re not.” Tinaasan niya ito ng kilay. “You are proposing business, Mr. Wolkzbin.” Tinanggal ni Krisz ang singsing sa kanyang daliri at inilapag iyon sa conference table. “I’m sorry, but I don’t do marriage for convenience.”
“W-what?”
Taas-noo siyang naglakad palabas ng conference room. Hmp! Take that, Train Wolkzbin! Namnamin mo ang ipinaramdam mo sa `kin noong tinanggihan mo ako! Letse!
Nang makalabas ay naglakad si Krisz patungo sa kanyang opisina. Natigilan siya nang makita si Trina na nakaupo sa visitor’s chair na nasa harap ng mesa.
“Ano’ng ginagawa mo rito?” mataray niyang tanong sa babae.
Si Trina ang namamahala sa ospital na siyang kakompetensiya ng kanilang mga ospital. Naging kaklase niya rin ito noong nag-aaral siya ng Medisina at masasabi niyang mula pa noon ay hindi na sila magkasundo ng babae.
Ngumiti nang peke si Trina. “Wala naman. Gusto lang kitang balaan. Alam kong ginagamit mo lang ang apelyidong ‘Wolkzbin’ para makalakap ka ng investors. Well, hindi ka magtatagumpay dahil lalabas din ang totoo. At gagapang kayo sa lupa,” wika nito habang matalim ang mga mata na nakatingin sa kanya.
Huminga si Krisz nang malalim. “Wala akong baho. Unlike you.”
Ngumisi ang babae na parang demonyita. Demonyita naman talaga ito. “Ows? Sige lang. Itago mo lang. Lalabas din ang kasinungalingan mo. Nakakahiya ka.”
Tumaas ang kanyang kilay habang nakaupo sa swivel chair. “Umalis ka na sa opisina ko, Trina, bago ko pa tawagin ang security guard.”
Nang-uuyam na tumaas ang sulok ng mga labi nito. “Napirata ko na noon ang mga doktor ng ospital n’yo, kaya ko uli iyong gawin.” Tumayo ang babae, saka dumukwang palapit sa kanya. “So please stop fighting. Matatalo at matatalo kita, Romero. Tandaan mo `yan.”
Akmang sasagot si Krisz nang bumukas ang pinto ng kanyang opisina at nakakunot-noong pumasok si Train.
“Mr. Wolkzbin, puwede bang umalis ka sa opisina ko? I’m talking to someone, as you can see,” mataray niyang sabi rito.
Hindi nakinig ang lalaki. Sa halip ay lumapit ito sa kanya. “Krisz, come on. Makinig ka naman sa `kin—”
“Oh, my Train.” Dahil kay Trina ay napatigil sa pagsasalita si Train at kunot-noong napabaling dito.
“What?” May iritasyon sa boses ng binata.
“Nakalimutan mo na ba ako? It’s me, Trina.” Inayos ng babae ang pagkakasilip ng cleavage sa damit nitong nagkulang yata sa tela. “I miss you.” Hinaplos nito ang pisngi ni Train. “Hindi ko alam na nandito ka pala sa bansa, dapat mag-dinner tayo mamaya. I’ll wait for you in Yanzee’s Restaurant.” Ginawaran ni Trina ng halik ang mga labi ng binata na ikinatagis ng mga bagang ni Krisz. “See yah.” Pagkatapos ay bumaling ito sa kanya. “Huwag mong kalilimutan ang sinabi ko. Nagawa ko na minsan, kayang-kaya ko iyong gawin uli.”
Nagtatagis ang mga bagang ni Krisz sa iritasyon habang nakatingin sa papalayong bulto ng babae. Ang higad na babaeng `yon!
Ang matatalim niyang mata ay bumaling kay Train. “Inaalok mo ako ng kasal pero nang halikan ka ng haliparot na `yon, hindi mo man lang pinigilan?” Mapait siyang natawa. “Marriage for convenience na, loveless marriage pa, `tapos mangangabit ka pa? Ngayon, sabihin mo sa akin na dapat kong tanggapin ang marriage proposal mo.”
“Nagulat lang ako sa ginawa ni Trina—”
“Nagulat. Yeah, right.” Umingos si Krisz. Hindi siya naniniwala. “Umalis ka na sa opisina ko. Naiirita ako sa pagmumukha mo.”
Napabuntong-hininga ang binata. “Come on, Krisz, marry me!”
Mas tumalim pa ang kanyang mga mata. “No. Magsama kayo ng haliparot na Trina na `yon. Letse!”
Bumuga si Train ng malakas na hininga, pagkatapos ay nagtatanong ang mga matang tumingin sa kanya. “Teka nga muna, ano ang ibig niyang sabihin sa sinabi niyang ‘nagawa ko noon, kayang-kaya kong gawin uli `yon ngayon?”
Kumuyom ang mga kamay ni Krisz nang maalala ang ginawa ni Trina noon na isa sa mga naging dahilan ng unti-unting pagkalugi ng kanilang kompanya.
“Pinirata nila ang mga doktor sa mga ospital namin. Ang pamilya nina Trina ang mahigpit naming kakompetensiya sa negosyo at binalaan niya ako kanina.”
“Tinatakot ka niya?” Nagdilim ang mukha ng lalaki. “Natatakot ka ba?”
Buong tapang niyang sinalubong ang mga mata nito. “Hindi,” matapang na sabi ni Krisz. “Gawin niya ang gusto niya at gagawin ko kung ano ang gusto ko. Hindi ako natatakot sa higad na `yon.” Pagkasabi niyon ay inirapan niya si Train. “At ikaw, umalis ka na sa opisina ko. Baka sa `yo ko maibunton ang galit ko. Buwisit ka!”
“Krisz, come on—”
“Train! Get out!”
Napapitlag ang binata sa malakas niyang pagsigaw. Mukhang hindi nito inaasahang sisigawan niya ito.
Ang gulat sa mukha ni Train ay kaagad na napalitan ng galit. “Fine. Huwag kang magpakasal sa `kin. Tingnan lang natin kung hindi bumagsak ang kompanya n’yo kapag nalaman nila ang totoo,” pananakot nito at nagmamartsang umalis sa kanyang opisina.
Nakahinga nang maluwag si Krisz nang mawala na ang lalaki. Train just fucking proposed! And she was hyperventilating! Wala ba siyang karapatan na palayasin ito sa opisina niya para pakalmahin ang baliw at nagwawala niyang puso?
Bakit ba kasi ang bilis ng tibok ng kanyang puso? Bakit ba siya naapektuhan sa presensiya ng binata. He was nothing! Train was just a man who happened to make her heart thump loudly and fastly. Shit naman, eh!
Dapat kadenahan ni Krisz ang kanyang puso at ibalot iyon sa yelo para hindi makaramdam ng mga estrangherong damdamin katulad ng nararamdaman niya ngayon.
Sumandal siya sa swivel chair at napatingin sa kisame. Paulit-ulit na nagre-replay sa kanyang isip ang sinabi ni Trina.
“Alam kong ginagamit mo lang ang apelyidong ‘Wolkzbin’ para makalakap ka ng investors. Well, hindi ka magtatagumpay dahil lalabas din ang katotohanan. At gagapang kayo sa lupa.”
Napakurap-kurap si Krisz matapos maalala ang maiksing pag-uusap nila ng babae. Ang ipinagtataka niya ay kung paano nito nalaman na ginagamit lang niya ang apelyidong ‘Wolkzbin’? Hindi iyon malalaman ni Trina kung walang nagsabi rito. Pero sino? May espiya ba ang bruha sa loob ng kompanya? Kung sinuman iyon ay hahanapin niya at pagbabayarin!
Galit na kinuha ni Krisz ang cell phone at tinawagan ang matalik na kaibigan. She met him in Baguio, noong hinahabol-habol pa niya si Train.
Actually, isa ito sa mga kaibigan ni Train at ang palaging kumokonsola sa kanya kapag naiinis siya sa kakaiwas ng lalaki noon.
“Hello, foxy lady,” Lath purred on the other line. “What are you wearing today?”
Mahina siyang natawa sa flirty voice nito. “Puwede ba, Lath? Tigilan mo ako. May problema ako ngayon.”
“Hay, naku.” Napabuntong-hininga ang kausap. “Problem absorber lang naman ang tingin mo sa `kin, eh.” Nagtatampo ang boses ng kaibigan. “Nagtatampo ako sa `yo, Krizzy baby.”
Umikot ang kanyang mga mata. “Lath, si Train Wolkzbin, niyayaya akong magpakasal.”
Biglang napaubo ang nasa kabilang linya. “What the fuck?”
“Narinig mo ako, Lath. Niyaya akong magpakasal ni Train.” Huminga siya nang malalim. “Lath, ano’ng gagawin ko?”
“I can’t answer that on the phone, Krizzy baby,” ani Lath. “Nandito ako ngayon sa Cebu, nakasakay ako sa Black Pearl cruise ship. Ipapasundo kita sa helicopter ko. Pumunta ka na ngayon sa helipad na nasa rooftop ng building n’yo. Then we’ll talk about Wolkzbin’s proposal when you get here.”
“Okay.” Akmang papatayin na ni Krisz ang tawag nang magsalita uli ang kaibigan.
“Oh, and by the way, it’s a date. Right?” May bahid na ngiti sa boses nito.
Naitirik niyang muli ang mga mata. “Are you flirting with me while I’m discussing my problem to you?”
Mahina itong natawa. “Is it working?”
“Lath naman, eh!”
Tumawa nang malakas ang lalaki. “Binibiro lang kita, Krizzy baby. Anyway, ingat.”
“Okay.” Ibinaba na ni Krisz ang tawag at nagmamadaling lumabas ng kanyang opisina.
Nakasalubong niya si Boggy habang naglalakad patungo sa elevator. May dala itong folder.
“Miss Krisz, I have a report for the expansion of the—”
“Puwede bang bukas na `yan?” sabi niya habang paulit-ulit na pinipindot ang buton ng elevator para bumukas iyon. “May pupuntahan lang ako sa Cebu.”
Halos lumuwa ang mga mata ng lalaki sa gulat. “Sa Cebu? Ano’ng gagawin mo sa Cebu?”
Ngumiti siya. “I have a date. Susunduin ako ngayon ng helicopter na pag-aari ng ka-date ko.”
Ano kaya ang sasabihin ni Lath kapag narinig nito ang sinabi niya? Napakalandi pa naman ng lalaking iyon. Kahit siya na best friend nito ay nilalandi. Mabuti na lang at walang epekto ang kaguwapuhan ng mokong sa kanya.
Nang bumukas ang elevator ay sumakay na si Krizzy doon at pinindot na ang buton paakyat ng rooftop.
TRAIN was pissed off as he drove his Cadillac to his penthouse. Ang babaeng iyon! Baka nakakalimutan nito ang usapan nilang dalawa. Sino ba ito para sigawan siya nang ganoon ?
Napakunot ang kanyang noo nang tumunog ang cell phone niya at makitang si Boggy ang tumatawag.
Itinigil ni Train ang sasakyan sa gilid ng kalsada at sinagot ang tawag.
“What is it, Boggy?”
“Miss Krisz has a date. In Cebu. Sinundo siya ng helicopter na pagmamay-ari raw ng ka-date niya. Hindi ko alam ang pangalan ng lalaki.”
Hindi siya sumagot at ibinaba na ang tawag.
Iyon ba ang rason kung bakit ayaw magpakasal ng dalaga sa kanya? Nakahanap na pala ito ng iba.
Nagtagis ang mga bagang ni Train at humigpit ang hawak sa manibela. “ Ty moya , Krisz. I’ll show you what happen when you say no to a Wolkzbin.”