lookupnovel logo lookupnovel
Ang Lihim sa Tore ng Sinagtala

Chapter 53

Ch. 53 / 85 Mar 03, 2022

“ANO’NG TINITINGIN-TINGIN MO DIYAN?” TANONG ni Makho sa kaibigan.

Kanina pa siya ilang na ilang sa ginagawa ni Jhustin. Mula nang maghiwalay sila pagkalabas ng opisina ng prefect of discipline, hanggang sa magkita sila kaninang uwian at umakyat sa tore ng kampana, panay ang titig sa kanya ng kaibigan.

“Nang-iinis ka ba?” tanong na naman niya. “Kasi nagtatagumpay ka.”

“`To naman,” sabi ni Jhustin, “natutuwa lang ako.”

Umupo sila pareho sa arkong nakaharap sa kanluran. Hindi pa sumasayad ang mukha ng araw sa sakahan. May humigit-kumulang tatlumpung minuto pa bago ito lumubog at tuluyang magdilim.

“Salamat kanina,” patuloy ni Jhustin, sabay lagay ng isang pakete ng Lala sa hita ng kasama.

“Uy, peyborit!” Binuksan ni Makho ang tsokolate, kumurot ng isang maliit na bloke saka iyon isinubo. Inalok niya ang kaibigan.

“Akala ko talaga masu-suspend na tayo kanina,” sabi ni Jhustin habang kumukurot ng paborito nilang tsokolate. “`Buti na lang mabait si Mrs. Balaton. Mukha lang pala s’yang nangangain ng tao, pero busilak naman pala ang puso. Sana maging teacher ko s’ya next year.”

“Natin! Sana maging teacher natin.”

“Galingan mo para mapasama ka sa star section, para magkaklase tayo.”

“Yabang!” Sinuntok ni Makho sa braso ang katabi. “Ano’ng akala mo sa `kin, pang-row four? Honor student kaya ako no’ng elementary. Kung `di lang ako tumigil sa pag-aaral, baka ako pa’ng naging valedictorian sa batch namin.”

“Oo nga pala, na-depress ka no’ng grade three.”

Natahimik si Makho. Bumuhos ang mga alaala noong siyam na taong gulang pa lang siya. Noong panahong lagi siyang pinagtatawanan ng kanyang mga kaklase dahil lampa siya at laging nadadapa kahit naglalakad lang mag-isa. Naalala niya ang taong laging tumutulong sa kanya tuwing madadapa. Ang taong bumago ng kanyang buhay. Ang siyang sanhi ng matindi niyang kalungkutan.

Sasabihin ko ba? bulong niya sa isip.

Biglang bumigat ang kanyang dibdib na parang may nagpatong ng malaking aklat doon. Kasunod niyon ang pagsalamin ng pamilyar na kalungkutan sa kanyang mga mata. Tumingin siya sa malayo para hindi iyon mapansin ng kanyang kaibigan at sinubukang ituon ang atensiyon sa lumulubog na araw. Kalahati na nito ang nakalubog sa lupa. Lumikha iyon ng kakaibang tanawin sa abot-tanaw.

Nagmistulang malaking canvas ang kalangitan dahil sa dami ng kulay na tila ipinahid doon ng di-nakikitang pintor. Ang pinakamahusay na alagad ng sining sa buong sanlibutan. May kahel, dilaw, pula sa ibaba at bughaw, lila at pilak sa itaas. Gumuhit naman ang silahis ng araw at tumusok sa maninipis na ulap na hinihipan ng hangin.

Tumingin din si Jhustin sa tinatanaw ng kanyang katabi. Gandang-ganda siya sa pagsasama-sama ng iba’t ibang kulay. Kung anong ikinabigat ng dinidibdib ni Makho ay siya namang ikinagaan ng kanyang nararamdaman. Pero hindi siya nakatagal sa pagtitig sa abot-tanaw. Muli niyang ibinalik ang tingin sa mas magandang tanawing nasa tabi niya.