TAONG 2008. SA MABABANG PAARALAN NG Mapulang Lupa. Alas-singko ng hapon.
Katatapos lang ng huling klase sa araw na iyon. Nagtakbuhan ang mga bata palabas ng kani-kanilang silid-aralan, bitbit ang maliliit nilang bag at baunan. Lumabas din ang mga gurong panay ang paalala sa mga paslit: “Huwag kayong magtakbuhan, baka kayo madapa. Walang lalabas ng gate kapag wala pang sundo. Mag-ingat sa pag-uwi.”
Para namang walang narinig ang mga bata. Tuloy pa rin sila sa takbuhan palabas ng eskuwelahan. Kahit iyong mga walang sundo ay umalis na rin. Palibhasa, malapit lang ang kani-kanilang bahay at puwedeng lakarin.
Sa damuhan malapit sa rebulto ni Jose Rizal tumakbo ang isang batang lalaki. Sukbit niya sa likod ang bag na may cartoon character sa likod, si Ben 10. Hawak naman niya sa kaliwang kamay ang pulang baunan. Tumatakbo siya papunta sa gate nang salubungin ng kanang paa niya ang isang ligaw na bato. Lumipad palayo ang baunan kasabay ng paghalik ng bata sa lupa.
Napatingin ang mga kaklase niya sa kanya, mga batang ang edad ay nasa walo o siyam na taong gulang. Ang iba ay napaturo sa nadapa, ang iba pa ay natawa nang malakas, at ang ilan ay nakuha pang mang-asar.
“Ay, nadapa! Batang lampa! Lampa! lampa!” Tawanan. “Iiyak na `yan! Iiyak na `yan!” Tawanan pa uli.
Nanatili namang nakadapa sa lupa ang bata. Pinipigilan niyang maiyak habang patuloy na inaasar ng mga kaklase sa paligid. Hindi niya mapigilan ang pangingilid ng luha sa mga mata. Hindi nagtagal at pinakawalan na niya ang kinikimkim sa dibdib. Nag-umpisa sa pagngiwi, sunod ay paghikbi, hanggang sa tuluyan siyang umiyak sa harap ni Rizal.
Lalo namang lumakas ang tawanan ng mga nang-aasar na bata. Narinig iyon ng isang lalaking gurong naglalakad sa harap ng gusali papunta sa faculty room. Nang makita niya ang pinagtatawanan ng mga bata, napasugod siya sa damuhan. Dinampot niya ang tumilapon na baunan at tinulungang makabangon ang bata. Pinagpag niya ang kumapit na lupa at damo sa tuhod nito.
“Nadapa na nga, pinagtatawanan n’yo pa?” sabi ng guro. “Ganyan ba ang itinuturo namin sa inyo, ha? Iyan ba’ng natututunan n’yo sa eskuwelahan na `to? Ang mang-bully? Isusumbong ko kayo sa adviser n’yo. Humanda kayo bukas.”
Saka lang natigil ang tawanan. “Sorry po,” sabi ng ilan sa kanila.
“Bakit sa `kin kayo nagso-sorry? Ako ba ang nadapa? Ako ba `yong pinagtawanan ninyo sa halip na tulungan?”
Bumaling ang mga bata sa kababangon lang nilang kaklase. “Sorry, Makho.”
“Hala, sige, magsiuwi na kayo,” sabi ng guro. Ikinumpas pa niya ang kamay para paalisin ang mga mapang-asar na bata. Nang makalayo ang mga ito, ibinaling niya ang atensiyon kay Makho. “Tahan na, tahan na. `Andiyan na ba `yong sundo mo?”
Umiling si Makho, humihikbi pa rin at nagpupunas ng luha.
“Tara muna sa banyo nang mapunasan ko `yang tuhod mo. Pati `yang mukha mo. Ang dungis din.”
Tumayo ang guro at inabot ang kamay ng bata. Tahimik namang sumama si Makho. Naglakad sila paalis ng damuhan, palayo sa rebulto ng pambansang bayani. Pumunta sila sa likod ng gusali kung saan naroon ang banyo para sa mga estudyante.
Binuhat ng guro si Makho at pinaupo sa ibabaw ng pahabang lababo na may dalawang gripo. Dumukot ng panyo ang lalaki at binasa ng tubig. Pagkapiga, pinunasan niya ang mukha ng bata, ang mga kamay at huli ang mga tuhod. Binanlawan niya ang panyo at muling pinunasan ang mga kamay at binti ng bata.
“Tengkyu po...” mahinang sabi ni Makho.
“Mr. Almario,” sabi ng guro.
“Tengkyu po, Mr. Almario.”
“Walang anuman.” Ibinaba niya mula sa lababo ang bata. “O, `ayan. Malinis ka na. Sige, punta ka na sa gate at baka `ando’n na `yong sundo mo.”
Inayos ni Makho ang pagkakasukbit ng bag sa likod at kinuha ang baunan sa sahig. Saka siya naglakad palabas ng banyo. Iniwasan na niyang dumaan sa damuhan. Inikot niya ang sementadong daan sa harap ng gusali papunta sa gate.
Wala pa ang kanyang nanay. Baka dumaan muna sa palengke o sa simbahan. Iilan na lang silang batang naghihintay ng sundo. Maliwanag pa naman at may ilang minuto pa bago lumubog ang araw. Umupo muna siya sa bangko sa likod ng guwardiya at pinanood ang mga natitirang tao sa loob ng eskuwelahan.
Nakita niya sa kabilang dulo ng gusali si Mr. Almario. Kasama nito ang isang gurong babae at dalawang batang lalaki. Ang isa sa dalawang bata ay natutulog at karga ng ina, habang ang isa pa ay nakatayo sa tabi nito. Hinalikan ni Mr. Almario sa mga labi ang babae at sa pisngi naman ang dalawang batang lalaki. Nag-usap sila saglit at saka naglakad papunta sa direksiyon niya.
“Makho, `andito ka pa?” sabi ni Mr. Almario nang maabutan siya sa gate ng kanilang paaralan. “Wala pa ang sundo mo?”
Umiling si Makho.
“Mga anak ko, saka misis ko. Next year, baka maging teacher mo siya.”
Tiningnan ni Makho ang babaeng guro. Nakangiti ito habang karga-karga pa rin ang bunsong anak na himbing na himbing sa pagkakatulog. Sunod niyang tiningnan ang panganay na anak. Nginitian siya nito at kinawayan pa. Pero sa halip na suklian iyon ay nahihiya siyang yumuko.