lookupnovel logo lookupnovel
Ang Lihim sa Tore ng Sinagtala

Chapter 40

Ch. 40 / 85 Mar 03, 2022

HABANG ABALA SA PAGLULUTO NG PANANGHALIAN ang mama nila, umakyat sa ikalawang palapag ng bahay ang magkapatid at pumunta sa kuwarto ng mga magulang para hanapin doon ang laptop ng ama.

“Feeling ko nasa drawer,” pabulong na sabi ng kuya niya.

“Aling drawer?” tanong ni Jhustin.

“`Yong sa table, sa gilid ng kama.”

“E, nakasusi kaya `yon.”

“Hanapin mo `yong susi. `And’yan lang `yon.”

Nagsimulang maghanap si Jhustin sa loob ng silid habang nakatayo naman sa may hagdanan ang kanyang kapatid para bantayan ang kanilang ina. Inisa-isa niya ang mga lalagyan sa ibabaw ng tokador. Wala roon. Pulos hikaw, bracelet, rosaryo at mga ligaw na barya lang ang nakalagay. Sunod niyang hinalughog ang mga drawer na walang lock. Wala rin. Pulos bra, panty at mga panyo lang ang nandoon.

Sunod niyang ininspeksiyon ang kama. Inangat niya ang mga unan at tiningnan sa ilalim kung nandoon ang susi. Wala. Kinapa niya ang mga unan para alamin kung may nakatago sa loob ng punda. Wala rin. Sunod niyang kinapa ang sapin ng kama. Wala. Huli niyang inangat ang kutson at sinilip kung nasa ilalim ang hinahanap. Wala talaga.

Tumayo si Jhustin sa gilid ng kama at nilibot ng tingin ang buong silid. Isang tanong ang umikot sa kanyang isip: Kung ako si Mama, saan ko itatago ang susi ng drawer? At nakita niya ang isang bagay na wala roon.

“Kuya!” pasigaw na bulong niya sa kapatid. Agad naman itong tumingin sa direksiyon niya. “Baka nasa purse ni Mama.”

“E, di hanapin mo sa purse niya!” pabalik na sigaw nito.

“Wala dito. Nasa kusina. Ginamit n’ya kanina.”

Bumaba ang kapatid niya. Sumunod siya. Para silang mga ninja kung gumalaw, pigil na pigil ang paglikha ng kahit anong tunog. Nang malapit na sa kusina, sumenyas ang kuya niya. Inilagay nito ang hintuturo sa tapat ng nguso. Tumango si Jhustin. Saka nila sinilip ang ina.

Nagluluto pa rin ito. Amoy sa kinatatayuan nila ang pinapakuluang bayabas. Sinigang ang ulam nila mamaya. Sinipat ni Jhustin kung nasaan ang purse. Wala sa lababo. Wala rin sa kalan. Nailigpit na ang mga pinagkainan nila mesa at malinis na ngayon. Isang lugar na lang ang natitira, ang ref.

“`Ayun, `kita ko na,” sabi ni Jhustin.

“`Asa’n?” tanong ng kanyang kuya.

“Sa ibabaw ng ref.”

Biglang naglakad ang kapatid niya papasok sa kusina na parang wala lang. Sa halip na dumeretso sa ref, pumunta ito sa lagayan ng baso at saka kumuha ng isa. Saka lang napanatag ang loob ni Jhustin nang maisip ang binabalak ng kanyang kuya.

Binuksan ng kapatid niya ang ref. Napalingon ang mama nila. Hindi ito pinansin ng kanyang kuya. Bumalik ang ina sa pagluluto. Kumuha naman ng bote ng tubig ang kanyang kapatid. Nagsalin sa baso. Isinauli ang bote sa ref. Isinara. Saka nito dinampot ang purse sa ibabaw ng ref.

“Aray ku!” sigaw ng kanyang kuya nang tamaan ng sandok ang kanyang kamay.

“Kukupitan mo na naman ako?” galit na sabi ng kanilang ina.

“Inaayos ko lang. Baka mahulog.”

“Hulog ka diyan? Gusto mong ihulog ko sa `yo `tong niluluto ko?”

“Napakabarbaro mo naman, `Ma. Concerned lang ako sa purse mo.”

“Pabayaan mo `yang purse ko! `Di n’ya kailangan ang concern mo.” Mataas na ang boses ng mama nila. Ipinanduduro pa nito ang hawak na sandok. “Kung gusto niyang magpatihulog, hayaan mo siyang mahulog. Letseng bata `to, lolokohin pa `ko. Pumasok ka nga do’n sa loob at baka kung ano pa’ng magawa ko sa `yo.”