15
“H APPY birthday to you, happy birthday to you, happy birthday, dear Kiko, happy birthday to you…”
Ang lakas ng palakpak ni Maristel kahit pa nga wala pang kamalay-malay ang kanyang anak na birthday nito. First birthday ng kanilang bunso ni Mark. Hindi pumayag si Mark na walang handa, kahit pa nga wala silang budget. Iba ang budget kapag may anak. Kahit sabihing tuloy-tuloy siya sa pagkakarinderya at tuloy-tuloy naman si Mark sa pamamasukan sa isang call center at ilang ulit nang na-promote, hindi pa rin madali para sa kanila ang lahat.
Hindi rin nakatulong na wala nang income ang bahay dahil si Guada, sa halip na tumulong sa gastusin nila nang makapagtapos, namasukan lang nang ilang buwan at nabuntis naman at nag-asawa. Matino naman ang asawa nito, nagtatrabaho rin sa call center, pero sa Alabang at hindi sa Quezon City na tulad ni Mark. Pero hindi rin mayaman ang asawa ni Guada kaya sa bahay rin na iyon nakatira ang kapatid niya. Kahit paano, may trabaho ang lalaki. Ibig sabihin, hindi naging pabigat si Guada kahit pa nga hindi nakatulong.
Nasa bahay pa rin ang ina ni Maristel, pero hindi na rin masyadong nakakapagpabigat kahit paano dahil umuwi sa Tacloban si Tiyong Fides, sa probinsiya nito. May namana itong lupa roon at inaasikaso ngayon. Nasa kanyang ina ang ampon ng dalawa.
Kung ibang tao siguro, maiinggit sa pag-aaruga ng kanyang ina sa ampon nito, pero hindi si Maristel. Sa mga anak pa lang niya, nag-uumapaw na ang pagmamahal sa kanyang puso, paano pa ang kay Mark? Dalawa na ngayon ang kanilang anak at kahit eksakto lang ang kita, masaya sila. Kahit twice a month lang kung umuwi si Mark, walang problema kay Maristel, maliban sa grabe ang pagka-miss niya rito. Iyon siguro ang dahilan kung bakit nabuntis din siya kay Kiko dalawang taon matapos niyang isilang ang kanilang panganay na si Kate. Wala siyang pinagsisisihan na kahit na ano.
“Blow mo, anak, ang candle,” sabi niya sa batang karga.
Hindi pa ito marunong kaya siya na rin ang umihip sa kandila. Kaunti lang ang bisita nila, pero marami-rami rin ang handa. Nagpapalaro siya sa mga bata nang mapatingin kay Mark. Kausap ito ng kanyang ina. Mukhang masinsinan ang usapan ng dalawa kaya nagtaka siya at kinabahan din. Sana, hindi nangungutang ang kanyang ina.
Mayamaya, napansin niyang parang natahimik si Mark habang buhat ang kanilang panganay na ipinasa sa kanya nang oras na para ipaagaw sa mga bisitang bata ang pabitin.
“Ayos ka lang?” tanong niya.
“Oo naman.”
“Ano’ng sabi ni Tiyang?”
“Wala naman. Simulan na natin ang pabitin.”
Napilitan si Maristel na sumunod dahil tama si Mark. Kapag may handaan sa kanila, kahit kaunti ang handa, nauuna pa ang mga kapatid ng asawa ni Kuya Arnel sa pagtatabi. Naglinis na rin siya sa kusina pagkatapos. Alas-sais ng gabi na at nagising na rin si Kiko. Karga ang anak, nagpunta siya sa bahay ng kapatid.
“Magsisimula na ang session,” anunsiyo ni Kuya Arnel habang inaayos ang sound system sa labas ng bahay.
Pinakikiramdaman ni Maristel si Mark. Hindi tumitingin sa kanya ang asawa at parang hindi excited na makasama siya. Noon, pag-uwi pa lang nito, agad na silang nagkukulong sa kuwarto. Naisip niyang baka naman napapraning lang siya. Baka pagod si Mark sa trabaho, baka gusto ring makasama sina Kuya Arnel dahil iba ang inumang probinsiya. Alam ni Maristel na lumalabas-labas din si Mark sa Maynila. Kailangan dahil nakikisama rin ito sa mga kasamahan sa trabaho. Team leader na ito sa call center, mas mataas na ang suweldo. Kung magpapatuloy, tataas pa ang posisyon nito. Kapag nangyari iyon, malaki rin ang itataas ng sahod. Kung hindi iyon, nakatutok din ang atensiyon ni Mark sa isa pang puwesto sa kompanya na mas mataas daw ang sahod. Palagi lang nitong inaalala ang edad dahil ang mga kalaban nito sa posisyon, mas may experience.
Nagsimula na ang kasayahan at ipinasok na ni Maristel ang mga anak sa bahay. Mahina naman ang tugtog ng videoke kaya mabilis nakatulog si Kate, habang si Kiko ay inabot ng alas-nuwebe bago nakatulog uli.
Sinilip niya ang mga nag-iinuman. Mukhang busy si Mark sa tagayan kaya pumasok na uli siya sa kuwarto, pero hindi pa rin mapakali. Napatingin siya sa bag ng asawa at pinakialaman iyon. Walang kakaiba sa laman ng bag—mga damit na pampalit, charger, at iba pa. Itatabi na sana niya iyon nang maisipang i-hanger ang mga T-shirt nito. Nang iladlad niya ang isang T-shirt, nabigla siya nang makitang nakatago sa nakarolyong kamiseta ang isang cell phone.
Na-curious si Maristel at binuksan iyon. Iba ang kanyang kaba. Lalo siyang kinabahan nang makitang may pumasok na text messages doon galing sa isang “Faith.” Wala namang kakaiba sa mga text message ni Faith, maliban sa parang atat itong malaman kung nasa Tarlac na si Mark. Ibinalik na ni Maristel sa bag ang lahat, kahit iniwang bukas ang phone. Sakali man, maiisip ni Mark na naiwan nitong bukas iyon kaya pumasok ang mga message at nabuksan ang mga message dahil hindi rin naka-screenlock ang phone.
Nahiga na rin siya, pero hindi makatulog. Ilang ulit niyang tiningnan kung tapos na ang inuman at ilang ulit bumalik. Hanggang sa pumasok na rin si Mark sa kuwarto alas-dose ng hatinggabi, lasing na lasing na.
“Mark, may gusto ka bang sabihin sa akin?”
“Inaantok na ako,” sabi nito na nahiga na sa kama. Hinigit nito ang kanyang kamay at napahiga siya sa dibdib nito. “Na-miss mo ba ako?”
“Oo naman.”
“Good.” Pumikit ito at bago pa niya matanong, naghihilik na.
Napabuntong-hininga si Maristel at inayos na ang puwesto ni Mark sa kama. Tinabihan niya ang asawa, katabi sa kabila si Kate. Si Kiko ay mayroong crib. Hindi siya dalawin ng antok. Buong gabi yata niyang inisip kung sino si Faith, pero wala siyang ideya.
Kinabukasan, maaga siyang bumangon at naghanda ng mga paninda. Alas-sais, karga na niya si Kiko sa tapat ng bahay habang tumatao sa tindahan. Naka-plastic na ngayon ang lahat ng paninda niyang pagkain dahil nag-aalaga rin ng anak. Mahirap kumilos habang may kargang bata.
Alas-diyes na nang bumangon si Mark at nagmamadaling makabalik sa Maynila.
“Aalis ka agad?” nagtataka niyang tanong. Madalas na Lunes ng tanghali pa ito umaalis dahi panggabi naman sa trabaho.
“Oo. May kailangan akong palitan, eh. Nag-emergency leave iyong isa kong tao.”
Ano pa ang masasabi roon ni Maristel? Inihatid na lang niya si Mark sa labas at agad itong nakasakay ng tricycle matapos siyang halikan at ang mga anak. Panay ang kaway rito ni Kate, tulad ng nakagawian. Parang may ulap na bumaba at sinaklawan siya.
Pumasok siya sa loob ng bahay at nakita ang ina sa sala. “Tiyang, may gusto ba kayong sabihin sa akin tungkol kay Mark?”
“Wala.”
“Gusto ko pong malaman kung bakit parang nag-iba ang mood niya nang kausapin ninyo. Sabihin na ninyo sa akin. Hindi ako mapapakali hangga’t hindi ko nalalaman.”
Bumuntong-hininga ito. “Nakita ng kapitbahay ko doon sa Maynila, ilang ulit nang nag-uwi ng babae. Kinompronta ko. Sabi ko siya ba ang magsasabi o ako. Mukhang hindi sinabi sa `yo.”
Pakiramdam ni Maristel, pinagsakluban siya ng langit at lupa.
“IBA ANG buhay ng mga taga-call center, iyon ang sabi sa akin. Ang mga may asawa doon, nagiging dalaga o binata. Sila-sila raw ang nagkakaanuhan doon. Mga bagong sibol, mga kabataan. Hindi ko alam kung ano ang tama mong gawin, anak, dahil hindi ko rin alam. Dalawa ang anak ninyo at kailangan niyang magtrabaho. Pero paano naman kung magkaroon ng babae at maanakan? Hindi ko rin alam.”
Nakatulala lang si Maristel sa ina. Pamilyar din siya sa mga ganoong kuwento. Nakarinig na rin siya ng mga ganoon mula kay Guada. Ilang buwan ding nag-call center ang kapatid niya at taga-call center din ang asawa kaya maraming mga ganoong klaseng kuwento.
Pero sa lahat ng kuwento ni Guada at ng asawa, hindi kailanman naisip ni Maristel na mapapabilang si Mark sa mga ganoong klaseng lalaki. Aminado siyang isa si Mark sa mga sinasabing “bagong sibol” o iyong mga wika nga “marupok” dahil bata pa. Pero sa lahat ng pinagdaanan nila, hindi na niya maisip na magagawa nito ang ganoon. Wala sa personalidad nito. Ganoon din naman ang tingin ni Guada. Mukhang nagkamali siya.
“Baka naman po kaibigan lang,” sabi niya.
“Iyon ang sabi ni Mark. Magkaibigan lang daw sila.”
“Malamang po, totoo `yon.”
“May kriminal bang umamin ng kasalanan kung alam na mapaparusahan?”
Hindi nakaimik si Maristel. Nakakapagduda rin na dinala ni Mark sa bahay ang babaeng iyon. Ano ang puwedeng gawin ng dalawa roon?
Wala siyang maapuhap sabihin. Naguguluhan siya, nalilito.
“Mama, gutom ako,” sabi ni Kate. Agad niya itong inasikaso, halos wala sa sarili habang sinusubuan ng pagkain ang anak. Ni hindi niya makuhang umiyak. Parang walang luhang papatak. Na-shock yata ang kanyang sistema, nag-shut down. Paano nangyari ang ganoon sa kanila ni Mark? Hindi nangyayari ang ganoon sa mga tulad nila. Totoo ang kung ano ang mayroon sila. Hindi iyon isang bagay na madaling kalimutan. Sabi ni Mark, may bond sila, may special something na wala sa iba. Imposible ang lahat ng iyon. Hindi ganoong klaseng lalaki ang kanyang asawa.
“Hindi magagawa ni Mark,” bulalas niya.
“Anong hindi magagawa ni Papa, Mama?” tanong ni Kate.
“Wala, anak. O, aaah, subo na.”
Napansin ni Maristel na may nginig ang kanyang kamay. Kaya niyang harapin ang lahat ng problema, maliban na lang siguro sa ganoon. Hindi niya kaya. Pakiramdam niya, tinatarakan ang kanyang dibdib.
Lumipas ang maghapon na halos tulala lang siya hanggang sa makatanggap ng tawag mula kay Mark.
“Maristel, may sasabihin ako sa `yo.”
Hindi pa man, parang gusto na niyang himatayin. “A-ano?”
“Tumawag sa akin si Mama.”
Hindi iyon ang balitang inaasahan niya. “Ha?”
“Nakakabigla, `no? Tumawag siya sa akin. Ang sabi niya, pag-aaralin daw ako uli. No strings attached. Kailangan ko na daw magpatuloy dahil may mga anak na ako. Kailan lang niya nalaman na may mga anak na tayo. Siguro, nakonsiyensiya. Gusto daw niyang makita ang mga bata.”
Hindi pa rin magawang makapagsalita agad ni Maristel. “M-magre-resign ka na?” Iyon ang una niyang tanong dahil iyon ang pinakamalaki niyang isipin.
“Oo. Pero `wag kang mag-alala, magkakaroon naman ako ng allowance, pati ang mga bata. Naisip kong tanggapin na nang walang masyadong usapan, Maristel. Nahihirapan na akong ganito lang tayo. Lalaki ang mga bata. Hindi puwede ang ganito. Kapag nagsimula na silang mag-aral, paano na?”
Hindi na naman niya nagawang makapagsalita. Malayong-malayo iyon sa inaasahan niya at bigla ang pagbaha ng tuwa sa kanyang dibdib. Magre-resign si Mark. Ibig sabihin, mawawala sa pagitan nila si Faith na alam niyang nakilala nito sa call center. Alam ni Maristel dahil nabasa niya ang message ni Mark na nagsabing magkita raw sa office ang dalawa. See you daw sa office. Ibig sabihin, tagaopisina ang babae.
Kung ano-ano na ang pumasok sa isip ni Maristel. Naisip niyang baka hindi totoo ang lahat. Baka naman nagkataon lang na nagpunta ang Faith na iyon sa bahay kaya hindi rin nabanggit sa kanya ni Mark. Baka sinabihan ito ng kanyang ina na sabihin sa kanya, pero naisip nitong walang dahilan at baka mag-alala pa siya. Kaya siguro parang nawala ito sa mood dahil nainis sa kanyang ina na nagbigay ng kahulugan sa isang bagay na walang ibig sabihin.
“Maristel?” pukaw sa kanya ni Mark.
“Kung matatanggap niya ang mga bata, walang problema sa akin, Mark. Kinakabahan lang ako para sa mga bata.”
“It’s gonna be all right. Everything is going to be all right.”
“Bakit parang hindi ka masaya?” Nararamdaman iyon ni Maristel sa boses ni Mark at gusto na naman niyang mag-alala.
“I didn’t want it to end this way. I would’ve liked, at the very least, for her to apologize. I wasn’t expecting a dramatic apology on bended knees, but maybe a simple recognition of the mistake. But there was nothing.”
Alam niyang masakit iyon sa ego nito, pero higit sa lahat, masakit sa puso at sikmura na tanggapin ang alok mula sa isang taong itinakwil ito dahil sa pangangailangan ng kanilang lumalaking pamilya. Pero sa buhay, may mga bagay na mas importante at kabilang doon ang mga anak. Kahit siya, gagawin ang lahat, kahit siguro mamalimos sa lansangan, kung para sa kanyang mga anak.
“Hindi na siguro importante `yon. Parang ganoon din naman ang nangyari, wala lang salita. Iyong pag-aalok niya ng ganoon, malaking bagay para sa kanya. Hindi lang niya siguro nadaan sa salita, pero ganoon naman ang sinasabi ng ginawa niya, hindi ba?”
“You’re right. Iyon din naman ang naisip ko. Maybe I’m being foolish about this whole thing. I’m excited, Maristel.”
“Alam ko.” Pero kahit ganoon ang sitwasyon, hindi maalis-alis sa isip niya si Faith. Bakit hindi na lang sabihin sa kanya ni Mark na naisip ng kanyang ina na may ginagawa itong mali kahit wala naman pala? Ah, baka naisip nitong hindi big deal ang ganoong bagay at hindi kailangang pagtuunan ng pansin.
Pero bakit nakatago ang isa nitong cell phone at si Faith lang ang nagte-text doon? Maraming puwedeng dahilan. Puwedeng baka nabura na nito ang ibang message, baka pagamit iyon ng kompanya, baka ayaw nitong sabihin sa kanya dahil problema talaga ang Faith na iyon at naayos na bago pa siya magkaroon ng dahilan para mamroblema. Kung kayang pasanin ni Mark ang lahat ng problema, ginawa na siguro nito. Ganoon ito magmahal sa kanya. Ganoon katindi.
Mas pinili ni Maristel ang maniwala sa kung ano ang sinasabi ng kanyang puso. Kilala niya si Mark. Hindi ito gagawa ng kahit na anong ikasisira ng kanilang relasyon. Napakarami na nilang pinagdaanan para mawasak lang nang basta-basta.
“Lilipat ka ng bahay?” tanong niya.
“Oo. Mas malapit `yong dati kong apartment sa Ateneo. Kapag naayos ko na ang lahat, luluwas na rin kayo.”
Napangiti si Maristel. Iyon lang ang gusto niyang marinig. Sabik siyang magkasama-sama silang pamilya. “Sige. Kailan kami luluwas para makilala ng mga bata ang lola nila?”
“Mag-a-arrange ako ng schedule. Dinner siguro. You take care, Maristel.”
“Ikaw din.”
“Kiss the kids for me.”
Nakangiti siya nang tapusin ang tawag. Agad niyang nilapitan ang mga anak at sinabi na malapit nang makilala ng dalawa ang isa pang lola. Narinig iyon ng kanyang ina.
“Ano ang sabi ni Mark? Nabanggit na ba iyong nabanggit ko sa `yo?”
“Hindi po, pero magre-resign na siya. Baka po hindi naman malaking issue. Ano ba’ng malay natin kung sino ba talaga ang babaeng `yon? Isa pa, kilala ko si Mark, Tiyang. Hinding-hindi niya gagawin `yon sa aming mag-iina.”
“Magre-resign na ba talaga?”
“Opo. Pag-aaralin uli siya ng mama niya. Lilipat po kami sa Maynila kapag naayos na niya ang lahat.”
“Kung ganoon, maganda naman pala.” Iyon lang ang sinabi nito, kahit parang may iba pang gustong sabihin.
Hindi maganda ang kutob ni Maristel, pero naisip niyang walang dahilan ang mga pagdududa ng kanyang ina. Sino ang mas paniniwalaan niya, ang lalaking nagmahal sa kanya sa ganoong paraan o ang kanyang ina na hanggang ngayon, hindi niya matawag na “nanay” at “tiyang” ang kanyang tawag? Madaling sagutin ang tanong.
“Love ko Papa,” sabi ni Kate.
“Love natin si Papa,” sabi niya, nakangiti, hinaplos sa ulo ang anak at hinalikan.