lookupnovel logo lookupnovel
Mark Cardinal (Cardinal Bastards Series 7)

Chapter 5

Ch. 6 / 26 Apr 09, 2022

5

Present

M ULA sa kusina, tumingin si Maristel sa sala kung saan nandoon ang mga anak. Nang masigurong hindi nakikinig ang mga ito at abala sa paglalaro sa kanya-kanyang tablet, hinarap niya si Mark.

“Tinatakot mo ba ako?” Pigil ang kanyang galit, kahit nararamdaman niya ang panginginig ng mga kalamnan. Ano ang karapatan ni Mark na magsalita nang ganoon? Na parang siya na ang pinakamasamang ina sa buong mundo. Na parang minaltrato niya ang mga bata. Oo at hindi sosyal ang buhay ng kanyang mga anak, pero kahit kailan, hindi nagutom ang mga ito at ni hindi pumasok sa eskuwelahan nang walang baon. Sa bihirang pagkakataon na talagang gipit, siya na ang hindi kakain para masigurong hindi mararamdaman ng mga bata ang hirap sa buhay. Pero awa ng Diyos, hindi pa nangyayaring tumagal na sobrang gipit sila. Nakakaraos at nakakaraos at may biyayang dumarating.

Kahit mahirap ang buhay nila, hindi iyon ipinaparamdam ni Maristel sa mga anak. Kahit itinuturo niya kung paano ang tamang pagtitipid, ayaw niyang lumaki ang mga bata na ramdam ang hirap. Ganoon kasi siya lumaki, nagkaedad na namomroblema kung makakapag-aral o makakabili ng mga gamit sa eskuwela. Ayaw niyang maramdaman iyon ng mga anak. Sa kabila niyon, itinuturo pa rin niya sa mga ito kung paano mamuhay nang simple. Ang kanyang panganay, may baon ng pera pero tinuturuan din ni Maristel kung paano mag-budget nang hindi nito mararamdamang dahil iyon sa matindi nilang pangangailangan. Minsan lang, mahirap ang sitwasyon dahil nakikialam ang mama ni Mark sa mga bagay na hindi nito dapat pakialaman, kasama na ang pagbibigay ng mga luhong hindi naman bagay sa kanilang pamumuhay, tulad ng tablet at PlayStation, Xbox, at iba pa. Hindi niya pinapalaro ang mga bata ng ganoon at nakatabi lang.

“I’m just telling the truth. Hindi ko alam kung paano mo natitiis tumira sa kahon na ito, isinama mo pa ang mga bata. What the hell is wrong with you?” Halatang galit si Mark. “Never would have I imagined my children living like this!”

“Like this? Wala akong nakikitang masama sa pamumuhay namin ng mga bata. Ikaw lang ang may ganoong opinyon. Kahit itanong mo sa kanila, hindi sila hirap sa buhay.”

“Because it’s the only thing they know.”

“At kung ito nga ang buhay namin, ano’ng masama? Kumakain sila sa araw-araw, hindi nagkukulang sa pangangailangan.”

“You give Kate twenty pesos a day.” Parang hindi makapaniwala si Mark na nadidigusto. “That’s less than fifty cents!” Namamasa ang mga mata nito, nakakuyom ang kamay. Parang awang-awa sa anak at galit na galit sa kanya.

“Wala akong nakikitang masama sa beinte pesos na baon. May tira pa nga at bihira niyang gastusin. Iniipon niya ang pera at ipinambibili ng gusto niya.”

“Like food.”

“Mahilig ang bata sa pagkain.”

“Where do you take the food that my mother sends?”

Uminit na naman ang ulo ni Maristel. Bihirang magpadala ang mama nito ng pagkain at mga junk food pa! “Sinabi ko na sa kanya na huwag magpadala ng chocolates dahil bawal kay Kate at sumasama ang tiyan. Kaso `yang anak mo, medyo matigas ang ulo at kapag nakakaipon, bumibili ng tsokolate. Kung pakonti-konti lang, pinapayagan ko na.”

“And the rest of her money, what do you do with it?”

“Ang kapal ng mukha mo!” Naikuyom niya ang kamay. Parang pinapalabas pa nitong kahit ang ipon ni Kate, kinukuha niya.

“This needs to stop.”

Sasagot pa sana si Maristel, pero pumasok si Kiko sa kusina. Lumapit sa ama ang bata na binuhat ito kaagad at dinala sa sala, na parang gustong ilayo sa kanya. May kirot sa puso niya, pero nauna ang galit. Walang karapatan si Mark na umakto sa ganoong paraan. Iniwan din naman sila nito. Nagpadala lang ng pera at matagal na hindi nagpakita nang halos isang taon. Noon pa lang, naisip na niyang kailangan nilang mag-iina na matutong sumabay sa agos ng buhay kung wala ang ama ng mga bata. Hindi niya ipanlilimos ng pera at atensiyon ang mga ito. Handa siyang kumayod para sa mga anak. Hindi siya takot magbanat ng buto. At matagal na niyang tanggap iyon noon pa man.

“Pero bakit aalis kami dito?” tanong ni Kate sa ama. Mukhang nasabi na ni Mark sa dalawa ang plano.

“Hindi tayo aalis dito,” mariing sabi ni Maristel.

Nagpalipat-lipat ang tingin ng dalawang bata kina Maristel at Mark. Mukhang napikon si Mark, pero pilit itinago. “It will be better to find a bigger home. Mas malaking bahay, Kate, para may lugar kayo para makapaglaro.”

“Nakakapaglaro naman po kami sa labas,” sabi ni Kiko.

Salamat at simple lang ang buhay na namulatan ng mga bata at may mga kaibigan na rin doon kahit paano kaya hindi agad nadadala sa mga suhol. Suhol lang naman talaga ang gusto ni Mark para manalo sa isang larong ayaw salihan ni Maristel. Kunwari pang concern, pero anumang oras, handa naman silang iwan. Nagawa na nga nito nang ilang taon, bakit biglang magbabago ngayon?

“Saka marami kaming kaibigan dito, Papa,” sabi ni Kate. “Ayaw ko pong lumipat.”

“Puwede pa naman ninyong dalawin ang mga kaibigan ninyo dito. Gusto ko lang na mas malaki ang bahay para mas komportable kayo.”

“Komportable naman po kami dito, Papa.”

Tumingin kay Maristel si Mark, madilim ang mukha. “Can you explain to them what a bigger house would mean? Hindi ganito kainit, hindi ganitong masikip. Makakakilos sila nang maluwag at may fire escape. Iisa ang pintuan nitong bahay. Hindi ako komportable na dito kayo nakatira.”

“Walang problema sa bahay na ito, Mark,” giit ni Maristel. “Kung problema ang pintuan, puwede namang palagyan. Kakausapin ko ang may-ari ng bahay.”

“Can we talk?”

Sa tingin ni Maristel, mas magandang mag-usap sila na hindi naririnig ng mga bata at mukhang handang magsalita si Mark kaya tumuloy na uli siya sa kusina.

“I cannot allow this kind of lifestyle for my children,” sabi agad ng lalaki.

“Walang masama.”

“Why would you insist they live here when they can have everything they want?”

“Siguro dahil mas importante sa akin na magkaroon ng structure ang mga bata at hindi lumaki sa mundo na puro luho at walang kasiguruhan na hindi sila mapapaalis na lang basta.” Dineretsa na ito ni Maristel. Anong malay niya kung isang araw, may darating na kung sino sa kung saang bahay ni Mark at papaalisin sila? Hindi iyon imposibleng mangyari.

“Who will ask them to leave?”

“Kung walang kasunduan, kahit anong oras puwedeng paalisin ang nakatira. At kahit may kasunduan pa, kung heto ngang tinatakot mo ako sa kaya mong gawin, bakit ako magtitiwala sa `yo?”

Naihilamos nito ang mga kamay sa mukha, parang exasperated na. “I can’t believe it’s this hard to talk to you now.”

“Madali akong kausap, kahit noon pa. Wala akong nakikitang masama sa sitwasyon namin kaya `wag mo sanang palabasin na malaki ang pagkukulang ko.”

“You have the nerve to act high and mighty, so dignified.” Sarkastiko ang tono ni Mark.

“Dahil may dignidad ako,” sagot ni Maristel.

“This is what you call dignity?”

“Ang palakihin nang maayos ang mga bata kahit walang luho? Oo. Dignidad ang tawag diyan. Dignidad din ba ang tawag mo sa pagbibigay ng pera sa mga bata, pero pagtalikod sa kanila? Halos isang taon kang hindi nagpakita noon, hindi ba? Ni hindi ka nagpaalam sa mga bata. Nagpadala ka lang ng sobreng may pera, na parang charity case ang mga anak mo at dahil naiabot mo na ang pera, wala ka nang obligasyon. Pagkatapos, pupunta ka dito ngayon at magsasalita nang hindi maganda sa akin? Saan ka kumukuha ng lakas ng loob?”

“It was a mistake that I’ve tried and still trying to make up for. Kailan ba ako hindi tumustos sa pangangailangan ng mga bata? Tuwing uuwi ako, ipinapasundo ko sila para magkasama-sama kami. I work abroad, and if I can only take them, I would have. Pero alam kong hindi ka papayag at hindi ko rin sila mailalabas ng bansa nang walang consent mo.”

“Ang kapal ng mukha mo para maisip na kunin sila.”

“I never did it, but it crossed my mind because I wanted to be with them.”

And not you, pagtutuloy ng isip ni Maristel. Galit na galit siya kay Mark, pero huminahon siya nang maalala na nasa kanya ang alas. Wala pa sa tamang edad si Kiko para mailayo sa ina. Hindi rin magandang magkalayo ang magkapatid. Kung kinakailangang lumapit siya sa media, gagawin niya.

“Just please…” Bumuntong-hininga si Mark. “Please consider. The kids will be living in a better house. Just think of how Kate needs a more comfortable environment. Maluwag na bahay, maaliwalas, presko, walang fire hazard. Ipapangalan ko sa mga bata ang bahay, kung iyon ang inaalala mo. Walang makakapagpaalis sa inyo. Bakit mo tatanggihan ang isang bagay na hindi para sa `yo, kundi para sa mga bata? What right do you have to deny your children a better home if it will be given without considerations? You have absolutely no right.”

Alam na alam ni Mark kung ano ang sasabihin. Tama ang lalaki. Bakit niya tatanggihan ang isang bagay na hindi naman sa kanya ibinibigay? Wala siyang karapatang ipagkait iyon sa mga anak. Siguradong mas maalwan ang bahay na iyon sa bahay nila ngayon. Hindi na kailangang itapon agad ang mga bagay na magpapasikip sa bahay o mag-a-accumulate ng alikabok dahil bawal kay Kate. Hindi na rin mapipilitan si Kate na magkulong sa kuwartong may aircon kapag summer at gusto nitong makalabas kahit paano. Hindi na rin makikihati sa lamig si Kiko na umaasa sa exhaust fan sa pader sa pagitan ng kuwarto nito at ni Kate para malamigan din nang kaunti ang kuwarto.

Hindi na hinintay ni Mark ang pagpayag ni Maristel at sinabi, “You can look at the house tomorrow.”

“Meron na agad? Iba talaga ang nagagawa ng pera.” Hindi maiwasan ni Maristel ang maging sarkastiko. Sa pamilya ni Mark, importanteng-importante ang pera. Doon umiikot ang mundo ng mga ito. Hindi na nakapagtataka na hindi madalas na nadadalaw ng ina ni Mark ang mga bata dahil nararamdaman ni Maristel na hindi buo ang pagtanggap ng matandang babae. Hindi siya tinanggap noon, hindi tinanggap ngayon ang mga bata. Wala siyang magagawa na bahagi ang matandang babae ng buhay ng kanyang mga anak, pero ang ituro sa mga bata ang pananaw nito sa buhay, hindi niya iyon mapapayagan.

“You should know,” sabi ni Mark.

“Nagtitimpi lang ako sa `yo. Hindi ko gusto ang salita mo. Wala kang karapatan.”

Bumuntong-hininga si Mark. “Can we just skip all these verbal attacks then?”

“Hindi ako ang nagsimula.”

Pareho silang natahimik. Mukhang walang balak si Mark na mag-sorry. Mana sa ina, walang pakialam kahit nakasakit ng damdamin. Kung bakit sa puntong iyon, biglang gustong mapaiyak ni Maristel. Siguro dahil alam niyang hindi rin totoo ang kanyang naiisip. Sa mga nangyari noon sa kanila, hindi niya masabing mataas ang pride ni Mark. Humalik ito, lumuhod sa putik, para sa kanya. Lahat ng sakripisyong hindi niya inakalang gagawin ng kahit na sino para sa kanya, ginawa nito. Kaya ang sakit-sakit sa loob na iba na si Mark. Nagawa nito ang lahat ng iyon noon dahil sa pagmamahal sa kanya. Pero at ngayon, mukhang galit na lang ang natira.

“I wasn’t expecting to come home to this, that’s all,” mahinang sabi nito mayamaya.

Gusto niyang itanong kung ano ba ang inasahan nito sa kanilang dalawa mula simula. Kung may inasahan ba ito, kung napagod ba nang husto. Parang gusto niyang mag-sorry, sabihin na kung napagod ito, hindi niya sinadya. Magulo ang kanyang buhay, nadamay si Mark sa simpleng katotohanan na minahal siya nito. Nagsawa ang lalaki, nakaramdam siguro ng galit, natukso saglit. Kung tatanungin si Maristel kung may galit siya na umalis si Mark at hindi inalala ang mga anak, alam niyang magsisinungaling siya. Nagkulang lang siguro nang kaunti. Galit ba siya? Masama ang loob siguro. Hindi niya alam. Magulo ang kanyang damdamin sa ngayon.

“I will pick you up tomorrow to see it.”

Tumango lang si Maristel. Hindi na siya makatingin kay Mark. Gusto niyang maalala ang noon at hindi tumatak sa kanyang isip ang ngayon. Masyadong masakit. Hanggang ngayon, masakit pa rin pala. Baka nabigla lang siya ngayon. Sana nga. Kunsabagay, aalis naman agad si Mark, hindi ba? Aalis, mamumuhay sa Amerika, at uuwi-uwi para sa kaunting panahon para sa mga bata. Iba na ang buhay nito. Sa buhay na iyon, hindi na siya ang kabiyak. Hindi na siya ang bida. Extra na lang siya, supporting role, pero ayos lang kahit hindi na siya makita sa camera.

MABILIS na nagbago ang isip nina Kate at Kiko nang makita ang bagong bahay. Walang ideya si Maristel kung sino ang agad na nagbenta niyon, pero suwerte na maayos agad ang bahay, may space para sa mga bata. May playground ang likod-bahay na mas maganda pa kaysa sa mga playground sa isang plaza na madalas nilang puntahan. Paborito ring magpunta nina Kate at Kiko sa Quezon Memorial Circle. Pero ngayon, hindi na nila kailangang dumayo pa roon.

May kurot sa dibdib na naramdaman si Maristel dahil sa biglang pagdagsa ng mga alaala. Ganoon ang pangarap nilang bahay noon, iyong may playground para sa mga anak nila. Naalala kaya ni Mark o nagkataon lang na nabili na nito ang bahay na may playground? Malamang. Kahit naman gaano kayaman, hindi agad-agad na made-deliver ang ganoong order ng mga laruan sa loob lang ng isang araw.

“Ang gandaaaa!” halos pasigaw na sabi ni Kiko habang tumatakbo papunta sa see-saw. Paborito nito iyon. “Ate, laro tayo, bilis na.”

Pinagbigyan naman ni Kate ang kapatid, kahit pa nga tumingin muna kay Maristel na parang nagpapaalam. Sensitive si Kate. Kahit hindi magsalita si Maristel, parang nararamdaman ng kanyang panganay na hindi siya masayang-masaya para sa pagbabagong iyon. Kanina, nagtanong si Kate kung okay lang daw ba sa kanya na lumipat sila ng bahay. Ang sabi niya, basta gusto ng mga ito sa bahay, walang problema sa kanya.

“They seem to like the place,” nakangiting sabi ni Mark.

Tumango lang si Maristel. Mahirap iyong itanggi. Hindi rin naman siya magsisinungaling para sabihin na kahit madalas niyang maipasyal ang mga bata, bihira iyong mangyari. Eight years old na si Kate, pero dalawang beses pa lang silang nakapag-out of town at parehong hindi malayo. Ang isa ay nang magyaya ang kuya niya na sa La Union at nagbakasyon sila sa probinsiya nang apat na araw. Hindi kinaya ng kanyang anak ang init ng bahay roon. Ang pangalawa ay nang magyaya ang co-teacher niya sa Subic. Kung siya lang mag-isa, mahirap na dalawang bata ang karay niya sa bus, bukod pa sa palaging budgeted ang pera.

“Would you like to see more of what’s inside?”

Tumango siya. Pumasok uli sila sa bahay. Malaki talaga iyon, tulad ng sabi ni Mark. Parang kakasya kahit na ilang pamilya. Lima ang kuwarto. May banyo lahat ng kuwarto, bukod pa sa dalawang banyo sa first at second floor. Ang kusina, mas malaki pa sa inuupahan nilang bahay. May isang maid’s quarter na malaki at kasya ang apat na kama kahit dalawa lang ang kama roon. May laundry area na kompleto sa gamit. May library na home office din. Bukod doon, may garahe rin na kasya ang tatlong malalaking sasakyan.

“Hindi ko alam kung bakit ganito kalaki ang bahay na napili mo,” hindi maiwasang sabihin ni Maristel.

“It’s for the kids.”

“Masyadong malaki.”

“It doesn’t matter. Magagamit nila ito hanggang sa lumaki sila. If they want to live here with their families, that is also fine. Malaki ang space sa gilid at puwedeng palagyan ng extension.

Mukhang long-term ang plano ni Mark para sa mga bata na kahit ang magiging pamilya ng mga ito, naiisip agad kung saan ititira. Maganda na wala nang kailangang isipin ang mga bata pagdating ng panahon. Siyempre, masaya siya para doon. Sinong ina ang hindi magiging masaya na hindi na kailangan pang maghirap ng mga anak para magkaroon ng disenteng tahanan? Na hindi na mag-aalala ang mga ito kung saan tutuloy, o kung paano ang mga magiging anak, sakali man.

“I will show you to your room.”

Tumaas sila sa hagdan. Ang dulong silid ang binuksan nito. “This will be your room.”

“Ang kay Kate, itong sa tapat?” tanong ni Maristel, nakaturo sa katapat ng pinto ng magiging kuwarto niya.

“No. That will be my room,” sagot ni Mark.

Bigla siyang napatingin dito. “Your room?”

“Yes. Will it be a problem?”

“Bakit ka titira kasama kami?”

“Bakit hindi? Gusto kong makasama ang mga anak ko.”

“Pero magkaiba na ang buhay natin.”

“Does it matter?”

“Siyempre.”

“Malaki ang bahay at kung puwede naman akong tumuloy dito, bakit pa ako magrerenta tuwing nandito ako?”

“Kailan ba ang balik mo sa Amerika?”

“Next week.”

Napatango si Maristel. Wala naman palang problema. Isa pa, duda siya kung papayagan si Mark ng girlfriend o kinakasama o kung sino mang babae sa buhay nito na tumira kasama siya. Hindi niya alam kung sino ang girlfriend nito ngayon, pero siguradong hindi pa nag-aasawa ang lalaki dahil bukod sa walang suot na singsing, wala ring ipinapakilala sa mga bata. Hindi si Mark ang tipo ng lalaking itatago sa iba ang anak. Madalas na isa o dalawang linggo lang ito sa Pilipinas kaya kung ganoon lang ang itatagal nito sa bansa, hindi na siguro tamang sabihin niyang magrenta pa ito ng bahay.

“Bakit hindi ka sa inyo tumuloy kapag nandito ka?” tanong niya.

“Because then I would have to ask the kids to stay with me there. Puwede rin naman, kung iyon ang gusto mo.”

“No, hindi. Okay lang,” biglang sabi ni Maristel. Sa mga pagkakataon na isinasama ni Mark ang mga bata sa bahay ng ina, palagi niyang pinapasama si Jing. Hindi man siya ang personal na nakakakita kung ano ang ginagawa ng matandang babae, hindi man siya ang nakakarinig ng mga sinasabi, at least malalaman niya agad kung ano man iyon at maitatama, kung sakaling sablay.

Dahil noon pa, hindi na niya gusto ang pananaw sa buhay ng mama ni Mark. Masyadong controlling. Ayaw niyang maging tau-tauhan ang kanyang mga anak. Kung nangangahulugan na doon matutulog si Mark sa loob ng ilang linggo nito sa bansa, puwes, walang problema. Kaysa dalhin nito sa lola ang mga bata. Talagang mainit ang dugo ni Maristel sa matanda. Kung totoong namamana ang ugali, kung puwede lang sigurong salain ang dugo ng kanyang mga anak para maalis ang dugo ng matandang iyon, ginawa na niya. Sana walang mamana ang mga bata sa lola, kahit pa nga may mga namana sa ama. Totoo pala iyon, na kahit hindi nakakasama ang kadugo, may namamanang traits. Tulad na lang ng mga mannerism at ibang ugali. Si Kate, parang mana sa kanya pagdating sa ugali at medyo kuripot din. Si Kiko naman, mana sa ama at kamukhang-kamukha pa.

“Can you move in here tomorrow?”

“Hindi ko alam kung kaya naming mag-empake sa loob lang ng isang araw, bukod sa may klase din ako bukas. Sumaglit lang nga ako ngayon dito, pero babalik din ako sa school.”

“Why don’t you start your own business like you planned before?”

Muntik nang matawa si Maristel. Siya, magsisimula ng negosyong patahian? Iisa ang makina niya. High speed nga, pero luma at ilan lang ang stitch. Talagang pansimple lang ang kaya niyong gawin—repair-repair, punda, kubrekama. “Masyado na akong busy para mangarap nang gising,” sabi niya, nilakipan iyon ng kaunting tawa.

“I can help you out.”

Umiling siya at tumingin sa relo. “Kailangan ko nang bumalik sa school.”

Ilang saglit bago nagsalita uli si Mark. “I’ll take you back.”

Puwede bang back in the day? Noong unang panahon na mahal na mahal mo ako at mahal na mahal kita?

Napalunok siya, umaasang malunok din ang damdamin para kay Mark...