lookupnovel logo lookupnovel
Ang Lihim sa Tore ng Sinagtala

Chapter 21

Ch. 21 / 85 Mar 03, 2022

NOONG UWIAN, INASAHAN NA NI JHUSTIN NA makikita si Makho na nag-aabang sa kanya sa labas ng classroom. Pagkalabas, nandoon nga ang bago niyang kaibigan. Nakatanaw sa ibaba at pinapanood ang mga taong naglalakad sa loob ng campus.

Nagdahan-dahan siyang lumakad papunta sa likod ni Makho. Gugulatin na niya ito nang biglang umepal ang kanyang kaklase.

“Excuse me nga!” Si Lara. “Bagal-bagal lumakad.”

Napalingon sa direksiyon nila si Makho. Tiningnan naman nang masama ni Jhustin ang kanyang seatmate. Two strikes ka na, sa loob-loob niya. Isa pa at `di ko na `yon papalampasin. Bago pa siya tuluyang mainis, nilingon na niya si Makho.

“Kanina ka pa?”

“Ngayon-ngayon lang,” sagot ni Makho. “Gusto mo?” May isang pakete ng tsokolate sa kamay nito.

“Uy, Lala, peyborit.” Kinuha niya ang tsokolate.

“Paborito mo din `to?”

“Oo, sarap kasi. Mura pa. Hati tayo.”

“`Wag na. Kumain na `ko. Binili ko talaga `yan para sa `yo.”

“Okay. More for me.”

Sabay uli silang naglakad palabas ng eskuwelahan, sa bangketa at sa tawiran patungo sa gate ng simbahan. Wala roon ang nagtitinda ng iskrambol. Maaga na naman sigurong nakaubos ng paninda.

“Uwi ka na ba?” tanong ni Makho.

“Ayoko pa. Ikaw?”

“Ayoko pa din.”

Sabay silang napangiti. Pareho ang nasa isip. Sa sandaling iyon, naalala ni Jhustin ang paborito niyang palabas sa TV noong musmos pa lang, Bananas in Pyjamas. Pinagbibidahan ito ng dalawang kambal na saging.

“Naiisip mo ba ang naiisip ko, B1?”

“Sa palagay ko nga, B2!”

Sila ngayon sina B1 at B2. Kung sino man ang B1 o ang B2 sa kanilang dalawa, hindi na niya pinag-isipan pa nang maigi.

“Naiisip mo ba ang naiisip ko, Jhustin?” biglang sabi ni Makho.

“Sa palagay ko nga, Makho!”

Natawa sila pareho. Inakbayan ni Makho si Jhustin habang naglalakad papasok sa simbahan. Pagkapasok sa loob, muli silang umupo sa pinuwestuhan kahapon. Pinanood nila ang mga parokyano, pati ang mga nagtutulos ng kandila sa Poong Nazareno. Sinubukan nilang pakinggan ang mga dasal dito. Sinubukan din nilang sagutin ang mga iyon sa kanilang isip.

Sina B1 at B2.

Kumalembang ang kampana. Dong. Dong. Isa, dalawa, lima, sampung beses. Sampung minuto bago magsimula ang panghuling misa para sa araw na iyon. Sampung minuto ng katahimikan. Sampung minuto bago nila masolo ang mundo.