lookupnovel logo lookupnovel
Ang Lihim sa Tore ng Sinagtala

Chapter 27

Ch. 27 / 85 Mar 03, 2022

“BA’T ANG TAHIMIK MO KANINA?” TANONG N I Jhustin kay Makho nang makaakyat sila sa tore ng kampana.

“Wala,” sagot nito. “Naalala ko lang `yong recitation. English kasi next subject ko after lunch.”

“Ano nga pala’ng nangyari do’n?”

“Okay naman. Medyo sablay nga lang. Naubo ako sa kalagitnaan n’ong tula. Napadami yata `yong kinain kong Lala. May nakalimutan tuloy akong linya. Pero tingin ko, pasado naman.”

“Pasado `yan, mabait naman si Ma’am. Saka basta tumayo ka at nagsalita sa harap, kahit pa may mali o `di maganda ang accent mo, pasado ka na.”

“Sana nga.” Ibinaba ni Makho ang bag at isinandal sa pader. “Thank you nga pala sa help.”

“`Wag ako. Kay Lala ka magpasalamat.”

Napangiti si Makho.

Umupo sila sa paboritong puwesto sa tore ng kampana. Doon sa arkong nakaharap sa kanluran. Sa papalubog na araw. Maaliwalas ang panahon noong hapong iyon. Kita sa malayo ang mga bukid na nasasakop ng ibang bayan. Kita rin ang mangilan-ngilang puno ng mangga at niyog na lumilinya sa gilid ng sakahan.

Naniningkit ang mga mata nila tuwing mahihipan ng hangin. Pero hindi nila inaalis ang paningin sa magandang tanawin. Ninanamnam nila ang buong paligid mula sa sariling mundong kinalalagyan.

“Pa’no mo nga pala natuklasan `tong lugar na `to?” basag ni Jhustin sa katahimikan.

“Secret,” sabi ni Makho.

“Pabebe.”

Nakalubog na ang kalahati ng araw. Lalo pang kumalat ang kulay-kahel sa buong paligid. Sa kalangitan. Sa bukid na bagong ani. Sa mukha nina Jhustin at Makho.

“Sakristan ka ba dati?” tanong ni Jhustin.

“Hindi.”

“Choir?”

“Lalong hindi.”

“Mother Butler `yong nanay mo?”

Tumawa si Makho. “Hindi pa gano’n katanda si Nanay para sumali sa ganyan. Busy pa s’ya sa trabaho. Siguro `pag nag-retire s’ya in ten years, sasali na s’ya d’yan.”

“Eh, pa’no mo nga nalaman `yong lugar na `to?” May bahagyang pagkainis na sa boses ni Jhustin.

“Bakit ba interesado kang malaman?”

“Curious lang.”

“Curiosity killed the cat.”

“Hindi ako cat.”

“Ngiyawwww.”

Nainis si Jhustin, pero natawa rin. Kung bakit, hindi siya sigurado. Dahil corny? Dahil walang kakuwenta-kuwenta ang sinabi ni Makho? Dahil nakakatawa ang pagngiyaw nito? Ewan. Tinigilan na niya ang pangungulit sa kaibigan.

“Tara,” yaya ni Makho. “May ipapakita ako sa `yo.”

“Ano?” tanong ni Jhustin. Pero hindi na siya nakakuha ng sagot. Pagkatayo, kinuha ng kaibigan ang bag nito saka bumaba sa paikot na hagdan. Sumunod naman siya agad sa kasama.

Nagsisimula nang magsigising ang mga paniki sa kisame at sa madidilim na sulok ng tore. Dinedma lang ang mga ito ng dalawa. Nagpatuloy sila sa paglalakad pababa. Nang makarating sa pinto, huminto si Makho.

“Tara dito,” sabi niya.

Bumaba si Jhustin at tumabi sa kaibigan. “Anong meron?”

Tumalungko si Makho, nakatapat ang mukha niya sa zipper ng pantalon ni Jhustin. Tumingala siya at sinenyasan itong bumaba rin.

Pareho na silang nakatalungko sa tapat ng pintuan. Mas amoy na nila ang mga dumi ng mga paniki sa sahig. Nagkakaamuyan na rin sila ng hininga. Amoy-Lala. Amoy-Mentos.

“Kita mo `to?” Tumuro si Makho sa ibabang gilid ng pinto. Nakaukit doon ang kanyang pangalan.

“Ano `yan?” Hindi maisip ni Jhustin kung ano ang kakaiba sa pag-vandalize ng kaibigan gamit ang sariling pangalan.

“Proof.”

“Proof ng ano?”

“Proof na nandito ako.”

“O, `tapos?”

Hindi sumagot si Makho. Sa halip, binuksan niya ang bulsa ng bag at dinukot ang isang maliit na Swiss army knife. Gamit ang kuko sa hintuturo, hinatak niya palabas ang isa sa mga patalim na nakasuksok doon.

Nahulaan agad ni Jhustin ang balak gawin ng kaibigan: dagdag na vandalism. Pero hindi niya ito pinigilan nang magsimulang umukit sa pinto. Pinanood niya si Makho tulad ng ginagawa niya kapag nagkukumpuni ang kanyang papa ng mga sirang gamit sa bahay.

Nang matapos sa pag-ukit, tiniklop ni Makho ang kutsilyo at ibinalik sa bulsa ng kanyang bag. Hindi naman malaman ni Jhustin kung ano ang mararamdaman nang makita ang finished product.

J

M A K H O

U

S

T

I

N