Chapter Nineteen
*We help people reach their best
when we simply believe in them.
But you also have to believe in yourself.*
Many years ago
“AGATHA , what are you doing?”
Huminto si Agatha sa paggugupit at nilingon ang matalik na kaibigan. “Trisha! Why are you here?” Mabilis niyang tiniklop ang mga diyaryo sa harap niya.
Tuluyan nang pumasok si Trisha sa kuwarto niya. “Gagawa tayo ng thesis, remember? We have to plan out kung saang cafés and bars tayo magsu-survey.” Humalukipkip ito at tumaas ang kilay. “Ano ba kasi `yan?”
“Nothing…” Pinipigilan niya ang pagngiti.
“Sus!” Mabilis na kinuha nito ang tinupi niyang diyaryo. “Business section… Aha! May gupit na ito. Ibig sabihin…” Napatingin ito sa kanya at tumawa nang malakas. “Yuck! Ginupit mo na naman ang picture ni Reeve Monteverde dito?”
Agatha chuckled at her best friend’s reaction. “I’m just…” Inilabas na niya ang mga ginupit na articles. “Maganda kasi ang mga sinabi niya sa interview. You know, Trisha, he’s so determined to make their hotels the leading hotel in our country. He’s the vice president but he doesn’t sit around and orders people.” Punong-puno ng paghanga ang boses niya. At siguro ay nagniningning na naman ang mga mata niya.
Umupo si Trisha sa tabi niya at kinuha ang ginupit niyang picture ni Reeve Monteverde sa diyaryo. Tinitigan nito iyon. “This man looks uptight. Masyadong seryoso.”
“Don’t you want that for a man? Seryoso sa buhay? May goals? Alam niya kung ano ang gusto niya at kung paano iyon makukuha?” Agatha sighed dreamily. “He’s charming too. Look at his smile.”
“Bulag ka ba? Ang stiff kaya niyang mag-smile. Parang ayaw ngang ngumiti. Napilitan lang.” Trisha rolled her eyes. “Akala ko no’ng high school tayo, crush lang iyan. Mawawala rin. Pero hindi! Magtatapos na tayo sa college, Monteverde pa rin! Eh, ang hotels nga nila ang kalaban ng hotels ng pamilya ninyo. Inyo ang leading hotel ngayon sa buong bansa. Kapag nag-number one ang Monteverde, mawawala sa inyo ang glory.”
“Daddy works hard too pero kahanga-hanga lang talaga kasi si Reeve. Basahin mo, o…” malumanay niyang sabi at iniabot kay Trisha ang ginupit na article sa diyaryo. “Lagi niyang iniikot ang mga hotel nila. Nilalaanan niya ng oras para mabisita ang lahat ng branch. Kahit sa Visayas at Mindanao. He doesn’t mind getting tired. Basta lang masiguro niya na lahat ng taong nagtatrabaho sa kanila ay ginagawa ang mga trabaho nila nang tama at mahusay. Isn’t he a good leader? Siya rin ang magmamana ng Monteverde Hotels kapag daw nag-retire ang father niya.”
Napailing-iling si Trisha. “Ang hopeless mo na! Kung makapagsalita ka, parang proud girlfriend ka.” Tumawa pa ito. “You’re crazy, Agatha.”
Kinuha niya ang malaking scrapbook at sinimulang idikit doon ang mga ginupit mula sa diyaryo.
“Oh, my gosh! Mapupuno mo na ang scrapbook!” bulalas ni Trisha. “At puro si Reeve lang ang laman. Stalker!” Nang-aasar ang tawa nito. “Stalker ka talaga, hindi na lang basta fan.”
Napalabi si Agatha at inilapat nang mabuti ang idinikit na article. “He’s just so… admirable.”
“Sana nagbabasa ka rin ng tabloid. He’s a womanizer. That’s not admirable.”
“He’s a handsome and rich bachelor. Marami talagang lalapit sa kanya,” she defended Reeve. “Sabi naman niya sa isang article two months ago, he tries to date but he’s not looking for something serious.”
“At gusto mo pa rin siya? `Yang mga ganyang lalaki, sex lang ang gusto.”
“Hindi naman siguro…” mahinang pagtatanggol niya pa rin kay Reeve. “Hindi naman natin siya kilala nang personal. Huwag nating husgahan ang tao base sa mga naririnig at nababasa lang nating kuwento. Siguro iba-iba ang mga nahuhuling kasama niyang babae pero hindi niya pinagsasabay.”
Maganda ang ginagawa niyang collection ng mga interview ni Reeve sa newspapers at magazines. Sa tingin kasi niya ay mas nakikilala niya ang lalaki kahit doon lang. Halatang matalino pa ito sa uri ng pagsagot sa mga tanong. Napapanood din niya ang mga interview nito sa business news sa TV.
Napangiwi na si Trisha. “Sige, ipagtanggol mo pa. Dapat binigyan mo ng chance ang mga manliligaw mo para hindi ka nababaliw diyan sa taong natamaan ka lang ng soccer ball no’ng grade five ka pa. Move on-move on din, girl.”
Hindi kasi talaga makita ni Agatha ang sarili na maging girlfriend ng ibang lalaki. “Sa tingin mo, Trisha, papansinin ako ni Reeve kapag nagkita kami?”
Tiningnan siya ng kaibigan mula ulo hanggang paa. “Ang ganda-ganda mo kaya. Oo naman. Pero hindi ko lang sure kung seseryosuhin ka niya. Bakit?”
“Hindi ko naman sinabing makikipagrelasyon ako sa kanya. Ang tanong ko lang ay kung mapapansin niya ako.” Isinara na niya ang scrapbook at tumayo. “May business summit na pupuntahan sina Mommy at Daddy. Isinasama nila ako. Then I found out that Reeve and his father was also going to be there.”
Agatha tried to hide her excitement but she just couldn’t. Hindi na siya makatulog magmula nang malamang malaki ang posibilidad na magkita uli sila ni Reeve!
“Matatandaan niya kaya ako?”
“Oo, kung mukha ka pa ring grade five.”
Natawa siya. “Trisha naman, eh…”
“Hindi ka na n’on maaalala. Reality check naman, girl. Eleven years old ka lang nang mangyari `yon. Ngayon, nineteen ka na. Eight years na ang lumipas. Wala nang nakakatanda n’on. Ikaw na lang.”
Napabuntong-hininga si Agatha.
Nilapitan siya ni Trisha. “Ano ba ang magiging ayos mo sa summit na iyan? Mag-make up ka, ha. Mukha kang high school kapag ganyang bare-faced ka, eh.”
“Ayoko ng makeup.”
Pinanlakihan siya ni Trisha ng mga mata. “Magkikita kayo doon ng crush mo, hindi ka puwedeng mukhang nene.”
Napangiti si Agatha. Kahit ano pang pandi-discourage sa kanya ni Trisha na tigilan na raw niya ang “kabaliwan” kay Reeve, ito rin ang nangungunang sumusuporta pa rin sa kanya. A best friend indeed!
Hinawakan niya ang kamay nito. “Then help me. Ikaw ang mag-ayos sa akin.”
Ngumiti ito. “Hmm… Hindi ko masyadong gagalingan, ha? Baka mamaya bigla kang i-take home ng Reeve na iyon. Hindi ka n’on seseryosuhin for sure. Mukha ka pa namang virgin. Pagkatapos kang ikama n’on, wala na. Ba-bye na.”
Humarap si Agatha sa salamin. “Mukha namang mabuting tao si Reeve. Baka misunderstood lang.”
“Ha! `Yong hitsura n’on ay lalaking kapag napangasawa mo, iiwan ka lang palagi sa bahay para magtrabaho. `Tapos aanakan ka lang nang aanakan para may mga tagapagmana siya.”
Agatha laughed at Trisha’s remark. “I think he’ll be a loving husband…”
Nagkunwari itong nasusuka.
“Ayaw mo ba kay Reeve as a person? Or as a man?”
Umiling si Trisha. “Gusto ko `yong palangiti at palagi akong mapapatawa. Si Reeve, parang ang seryoso masyado. Yeah, he’s handsome. An alpha male. Pero `yang mukhang `yan? Hindi pang-family man.”
“Pero gusto mong magpaganda ako dahil magkikita kami sa business summit? You want him to notice me.”
Biglang nagbago ang ekspresyon ni Trisha. Naging determinado. “Oo! At hindi ka dapat maging marupok! Ipakita mong hindi ka `yong babaeng madali lang niyang makukuha. Hindi ka bibigay sa kanya, ha! Nineteen ka pa lang, huwag kang sasama sa kanya sa kung saan!”
“Wala pa nga, eh. And how sure are you that he’ll notice me?”
“Very sure! Bata ka at sariwa!”
Namula ang magkabila niyang pisngi. “Will you stop that, Trish? Hindi naman siguro gano’n si Reeve. Sabi mo nga, masyado siyang seryoso. So you know, maybe he just doesn’t pick up women. He has high standards.”
At sigurado siyang hindi siya pasok sa standard na iyon. She read tabloids. Basta kapag tungkol kay Reeve, binabasa niya. Most of the time, the women he had dated were women of higher social class. Nasa mga kaedaran nito. Pero may napansin siya sa mga babaeng iyon. They all looked tough.
Agatha was far from looking tough. Mula pagkabata, ang lagi niyang naririnig sa mga tao ay napakaamo ng kanyang mukha. Because of that, she was often mistaken to be way younger than her actual age.
Her eyes were calm-looking. Her features were all soft. Very feminine. She moved and talked gently. She was an overall picture of a fragile young lady.
Hindi ganoon ang tipo ni Reeve base sa mga nakita niyang pictures ng mga babaeng dine-date nito.
“I might be too soft for him. Sure, he’ll notice me maybe, but he won’t take a second glance.”
“Malay mo naman?”
Nagkibit-balikat siya. “I just want to meet him personally. `Yon lang.” Hindi naman siya naghahangad ng higit pa roon. She just knew Reeve Monteverde was hard to reach.
Kaya nang dumating ang araw ng business summit ay kabado si Agatha. Maganda ang pagkaka-make up ni Trisha sa kanya. She made her wore a turtleneck blouse with three-fourth sleeves. Naka-tuck-in iyon sa isang maxi silk skirt na high waist at kulay-blue. Pinagsuot din siya ni Trisha ng three-inch heels para hindi sumayad ang palda niya sa sahig.
Nakasunod lang si Agatha sa kanyang mga magulang habang nakikipag-usap at naglilibot ang mga ito sa loob ng hall. Ipinapakilala muna siya at pagkatapos ay maa-out of place na siya kapag negosyo na ang pinag-uusapan.
Mas masaya pa kapag nagpa-piano siya sa bahay. Sana pala hindi na lang siya sumama. Tatlong oras na sila roon pero hindi pa rin niya nakikita si Reeve.
“Mommy, I’ll just go back to our table. My feet are sore,” paalam niya sa ina nang tuluyan nang makaramdam ng pagkainip. May kausap pa ang daddy niya na business colleagues.
“Sure, sweetie. Magpahinga ka muna. Sasamahan kita doon mamaya.”
Pagkabalik sa table nila ay uminom siya ng tsa. Inilibot niya ang tingin sa buong paligid hanggang sa mahagip ng mga mata ang kanina pa hinihintay.
Her heart skipped a beat. Napakurap-kurap pa siya para masigurong tama ang nakikita.
It was indeed Reeve in a three-piece gray suit and blue necktie! Katabi nito ang ama. Mayamaya ay napalibutan na ang mga ito ng mga tao. The press started to buzz. Nagsunod-sunod na rin ang kislapan ng mga camera. The Monteverdes were the real celebrity in business. They were one of the old rich families in the Philippines since the Spanish era.
Nanatili na lang si Agatha sa upuan at nakontento nang tumanaw mula sa malayo. Hindi na niya napigilan ang ngiti. She was seeing Reeve Monteverde in the flesh! Kahit malayo ng maraming metro ay ayos lang.
Sa tingin niya ay sulit ang tatlong oras niyang paghihintay. Isang tanaw lang, solved na siya.
Pinanood niya kung paano kumilos si Reeve habang napapaligiran ito ng mga tao. Nakangiti ito sa mga tao. But his smiles were reserved. His moves, calculated.
“Hija?”
“Daddy,” baling niya sa ama nang marinig ang boses nito.
“Come, let’s join the Monteverdes in the front row. The second program will finally start.”
“P-po?” Biglang napatayo si Agatha. Tama ba ang narinig niya?!
“Our seats were assigned according to the category of business we are in.”
Kumapit si Agatha sa braso ng kanyang ama at nagsimula na silang maglakad papunta sa puwesto nila. Nakita niyang naglalakad na rin patungo roon ang mag-amang Monteverde.
Mas napahigpit ang pagkakakapit niya sa daddy niya. Her knees started to feel like jelly. Magkasama sila ni Reeve sa isang row! Kung puwede lang tumili…
“Bakit malamig ang mga kamay mo, hija? Are you all right?”
Tumango siya. “Absolutely, Daddy. Malamig lang ang buong hall.”
Pagkarating nila sa upuan ay kausap na ng mommy niya ang ama ni Reeve. Napalunok siya nang mas nakalapit na sila.
“Philip!” sabi ni Mr. Monteverde. “I’m glad to see you here.”
“You look younger than the last time I saw you, Roman. Stress-free?”
Napatingin si Agatha sa kanyang ama. Was he close to the Monteverdes?
“You could say that. My boy is doing all the work for me. Reeve, come over here,” tawag nito sa anak.
Pasimpleng nagtago si Agatha sa likuran ng daddy niya.
“Mr. Anderson,” Reeve acknowledged her father. “I was looking forward to seeing you here.”
Napakalapit na ni Reeve sa kanya! Lalo siyang napakapit sa braso ng daddy niya. Napakahigpit siguro iyon dahil napalingon sa kanya ang ama.
“By the way, have you met my unica hija?” Inakbayan siya ng daddy niya at inalis sa likuran nito. “She’s Agatha, my heiress.”
Napatingala si Agatha kay Reeve na nasa mismong harap na niya! Her mind started to get awry, her words started to get mixed up…
Reeve smiled at her.
“What a lovely lady!” Reeve’s father said. “How young are you, hija, if you don’t mind?”
Napatingin siya kay Mr. Monteverde na katabi lang ni Reeve. “N-nineteen po…”
“Ah, very young and lovely. Nice meeting you, Agatha.” Inabot ni Mr. Monteverde ang kanyang kamay at masuyong hinalikan ang likod niyon.
“I’m glad to meet you also, Mr. Monteverde…” Nagbalik ang tingin niya kay Reeve.
Gosh, he was dreamy! Hindi sapat ang mga larawan para ma-capture kung gaano ito kakisig sa personal.
“Hello, Agatha,” he simply greeted her, giving her a reserved smile.
“H-hi, R-Reeve…”
“The program is about to start. Let’s take our seats?” sabi ng ama nito.
“I’ll sit with my date, Papa. I guess I have to leave you here.”
Oh. May date pala itong isinama. Hindi sila magkasamang mauupo sa iisang row…
Agatha hid her disappointment. Umupo na siya katabi ng ina pero nakalingon pa rin siya kay Reeve. Napangiti na lang siya. Bakit pa siya madi-disappoint? Dapat thankful na siya na kahit paano ay nagbatian sila. Ang gusto lang naman niya noong una ay makita ito.
She saw Reeve put his arm around the waist of his date. They kissed.
She looked away. Hindi niya maintindihan kung bakit may kirot sa kanyang dibdib. The business summit lasted for another two hours. Umuwi na rin silang pamilya pagkatapos. Hindi na uli niya nakita si Reeve.
“Ano’ng nangyari?” tanong ni Trisha mula sa kabilang linya.
“He said ‘hello’ to me,” nakangiting pagkukuwento ni Agatha.
“And then? He couldn’t get his eyes off of you, ano?”
“Reeve was with a date.” Inalis na niya ang makeup sa mukha. “Ipinakilala ako ni Daddy sa kanila. Kaya niya ako napansin sandali. Iyon lang.”
“Aw! Oh well, baka wake-up call na iyon. Na-meet mo na uli siya after that soccer ball incident. Nawala na siguro ang pantasya mo?”
“No. I still like him.”
“Kahit na nakita mo na sila ng date niya?”
“They even kissed.”
“Oh, poor you.” Tumawa si Trisha.
Nakitawa na lang din si Agatha. “They’re adults. Tama ka, bata pa tayo. At tama rin ako. He’s hard to reach. Maybe that’s why I like him…” Napayuko siya at nabura ang ngiti sa mga labi. “He wouldn’t notice me if Daddy didn’t introduce me to them. Hindi niya ako mapapansin. You know what? Masaya lang sa pantasya. But in reality, alam natin kung hanggang saan lang tayo.”
“Don’t say that. Tatanda pa naman tayo. Malay mo naman, sa susunod ninyong meeting uli—”
“Akala ko ba hindi ako bagay kay Reeve?”
“Siya ang hindi bagay sa `yo. You’re too sweet, Agatha. Reeve looks like a man who’s going to abuse it. Siguro nga hahayaan na lang kita sa kabaliwan mo sa kanya. Tutal, kilala rin naman kita. You know your limitation.”
“Yeah…”
“Pakabaliw ka lang diyan, sige. Harmless ka naman. Tanaw-tanaw na lang tayo kay Reeve.”
Napatingin si Agatha sa scrapbook na nasa ibabaw ng kanyang bedside table. “You know what? Kahit magkapamilya na siya at magpakasal sa ibang girl, I’ll forever admire the man in him.”
“Maka-man in him ka naman. Isang hello lang ang ibinigay sa `yo, eh.”
“I just… you know? I just feel it. He’s more than what we think he is.”
“Blinded ka lang ng admiration mo sa kanya.”
“I won’t admire him if I don’t feel the potential in him. He sure has his own flaws. But he’s a man. He knows how to grow. He’ll make a good husband and father someday.”
“May powers ka ba? Bakit ganyan ang nararamdaman mo sa taong tinamaan ka na nga ng soccer ball at nag-hello lang sa `yo?”
Hindi niya rin talaga alam. But something inside her was sure that whatever Reeve would become in the future, she would always believe in him.
She would always… love him.
“Ang creepy-creepy mo, Agatha. Obsession lang `yan!”
Agatha just chuckled. “Do you ever feel like you will always support a person kahit hindi mo sila kilala? You’re happy with their success? And even their failures won’t stop you from supporting them because you know they are still worth it?”
“Wala akong heart of a fangirl. Sorry.”
“Ganoon ang nararamdaman ko kay Reeve. Maybe you won’t understand for now. But there’s this kind of love that will always see the best in a particular person. Not because you’re blind but because you see beyond the flaws. Instead you visualize the potential growth in them.”
“Forever fan ang drama mo, girl?”
“I guess so…” Napapikit siya. “We help people reach their full potential when we believe in them. Kaya siguro, oo, I’ll forever admire Reeve. Kahit maging ano pa siya sa future. Because I can see how he’ll man up in everything. In every success. In every failure. He will be the man God designed him to be.”
YEARS later, Agatha could not remember how to believe in Reeve anymore. Her heart couldn’t recall the love she used to have for him.
Isa iyong estrangherong pakiramdam. Hindi niya kilala.
Isang buwan na ang nakalipas mula nang magsimula siyang magpakonsulta sa psychiatrist na inirekomenda ni Johann. She had therapies and drank her medicines.
But the more she remembered, the more she couldn’t feel the love she once had for Reeve. She couldn’t go back to her old self. Ayaw rin naman niyang bumalik.
“Trisha…” tawag niya sa kaibigan. Niyaya siya nitong magkape pagkatapos niyang mag-therapy.
“Yes?”
Napayuko siya. “I think… I never forgot how much I love Reeve before. Siguro… nawala na lang talaga iyon.”
“Agatha, ano’ng sinasabi mo? Hindi mo na mahal si Reeve?” hindi makapaniwalang sabi ni Trisha.
Her heart ached. Hindi niya tuloy alam kung mas nakasama o nakatulong ba ang therapy. Tuwing makakaalala kasi siya ay lalo lang siyang nadi-disappoint sa dating siya.
“Hindi puwedeng hindi mo na mahal si Reeve, Agatha.”
“My whole life, I just know I love him,” she said calmly. “Baka kailangan ko ring… kailangan ko ring maranasan kung paano ba ang hindi na siya mahalin.”
Matigas ang iling ni Trisha. “Agatha, no. Don’t say that.”
Babawiin na lang ni Agatha ang request niya kay Reeve na ligawan siya. She wanted to be free from that love who only knew Reeve.
She wanted to dream more than him.
Napatayo siya. “Uuwi na `ko, Trisha. Hinihintay na ako ng mga anak ko.”
“Agatha, paano sila kung hindi mo na gustong mahalin ang asawa mo? Agatha! Agatha, wait!”
Nagmamadaling makalabas si Agatha kaya hindi na niya napansin ang mga nababanggang tao. Her tears started to fall.
Hindi niya kilala ang sarili noon. Pero lalo na ngayon. What went wrong?